Press Release
September 28, 2017

Nancy paiimbestigahan 'paper billing' ng Telcos
MILYONG-PISONG KOLEKSYON SAAN NAPUNTA?

Kinwestiyon ni Senador Nancy Binay ngayong Huwebes ang aniya ay dagdag pasaning P50 na ipinapataw sa mga postpaid and data subscriber ng telecommunication companies (telco).

Sa ngayon, nagpapataw ng karagdagang bayad na P50 ang mga subscriber na nais pa rin makatanggap ng kanilang buwanang paper billing sa pamamagitan ng koreo, o "snail mail".

Ani Binay, kung mayroon mahigit 4 milyong post-paid subscribers ang isang telco, at kalahati nito ay nais pa rin ang tradisyunal na paper billing, aabot sa P100 milyon buwan-buwan ang dagdag na kita ng mga telco.

Nitong linggo, inihain ni Senador Binay ang Senate Resolution No. 521 na naglalayong paimbestigahan ang nasabing dagdag P50 na kailangang bayaran ng mga subscribers ng PLDT Incorporated at Globe Telecommunications Incorporated at iba pang mga telco na tumanggi sa isinusulong ng mga ito na "paperless billing".

"Milyong piso na dagdag sa kinikita ng telco, saan ba ito napupunta? Bakit pinayagan ng NTC ang ganitong sistema? At bakit kailangan pasanin ng mga subscriber?" tanong ng senadora.

Ayon kay Binay, kung talagang seryoso ang mga telco na hikayatin ang mga subscriber nito na tumalima sa paperless billing ay dapat magbigay sila ng magandang mga insentibo o promo.

"Kaysa parusahan ang mga subscribers na hindi payag sa paperless billing, mas mainam na bigyan na lamang ng insentibo ang mga sasang-ayon dito. Sa ganitong paraan, maaari pang mas mahikayat ang ating mga kababayang pumayag sa bagong sistema," ani Binay.

"Tila hindi naman makatarungan ang dagdag singil na ito sa ating subscribers, lalo na sa mga hindi naman techie na may edad na at 'yong mga wala namang maayos na koneksyon sa internet tulad na lang ng mga kababayan nating nasa probinsya," dagdag pa niya.

Giit ni Binay, ang dagdag singil na ito ay taliwas sa nakasaad sa Republic Act No. 7394 o mas kilalang Consumer Act of the Philippines na nagsasabing dapat protektahan ang interes ng mga consumers.

Noong Setyembre ng nakaraang taon sinimulang patawan ng dagdag P50 ng Globe ang mga postpaid subscribers nito na nais pa ring makatanggap ng paper billing habang sinimulan naman ng PLDT ang kapareho nitong dagdag singil nitong ika-8 ng Hulyo.

Nais ni Binay ipatawag ang National Telecommunications Commission (NTC) para din magpaliwanag sa nasabing scheme.

"Maganda man ang layunin ng Globe na makatulong sa pagprotekta sa ating kalikasan, pero kwestyon kung saan napupunta ang sinisingil nila. Nais nating malaman kung bakit P50 ang dagdag na singil para sa ilang piraso ng papel na ito," ani Binay.

Dapat aniya maipaliwanag kung bakit kinakailangang dagdagan ang kanilang singil, gayong ang serbisyong ito ay dati naman na nilang ibinibigay nang walang bayad.

"Sana sa ating layuning mapangalagaan ang kalikasan ay magawa rin nating isaalang-alang ang kapakanan ng ating mga kababayan," dagdag ng senador.

News Latest News Feed