Press Release
May 26, 2017

MANIPIS ANG ARGUMENTO NG PANGULO PARA SA MARTIAL LAW SA BUONG MINDANAO
Akbayan Senator Risa Hontiveros on President Duterte's report submitted to Congress on his declaration of Martial law in Mindanao

Gaya ng kung gaano kanipis ang report na pinadala ni Presidente Duterte sa lehislatura, manipis ang kanyang mga argumento kung bakit kailangan ang Martial law sa buong Mindanao bilang tugon sa krisis sa Marawi.

Kung uusisain ang report, hindi nasagot ng Presidente kung bakit ang pagsasailalim sa Martial law ng buong Mindanao at suspensyon ng privilege of the writ of Habeas Corpus ay "appropriate" at "proportional response" sa terorismo ng Maute group. Kung tutuusin, ang buong report ay tungkol lamang sa Marawi at Lanao Del Sur.

Dahil dito, lalong bumibigat ang aking agam-agam sa deklarasyon ng pangulo ng Martial law sa buong Mindanao.

Batay na rin sa pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP), unti-unti ng naibabalik ng ating mga matatapang na sundalo ang Marawi sa kontrol ng pamahalaan. Unti-unti na ring nasusukol ang teroristang Maute group at nalimitahan ang kaguluhan sa nasabing lugar.

Sa aking tingin, sapat na ang "calling out power" ng presidente para i-mobilisa ang sandatahang lakas upang sugpuin ang "lawless violence, "invasion" at "rebellion" na hindi nagdedeklara ng

martial law. Ito ang ginawa ng mga nakalipas na administrasyon sa Ipil at Lamitan. Ito rin ang tugon ng pamahalaan sa mga nagdaang kudeta. Sa lahat ng incidente, nanaig ang ating AFP at sibilyan na pamahalaan. Ito sa aking palagay ang pinakamainam na "proportional and decisive response" sa krisis sa Marawi.

Muli, ako ay nanawagan sa liderato ng Senado at Kongreso na sa pinakamabilis na panahon ay magsagawa ng isang joint session para pag-usapan ang ulat ng pangulo. Huwag sanang balewalain ng lehislatura ang kanyang "constitutional duty" na usisain ang katamaan ng deklarasyong martial law ng pangulo.

News Latest News Feed