Press Release
October 8, 2017

Transcript of Interview with Senate Minority Leader Franklin M. Drilon
DZBB hosted by Ms. Nimfa Ravelo

q: Ano po masasabi ninyo sa claim ng PNP na wala naman daw pong EJK?

Drilon: Alam mo, naalala ko yung propagandist ni Hitler noong second world war na si Goebbels (Paul Joseph Goebbels) ang sabi niya, minsan mo lang sasabihin ang kasinugalingan, sinungaling pa rin iyan at kasinungalingan pa rin iyan, ngunit kung uulitin mo nang 1,000 times ang isang kasinungalingan, baka maniwala na ang taumbayan. Ginagago tayo nitong mga pulis, nitong spokesman na ito. Kala ba nila naniniwala ang taumbayan? At maniniwala na walang EJK dito sa ating paligid? Iyan bang si Kian Delos Santos, hindi po ba extra-judicial killing iyon? Lahat naman sinasabi, halos 4,000, inaamin mismo ng kapulisan na halos 4,000 ang namatay na sinasabi nilang nanlaban. Iyan po ay EJK na ang ibig sabihin ay hindi mo pinadaan sa husgado, walang trial at bigla na lang guilty at pinatay na. Iyan po ang klase ng EJK. Ngunit hindi na po natin dapat pagdebatehan ang pangalan niyan. Ang maliwanag po ay 4,000 ang namamatay kasama si Carl Arnaiz at si Kian. Iyan po ay kasinungalingan at niloloko po ang taumbayan. Ginagago ang taumbayan, to put it bluntly.

Q: Ang isa pa pong sinasabi nila, katulad ni Sec. Andanar na na-interview dito kanina na wala namang EJK kasi wala tayong judicial killing?

Drilon: Iyan ay mga rason na...Hayaan mo na 'yan, hayaan mo na taumbayan ang maghusga sa ganoong klaseng mga sagot. Uulitin ko lang, hindi po maniniwala ang taumbayan sa kasinungalingan ng mga propagandist na nilalathala sa ere.

Q: Kapag sinabing EJK, kahit ano pa po ang definition nila, kapag sinabing EJK ay na-salvage?

Drilon: Tama po iyan. Ang ibig sabihin pinarusahan mo ang isang tao nang walang kalabang laban - binaril mo, pinatay mo - dahilan sa tingin mo ay sila ay involved sa drug.

Q: Ang sabi ni Sec. Cayetano, yung mga human rights group na associated sa opposition ang responsible laban sa war on drugs ng administrasyon?

Drilon: Siguro pati na yung media ay dapat sisishin (laughs). Dahilan sa ang nire-report lang ng media at mga human rights advocates, lahat naman sinsabi ang facts kung ano talaga ang nangyayari. Yung mga tao mismo ang nagkokondena dahil hindi po karapat-dapat ang nangyayari.

Q: Dahil po diyan sa mga patayan, sa statement na walang EJK, what will happen to their budget?

Drilon: Alam po, yung operation tokhang, ang source noon ay double barrel program at P900 million ang nakalagay doon. Sinasabi nila na P136 million nito ay intelligence fund at ang remaining ay operational fund. Ngayon, hihingin ko po ang detalye at dapat na sasailalim sa audit ito dahilan sa ito ay public funds. Saan po gagamitin ito? Ang mga chismis sa labas ay may mga reward system na nanggagaling dito. Ating tatanungin po iyan.

Q: Kung hindi po nila ma-explain, what will happen po sa P900 million na yan?

Drilon: Kung hindi po nila maipapaliwanag kung para saaan ito ay tungkulin ng senado na tanggalin itong allocation na ito for next year's budget.

Q: May idea na po kung saan ililipat o pag-usapan muna natin kung kailangan tanggalin?

Drilon: Pag-usapan pa, pagdebatehan kung saan pupunta o ibawawas na lang sa national budget dahilan sa nahihirapan ang taumbayan doon sa TRAIN proposal ng administrasyon kung saan ibig magdagdag ng buwis. Pero kung ito naman ay gagamitin sa operation tokhang, mga operation na ang kalalabasan ay EJK, siguro ay pwede nating bawasan o alisin at tingnan natin kung saan ilalagay.

Q: Sir, hihingan n'yo ba sila ng maliwanag na report kasi palaging iba-iba yung figure?

Drilon: Ilang buwan ko na pong hinihingi iyan pati yung on-the-spot report kaya isa po iyan sa itatanong natin.

Q: May narinig ako doon sa interpellation n'yo sa budget ng PSA, tinanong ninyo kung ilan ba talaga ang drug addicts?

Drilon: Sa ilalim ng batas, ang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay siyang controlling sa ating pamahalaan. Iyan po ang official statistics. Kaya po on the basis of the mandate of the PSA, tinanong ko kung ilan ba talaga ang drug dependents sa ating bansa dahilan po iyan ang pagbabasehan ng ating polisiya tungkol sa problemang sinasabi ng administrasyon sa droga. Yung budget ng PNP ay nakasalalay doon sa kampanya sa drugs, P900 million ang nakalagay at mayroon pang ibang items diyan. Kailangan itong mga polisiya ay dapat ang maging basehan ay statistics. Ilan ba talaga ang drug addict, etc. Kaya nagulat ako ng sinabi na wala po kaming statistics tungkol diyan and we depend on the PNP, DOJ, etc. Ang sa atin, hindi naman natin sinasabing nagisinungaling sila pero sila po ay may motibo sa pagsasabi nito dahil sa siyempre they have to defend themselves against these criticisms. Ngayon naririnig mo Nimfa, wala namang EJK. Paano naman pagdedebatehan ito kung wala tayong statistics. Diyan po ay nagulat ako. The PSA should perform its mandate as an impartial supplier of data para po base sa data, we can craft the correct policy.

Q: Para pong itong PSA, halimbawa po, sila yung nagse-survey kung ilang ang mahihirap at doon nakadepende kung ilan ang ibibigay na budget doon sa CCT?

Drilon: Tama po iyan. Iyan po ang tungkulin nila sa batas. Iyan po ay hindi natin iniimbento. Nagulat po ako, to be honest, dahil wala po pala silang statistics dito sa problem sa droga.

Q: Baka kailangan po na SWS na lang muna?

Drilon: Pwede po. This is not rocket science. Pwede naman itong ma-survey. These survey companies naman, hindi naman dadayain iyan dahil kasalalay diyan ang kanilang pangalan.

Q: Yung Presidential Anti-Corruption Commission, yung dating administrasyon pala ay gumawa rin noon kahit si dating Pangulong Ramos? Ano po ang peculiar dito sa EO ni Pres. Duterte?

Drilon: Ang prinsipyo rito, dahilan sa ating separation of powers ay walang kapangyarihan ang pangulo na mag-imbestiga ng constitutional bodies. Iyan po ay removable at they can be disciplined through an impeachment process. Iyan pong impeachment process ay kapangyarihan ng kongreso at hindi po ng executive branch. There is nothing personal about this. Uulitin ko lang, yung kapangyarihan ng executive branch na pinamumunuan ng presidente ay limitado lamang doon sa executive branch. Hindi po pwede na kanilang disiplinahin yung mga constitutional offices dahilan po sa saligang batas ay nakasaad na ito po ay kapangyarihan ng kongreso. Iyon po ang legal situation diyan.

Q: Disiplina Sir, meaning hindi pwedeng suspendihin o patalsikin sa pwesto ng PACC?

Drilon: That's correct.

Q: Pero pwedeng mag-imbestiga?

Drilon: Pwedeng mag-imbestiga. Ngunit kung anuman ang resulta ng imbestigasyon nila, ang dapat na gumawa ng action dito ay either ang Ombudsman if it involves other government officials dahilan sa iyan po ang nakasaad sa constitution or kung officials mismo ay dapat ang kongreso ang magdisiplina.

Q: Para po kasing ginawa ito specifically for the Ombudsman and CJ Sereno?

Drilon: Even assuming, hindi ko po sinasabi dahilan sa hindi ko pa nababasa and I cannot make a conclusion, pero ang aking sinasabi ay hindi pwedeng sampahan ng kaso ang Ombudsman at ang CJ dahilan sa ito po ay saklaw ng kapangyarihan ng kongreso.

Q: Tingin n'yo po ba ito ay "in aid of impeachment"?

Drilon: Iyan po ay nasa pangulo. Sa stated purpose ng EO ay wala naman pong sinasabing ganoon.

News Latest News Feed