Press Release
July 17, 2017

Grace Poe's Interview Transcript
DZMM with Mr. Ted Failon

Ted Failon: Good morning, ma'am.

Grace Poe: Good morning, Manong Ted at sa lahat ng nakikinig.

Failon: Ano po ang inyong reaksyon dito sa naging desisyon ng Ombudsman na kasuhan ang dating pangulong Aquino ng usurpation of authority?

Poe: Unang una, talagang tinatanggap natin na mas mas mabuti talaga na magkaroon na ng kaso dito para umusad na ang mga imbestigasyon ukol dito. Nung kami ay nagkaroon ng pagdinig, tatlong bagay naman ang gusto natin: katotohanan, katarungan at magkaroon na ng kapayapaan, pero hindi mangyayari maski alin dyan kung hindi muna iimbestigahan nang mas maayos at patas, kaya sinigurado namin na kahit pangulo mismo noon ang aming iniimbestigahan, naging patas kami sa Senado. Mabuti na meron na ring kaso ang Ombudsman na isasampa sapagkat unang una, dapat magkaroon na ng pagtatapos ito, pangalawa, pagkakataon na rin na marinig mismo sa bibig ng dating pangulo ang kanyang punto at ang kanyang naging partisipasyon ukol dito.

Failon: Chance rin para sa kanya na sagutin ang mga paratang sa proper forum. Sa inyong findings sa nangyaring imbestigayon, nabanggit ninyo, Aquino was given inaccurate information but he is ultimately responsible for the mission for giving assent and failing to stop Purisima's usurpation of authority. Ito po ang nabanggit sa inyong committee report. Kayo po ba ay kuntento sa kaso, o sa inyong palagay meron pang mas mabigat na kasong kriminal na dapat kaharapin ang dating pangulo?

Poe: Unang una, ang aming pagdinig ay in aid of legislation. Ano ang mga kulang sa batas na dapat nating punuan para maiwasan ang mga ganitong uri ng trahedya? Magkakaroon na ng pagdinig sa korte, nasa kanilang idetermina yan pagdating ng mga ibang ebidensya at pag narinig nila mula sa bibig mismo ng ating nakaraang pangulo. Yung usurpation of authority, dalawang bagay lang yan, either meron kang direct involvement o ikaw ang nag-induce o gumawa ng paraan para mangyari ito. Malinaw na malinaw na alam ng dating pangulo na suspendido si Gen. Purisima ngunit sya pa rin ang ginawang tagapamahala dito sa operasyong ito. Malinaw na ang pangulo marahil ang syang nagtulak nitong usurpation kasi hindi naman kikilos si Purisima kung walang direktang utos sa kanya. Pangalawa, pagdating sa graft, ang graft napakalawak kasi ng depinisyon nyan. Pag may ginawa na disadvantageous sa gobyerno o sa taumbayan, talagang mananagot ka dito, sa tingin ko, malinaw rin na nagkaroon ng disadvantageous na pagkilos sapagkat nakita naman ng ating pangulo noon na suspendido nga si Purisima at merong dahilan kung bakit, pero sya ay ginawa pa ring namamahala dito, kaya sa dalawang bagay na yun, sa tingin ko, meron talagang basehan. Pagdating naman sa kriminal, ito ang aking personal na pananaw, kaya nga kahit iyong Senado, at gusto ko ring mapaalala sa ating mga kababayan, ikaw man ay tutol sa pangulo noon o kampi sa pangulo, lahat halos sila (mga senador) ay pumirma dito sa committee report na ito sapagkat pagdating sa kasong homicide, ang operasyon ng Mamasapano ay isang ligal na operasyon, hindi namn ito iligal, mali lang nga marahil ang mga naging utos at mga desisyon pero ligal ito. Pangalawa, ang pumatay sa ating mga SAF officers ay BIFF, hindi naman mga tao ng pangulo, so ang direct involvement ng pangulo doon sa mga pumatay, halimbawa, hindi naman nya ito ipinag-utos o direktang masasabing kasangkot sya. Dito ang magiging debate kung ano ang sasabihing punto para bigyan ng criminal offense ang dating pangulo. Ito ang mga bagay na pwedeng sagutin pagdating sa deliberasyon sa korte.

Failon: We respect Republic Act 3019 o ang Anti-graft law, which is also criminal in nature, pero ito hong binabanggit na criminal offense na multiple homicide through negligence ng ilang apektado.

Poe: Yan ay dapat talaga idetermina ng korte. Marahil ay may pagkukulang sa batas pagdating sa command responsibility, hanggang saan ang pananagutan kapag merong palpak na operasyon o pag may napatay sa isang engkuwentro, kaya lamang, iisipin din natin ito, kung lahat ng command responsibility ay maipapataw sa pangulo, halimbawa pag merong namatay sa isang operasyon, may kapalpakan sa operasyon, sa tingin ko, walang mamumuno sa ating bayan na hindi makukulong, sapagkat talagang maraming pagkakamali. Makikita natin dapat dito, may malice ba o conspiracy na magkaroon ng pagpatay, sa tingin ko naman maski na sinong pangulo, hindi gugustuhin na mangyari iyan. Tayo ay nakikisimpatya sa pamilya na siguro kung mabilis ang desisyon ng pangulo, unang una, hindi nya kinuha ang isang suspendidong PNP chief, pangalawa, agad-agad nagpadala ng reinforcement, masasabi nating maaaring nailigtas ang ating mga police officers doon. Ito ang mga bagay na dapat talakayin sa korte kaya nga mas malaki ang kumpyansa ko ngayon na magkakaroon na ng kaso dahil noon naman, hindi naman humarap din sa pagdinig si dating pangulong Noynoy dahil meron syang immunity noon, pangalawa, ang national security council, siguro yung kanilang protocol system, yan naman ay pinamumunuan ng executive secretary ay dapat marinig na rin kung paano ba dapat ang naging pagkilos, at ngayon, ang dating executive secretary, si Secretary Ochoa, ay dapat madinig din ang panig ukol dito.

Failon: Do you agree sa reopening of Mamasapano encounter investigation as proposed by Sen. Gordon?

Poe: Unang una, kung merong maaaring ipresenta na hindi namin natalakay noong nakaraang pagdinig, bakit naman hindi, katotohanan ang puno't dulo nito. Kaya lang ang pwedeng gamitin ng iba na dahilan sa hindi pagsalita ay dahil ito ay magkakaroon na ng kaso sa korte, kahit tawagin pa si President Aquino dito upang mag-testify, pwede nyang sabihin na may kaso na yan kaya hindi na natin pwedeng sagutin ang mga bagay na yan, kaya gusto kong malaman ang mismong pakay din ni Sen. Gordon, although, hindi ako tututol dahil yan ay kanyang prerogatiba bilang chairman ng blue ribbon committee kung gusto nya itong dinggin. Si Sen. Lacson din, nung una itong prinopose ni Sen. Gordon na buksan, hindi rin nya masyadong suportado, ang naisip nya, meron na kaming naging pagdinig dito, pero sabi ko nga at ni Sen. Lacson din, kung merong bago, ipresenta natin, bakit naman hindi, kung magbebenipisyo hindi lamang ang pamilya ng biktima kundi ang taumbayan.

Failon: Abangan po natin ang pag-usad ng kasong ito at alam naman natin kung gaaano katagal ang pag-usad ng mga kaso...

Poe: Narinig ko rin yung sinabing apila ng isang byuda ng Mamasapano, malaking bagay rin ang pag-usad ng kaso pag meron talagang pagtulak mula sa ating pangulo, siguro dapat ipaalala ang paghilom ng ating bayan ay napakahalaga dito sa usaping ito kaya dapat unahin din ang kaso at tapusin na agad.

News Latest News Feed