Press Release
August 17, 2017

Grace Poe's Interview Transcript
DZBB with Orly Trinidad and Fernan Gulapa

Poe: Magandang gabi po.

Question: Ma'am, sa aming balitang natatanggap, wala ho yatang pagbabagong magaganap, walang pagbabago sa desisyon ng LTFRB at papatawan pa rin ng one month suspension ang Uber, tama po ba?

Poe: Maganda ang nangyari doon sa pag-uusap namin sapagkat ang Uber, inamin nila ang kanilang pagkakamali.

Q: Nag-apologize?

Poe: Sa kanila (LTFRB), directly, pero dapat din sa kanilang drivers at mananakay. Meron naman silang ilalabas na opisyal na pananalita ukol dyan. Pangalawa, nagbigay din sila ng mga suhestyon pagdating sa pagpataw ng parusa. Alam mo, ang medyo nakakalungkot lang, nasa kapangyarihan ng LTFRB na mamili kung anong uri ng parusa-supensyon, pwede rin namang pagmultahin. Sinasabi namin na sa ibang mga ekonomiya sa buong mundo na progresibo, hindi na yung suspensyon; yung pagmumulta ang medyo nakakapapa-aray sa kanila at hindi naantala ang serbisyo. Gayunpaman, ginagamit ng LTFRB yung kanilang mandato, sinasabi nila kasi 'ito talaga yung aming pamamalakad,' pero sila naman ay pumayag na magbigay ng pleading, parang apila na rin ng Uber, pero gumagamit sila ng teknikal na pananalita. Ibig sabihin hindi na pwedeng motion for reconsideration kundi pleading doon sa penalty. Ibig sabihin hihilingin ng Uber na 'pwede ba wag ganoon kahabang suspensyon,' kung pwede ay kung ano man yun, multa man yun o anumang kailangang ibigay nila, mga dokumentong hinihingi ng LTFRB para masolusyonan nga itong problema

Sa LTFRB naman, ang sabi namin, kailan ninyo pwedeng dinggin ang kanilang pleading? Hindi pa daw sila pwede ngayon, kailangan next week pa daw, Wednesday, dahil nga holiday ng Lunes, tapos, hindi ko alam anong meron sila ng Tuesday, so Wednesday sila. Ako naman ay optimistic na sana mas madali, pero ang nangyari ngayon, kung saka-sakali, isang linggong suspension at multa. Pero malalaman natin ang pinal na hatol nila sa Wednesday pa. Para sakin, mas okay na rin na maikli (ang suspension), pero mali pa rin kasi ang problema dito ay isang administrative problem sa pamamalakad at sa pagsunod ng alituntunin nila. Hindi naman ito tungkol sa kaayusan, at sa safety ng ating mga kababayan, kasi nga maraming nag-Grab at Uber dahil nga mapipili nila yung ganda ng serbisyo pag ikinumpara mo sa taxi, yan ang sinasabi nila.

Pero ito naman ang sinasabi ko sa LTFRB, bakit hindi ninyo madaliin ang pag-uusap ninyo tungkol sa flag-down rate ng mga taxi drivers natin na walong taon na ninyong hindi pinapayagang itaas. Kaya naman sila namimili ng pasahero dahil nalulugi sila pagdating sa rush hour. Sa madaling salita, ganito ang naging pag-uusap: pagdating next week, pagdedesisyunan nila. Ako talaga, pag hindi nila yan pinatawan ng mas maiksi (na suspension), sasabihin ko na sa inyo ngayon, napakagenerous ng offer ng Uber. Ibig sabihin, napakalaki ng multang kanilang ibabayad, bibigyan nila ng bahagi at pera ang mga drivers na naantala dahil nga dito sa gusot na ito.

Q: Masasabi po ba natin, meron po bang pagtiyak din naman sa panig ng mga taga-Uber na sila'y susunod, hindi yung willing kaming magmulta, andami naman naming pera, pero yung kasiguraduhan na susunod sila sa proseso ay gagawin nila?

Poe: Iyan po ay kasama sa usapan na magbibigay sila ng kasulatan na sila'y humihingi ng tawad. Pangalawa, inaamin nila ang pagkakamali nila. Pangatlo, susundin nila yung mga dapat na sunding patakaran. Sa ating mga nakiking, wala pa ngang patakaran talaga pagdating sa mga ride-sharing providers.

Pero ito nga, sa ating mga nakikinig, wala pang patakaran talaga pagdating sa mga ride-sharing providers katulad ng Grab at Uber. Ibig sabihin wala pa talagang batas tungkol diyan. Kahit man lang dito sa LTFRB na malinaw kung ano ba ang ibig sabihin ng ride-sharing? Kung ikaw ba ay may Uber pwede ka bang mag-apply para sa 50 sasakyan? Sa ngayon ay pwede dahil wala namang limitasyong binibigay so anong pagkakaiba nila sa, halimbawa mga taxi operators, sa dami ng sasakyan? Kaya nga dapat ay malinaw din na sabihin ng LTFRB, 'hanggang dalawang sasakyan lang ang pwede ninyong i-rehistro at kailangan owner-driven ito or kung mayroon man hanggang isang extrang sasakyan lang.' Pangalawa, dapat sabihin nila, 'ikaw Grab at Uber, wag kayong tatanggap ng lalagpas sa 20,000 aplikante dahil puno na ang ating mga kalsada.' Wala silang mga ganoon. Sila ay nagmamatigas, napaka-arbitrary sa puntong ito sapagkat hindi naman nakasulat pa kung ano ba yung mga alituntunin talaga nila.

Q: Naiintindihan po namin kung saan nanggagaling ang Uber kaya lang huwag din naman sana nilang samantalahin yung suportang nakukuha nila sa taumbayan. Siguro naman alam nila kung ano ang obligasyon nila kasi yun po ang nagiging reaksyon ngayon. Malakas ang suporta lalo na sa social media, wag naman sana nilang abusuhin.

Poe: Tama po, maging mapagkumbaba din naman sila. Hindi naman porke't kinakailangan sila ng marami nating mga kababayan ay aasta silang ganoon. 200,000 kasi ang gumagamit sa kanila araw-araw at lagpas pa nga sabi ng iba. Pero alam niyo po, kapag nasisira ang ating mga train na madalas, kapag nagkakaroon ng kakulangan sa ligtas na sasakyan o maayos na sasakyan, natural magkakaroon ng ganyang klaseng pagsuporta ng ating mga kababayan sa mga TNVS, kaya nga lang huwag naman sanang abusuhin kasi tinutulungan din natin. Ang gusto lang namin dito ay yung mga pasahero ay huwag naman ma-inconvenience.

Q: Sen. Grace yung hiling po ninyo na tulungan ang Uber, yung mga naapektuhang driver nila, ano po ang garantiya na bibigyan ng suporta sila nito pong Uber?

Poe: Unang-una, isusulat nila kung magkano iyon. Sabihin na nating magbibigay sila ng ilang milyon, sinu-sino ang mga driver na iyan. Ang sinabi ng LTFRB, 'para makasiguro kung tatanggapin namin iyan, ilista ninyo yung mga drivers na makakakuha.' Wala pa silang eksaktong formula dahil isusumite nila yun siguro bukas. Yung formula na gagamitin nila ay yung mga aktibong driver nila. Marami din naman na nagpapalista ng Grab at Uber na hindi naman talaga aktibong nagmamaneho o nagmamanehong part-time. So yung lost wages nila siyempre depende sa haba ng kanilang pagmamaneho, yun ang gagawing basehan ng Uber.

Q: Maghihintay pa po tayo ng August 23 kung ano po ang magiging desisyon ng LTFRB. Ganun po ba ang gustong iparating ng mga taga-LTFRB?

Poe: Nagmamatigas sila. Gusto nila ng ganoon, pagbigyan na kasi mandato nila iyan, pero para sa akin siguro kailangan i-revisit kung talaga bang nagagampanan ng Uber ang kanilang trabaho. Ito ba ay solusyon para sa problema natin na magkaroon ng ligtas na masasakyan o nakakadagdag pa sila sa problema? Marami na rin ang nagsasabi na nakakadagdag sila sa problema sapagkat malinaw na malinaw makikita mo kung sino ang mga colorum, samantalang naglipana rin ang mga ibang colorum na mga sasakyan na hindi naman nila napipigil.

Q: Iyan ang malungkot na ibinabato sa LTFRB. Ang lupit nila sa Uber pero tumambay lang po kayo sa dulo ng Taft Avenue at EDSA, ang dami po diyang mga nakaparada po sa mga gasolinahan, colorum na mga van. Pati dito sa mga paligid ng mga malls along EDSA ganyan din po. Iyan tuloy ang naibabato sa kanila na medyo unfair pero dapat din sigurong tingnan iyon at sagutin at harapin ng LTFRB although sasabihin nila wala sa kanila yung power to arrest kundi nasa LTO pero yun lang siguro dapat ding tingnan bilang ahensya ng gobyerno.

Poe: Tama po pero gusto ko rin pong bigyan ng garantiya ang ating mga taxi drivers. Ipinaglalaban namin din ang karapatan ninyo dahil matagal na rin kayong hindi nakakapagtaas ng inyong pasahe. 'Di ba P40 ba yung kanilang flag-down, kung ilang taon na yan, papaano ka naman makakapagkompetensya? Kaya siguro ayaw mong maghatid ng napaka-traffic sapagkat luging-lugi ka sa boundary, so ano ba naman yan? So ang LTFRB para sa akin, kung magmamagaling rin sa isang sitwasyon na ganito na napakadali kasing matunton dahil nga may app makikita mo lahat kung active o hindi, makakapick up o hindi, siguro dapat din yung ibang concerns tulad ng colorum at yung sitwasyon ng ating mga taxi drivers ay kanilang tutukan din.

Q: Senator Grace, meron pong Uber, Grab, U-Hop, meron pang bago na nag-aapply, paano yun kailangan pa bang mag-accredit ang LTFRB, hindi ba sobra-sobra na nga daw po ang namamasada na mga TNVS?

Poe: Yun na nga ang dapat pang linawin. Ilan ba ang kaya nating tanggapin? Kasi ngayon sinasabi nila na ang Grab pa lamang ay 75,000 na ang kanilang fleet na nasa sistema nila. So kung yan lamang, alam naman natin yung maximum capacity ng EDSA alone is around 200,000 'di ba? Kung yun lang ilang porsiyento na yung ng ating mga dumadaan diyan kung hindi man sila sabay-sabay na dumadaan diyan. Wala pa nga, pero siyempre kapag mayroong bagong market player sa atin, bilang isang free market, kailangan ikonsidera mo yun, hindi mo naman pwedeng ilagay sa monopolya ng dalawang malalaking higanteng Grab at Uber, pwede ka ding tumanggap ng iba. Pero you have to apportion it properly na siguro yung market share papaano hahati-hatiin yan sa lahat ng nag-aapply na TNCs o Transport Network Companies.

Q: Siguro yan din yung dapat nating tiyakin din sa Uber na tulad niyan, tulad niyo, tinutulungan niyo po sila at tulad din ng ibang mambabatas na gusto rin silang tulungan dahil madami na nga ho silang mga pinagsisilbihan, tiyakin naman nila na susunod na ho sila at dapat ay sundin nila ang proseso at mahirap yung multa sila ng multa at baka maubusan rin sila ng ipangmumulta, Senadora?

Poe: Alam mo dun sa multa nga na ibibigay nila kinompute ko sa ulo ko parang malaki-laki rin, parang mawawalan din sila ng halos lagpas isang buwan ng kanilang kikitain, malaki yun. Pero depende nga yun, tingnan natin kasi hangga't hindi nakasulat at nakahain yan, wala namang opisyal talaga dito na masasabi nating dokumento pa kaya hintayin natin. Pero sana sa ating mga nasa executive branches huwag na nilang patagalin ang mga desisyon tatanggapin rin lang naman nila at magbabayad na rin naman ng multa, tanggapin na sa ngayon at pag gumawa pa rin ng kalokohan ay doon na natin talaga, kasi nabigyan na natin sila ng sapat na pagkakataon. Katulad nga nito di ba pag merong mga iba diyan na siyempre gusto nilang mamili, kapag gagabihin na ng uwi, mapepeligro pa, yung iba nga nag-MRT nasiraan pa. So yun nga e, parang kulang talaga tayo sa istruktura ng ating transportasyon.

Q: Senadora maraming salamat po, siguro next week magkabalitaan po uli tayo kung gusto nang kumilos ng LTFRB sa problemang ito.

News Latest News Feed