Press Release
July 19, 2017

Grace Poe's Ambush Interview Transcript

Question: After the briefing, did it help you decide?

Poe: Hindi ko pwedeng sabihin ang partikular, pero marami akong mga tinanong, yung ating mga kasamahan din. Hinihiling natin na iprisinta nila sa aming joint session sa Sabado para mas maging malinaw kung kailangan ba talaga na hanggang Disyembre.

Q: Yun ang contentious dito?

Poe: Unang una, ang tanong ay kailangan ba. Pangalawa, kung 60 days o hanggang December. Sinusuportahan natin ang ating mga sundalo pero naintindhan din natin ang kalagayan ng ating mga IDPs (internally displaced persons), yung mga napaalis sa kanilang tahanan, tinatanong natin ang kanilang kalagayan, anong pwedeng gawin, at hindi lamang iyon, ano ang blueprint kung paano ang rebuilding ng Marawi, importante yun.

Q: Are you inclined to support yung December o yung 60 days?

Poe: Basta ako, susuportahan ko kung anong makakasugpo sa problema ng rebelyon doon. Kung ito ay kinakailangang i-extend, pero kailangan mahingi pa sa kanila ang detalye kung paano nila gagawin yun, bakit nila kinakailangan ng ganun katagal.

Q: Ang recommendation ng security officials, until the end of the year?

Poe: Kung ano ang narining ninyo, iyon lamang ang pwede kong masabi kasi hindi pwede ang detalye, pero yung hinihiling nila ay yung mismong hiniling ng pangulo, nasabi na naman nya yun sa atin.

Q: Nakikita ninyo ang justification dun sa hinihinging period of extension?

Poe: Maraming mga nasabi doon pero sinasabi ko nga, marami pang kulang na hinihiling naming dalhin nila at iprisinta sa Sabado, kasi iniisip natin, kailangan ba ninyo talaga hanggang Disyembre, bakit, anong gusto ninyong makamit sa panahon na yun o baka naman pwedeng 60 days as mandated normally, or baka less, or maybe not, lahat naman yun pwedeng maging scenario.

Q: May we know ano yung marami sa inyo hinhingi pa na hindi nila masagot?

Poe: Whether in executive session or not, gusto natin talagang malaman ano ba talagang pakay nila, anong layunin nila na nais nilang makamit pagtapos ng martial law. Ano ang pwede nilang gawin na hindi nila pwedeng gawin kung walang martial law?

Q: Na-discuss din ba possibility i-limit ang martial law?

Poe: Basta lahat ng mga katanunan ninyo napapag-usapan din, hindi ko lang pwedeng sabihin ang mga detalye. Ang masasabi ko lang ay ang mga nabanggit na rin sa aking panayam bago pa ito.

Q: Final decision sa Sabado?

Poe: Magkakaroon ng malayang diskusyon, hindi lamang miyembro ng majority, pati minority kasama sa diskusyon kasi maganda rin ang ni-reraise ng iba nating kasamahan.

Q: Will we be expecting security officials on Saturday?

Poe: I believe they will be there. Dapat siguro andun din lahat ng merong kinalaman sa rehabilitasyon.

Q: May personal request ba sa inyo si presidente noong dinner nung isang araw?

Poe: Walang personal request. Noong nandun kami, ang pangulo, very gracious na lumapit sa amin, nangamusta at sinabi ko, Mr. President, yung libreng pagkain sa mga public schools, sa mga bata. Lahat naman nagsasabi kung ano yung sana maging priority bills. Kung ang pangulo mismo ang personal na nagmungkahi ng kanyang gusto? Hindi naman, sinabi lang nya ito mismo sa speech nya, pero one-on-one sa akin, wala. Alam naman ng ating pangulo rin kung ano ang makakabuti, sang-ayon naman tayong tutulong kung sa tingin din natin ay tama.

On meeting with LTFRB, Uber and Grab

Q: Sa Grab and Uber, makikipag-meeting daw kayo today?

Poe: Sa inisyatibo ng ating vice-chair ng public services, mag-coconduct kami ng meeting muna kasi itong problema na ito sa Uber and Grab ay urgent. Isang milyon sa ating mga kababayan ang umaasa sa ganitong uri ng serbisyo. Ngayon sinasabi ng LTFRB, hindi sila kumpleto sa kanilang papeles, temporary ang kanilang, hindi sila pwedeng mag-operate. Nandoon na ako pero bakit ang bagal mag-issue ng permits sa kanila. Sino ang nagkukulang sa kanila? Pangalawa, kapag sinasabi kasi na ang daming colorum, ang dami rin naman na colorum bus and jeep. So yun din ay dapat sagutin nila sa atin. Pagdating sa kaligtasan, yung ating mga kababayan, sinasabi na mas palagay ang loob nila sa Uber o Grab, so pakinggan natin bakit ang pamantayan nila ay ganoon. Dapat naman malinaw na sabihin ng LTFRB, hanggang ganito karami lamang ang sasakyan na pwede nating tanggapin, hindi yung pinapaasa din nila ang Uber at Grab, at ang Uber at Grab, ganoon din hindi din dapat pinapaasa ang kanilang mga contractors o ano man ang tawag nila; pero ulitin natin, hindi pwedeng basta mawalan ng sasakyan ang ating mga kababayan dahil sa away ng departamento sa iba.

Q: Ma'am ano po ang naiisip ninyo na compromise?

Poe: Siguro titingnan muna natin kung bakit hindi sila nabibigyan ng permit. Ano ang pagkukulang ng uber? Pwede bang bilisan ninyo LTFRB ang pag-process ng permits na ito? Kung ang dahilan ay dahil puno na ang kalsada at hindi na ninyo kayang tumanggap at magbigay ng franchise e di dapat sabihin ninyo sa umpisa pa lamang.

Q: What do you hope to achieve from the meeting?

Poe: Ako, aapela ako sa LTFRB na habang sinusuri itong problema na ito huwag silang basta suspinde ng suspinde kasi ang daming mawawalan ng masasakyan. Mayroong mga iba na nakadepende talaga dito at mayroon din naman iba na kung hindi man naka-depende dito ay masasabi naman natin na teknolohiya ito, hindi naman dapat na basta na lang babarahin dahil hindi tayo sanay. May nagsabi nga na 'we're trying to catch up with technology' so let's also give the government a break na kung ano ang maitutulong namin para mas mapadali ang proseso nitong mga permits na ito ay gawin natin.

Q: Ma'am ano yung sinasabi ninyo na ifa-file ninyo na bill or reso na pwedeng maka-address doon sa issue?

Poe: Oo, pinirmahan ko na yung resolusyon na ifa-file natin (filed today) na talagang dapat tingnan kung ano ba ang nagiging problema sa LTFRB, bakit nagkakaroon ng permits na ganito. Malinaw rin na ang LTFRB, ano ba ang requirements ninyo sa mga service vehicles na iyan? Lisensya, obviously kailangan nila ng insurance o kung ano mang dokumento pa, kailangan malinaw. Ilan lang ba ang papayagan ninyo para naman ang Grab at Uber ay hindi lumagpas doon sa takdang bilang na pwedeng bigyan ng permit.

Q: So may problema talaga dito sa LTFRB ma'am?

Poe: Hindi natin masasabi na LTFRB lang ang may problema, lahat mayroong problema dito pero bilang sangay ng gobyerno, ang dapat mong iniisip ay ang kapakanan ng ating mga kababayan. So kung paparusahan mo halimbawa ang isang kumpanya, iisipin mo rin sino sa ating mga kababayan ang maaagrabyado at kung mayroon ka naman magagawang paraan para masolusyonan ang problema, bilang isang opisyal ng gobyerno, dapat gawin mo ito.

Q: Makakapag-hearing ba kayo before July 26?

Poe: Magmi-meeting muna kami kasi baka naman it can be resolved in a meeting. Tapos makikita natin, kasi yung hearing naman bukas sa publiko, ito namang meeting na ito, because of the short notice, because of the crisis, we called for a meeting first pero ito namang magiging diskusyon namin ay bukas sa inyo para makita ninyo ang transcript o kung gusto ninyong makinig. Welcome naman kayo para malaman ng ating mga kababayan.

Q: Tapos doon mag-dedecide whether magpa-public hearing?

Poe: Ito para lang masolusyonan ngayon. Pagdating ng hearing sa Senado, ano pa ang mga batas na kailangan nating buuin, iba naman iyon. So in the meantime ano ang band-aid solution natin na pwede nating gawin para hindi lumala ang krisis tapos pagdating sa hearing natin sa Senado anong pwede nating gawing batas para hindi na maulit ang ganitong klaseng krisis.

News Latest News Feed