Press Release
May 9, 2017

FULL TRANSCRIPT OF SEN. GRACE POE'S AMBUSH INTERVIEW

Question: Approved na po sa committee level?

Sen. Grace Poe: Dito sa hearing natin ay wala namang tumutol at yung ating mga kasamang senador, in fact kasama sa mga priority bills bago kami mag-adjourn ay maipasa na itong 5-year validity ng lisensya kasi ang mayroon tayo ngayon ay isang administrative order na iniimplementa ng LTO. Kailangang mayroong batas para hindi mapalit-palitan. So 5 years ang magiging validity nito at pinangako naman ng LTO na by August ay maguumpisa na ang pag-issue ng bagong lisensya na may 5-year validity period.

Q: Next hearing?

Poe: Wala na tayong hearing. Committee report tapos papipirmahin na natin ito para mapasa na ito sana bago mag-adjourn sa May.

Q: Sa 5-year validity, walang dadagdag na bayarin iyon sa mga kukuha ng lisensya?

Poe: Ang sinabi ng LTO, sa ngayon wala naman silang nakikitang additional na bayarin. Yung bagong magiging lisensya, bago ka makakuha nun ay may biometrics feature na para hindi yung porke't napalitan lang ang initial mo, napalitan yung pangalan, pwede ka nang kumuha ng ibang lisensya. Yung ibang mga masasamang balakin minsan dalawa o tatlo ang lisensya at iba-iba ang pangalan. Ngayon mayroon nang feature na biometrics so may mga bagay-bagay na pinagusapan namin. Pero ang isa pang nagiging problema na lumabas, kaya lamang ay ang sinasabi nila na ang LTFRB ngayon ay nagpadala ng isang circular na kailangan ang mga public utility drivers ay mayroong separate I.D. at hindi lamang yung lisensya. Ang tanong dito, may karapatan ba ang LTFRB na dapat sila ang nagiisyu ng right ng isang driver na magmaneho e wala naman yun sa kanilang mandato kaya kailangan silang ipatawag...Nag-iingat tayo na maging source ito ng kalituhan o korapsyon.

Q: Sabi niyo may mga safeguards kayo na ilalagay sa committee report, ano po ito?

Poe: Unang-una, dapat masiguro ng LTO na hindi sila papatong ng kung anumang mga bayarin na lagpas, hindi sila kikita dito. Kailangan kung ano lamang ang cost ng ahensya, yun lamang ang babayaran ng mga driver. So sa ngayon, kung P800 ang binabayaran para magkaroon ng bagong lisensya hindi dapat tumaas iyon. Hindi naman natin ilalagay ang eksaktong halaga sapagkat ang batas ay matagal. Depende iyan kung ano ang magiging operational cost. Hindi dapat pagkakitaan ito ng gobyerno.

Q: Hindi kaya magiging mas matagal ang release ng bagong driver's license considering may additional security features?

Poe: Hindi naman daw sapagkat ang kaibahan nito, ang mismong LTO na ang magpiprint o mageengrave ng lisensya. Hindi na nila ito ia-outsource pagkatapos na makuha nila ang lahat ng makina na ino-order nila kasi nga mayroon ngang isang nagsabi na kung ang mga paaralan nga nakakapag-issue ng mga I.D. e yung mga ibang unibersidad may mga barcode na ang mga I.D. nila, so bakit hindi kaya ng isang ahensyang katulad ng LTO? Ang kinikita ng LTO sa mga lisensya kung ang nagpaparenew o nagpapakuha ng lisensya taun-taon ay 5 milyon ay halos 4 bilyon ang kanilang nakakalap dito kaya sa tingin ko naman kailangan na sila mismo ang mag-print nito para walang mga delay.

Q: On German firm

Poe: Kasama iyon, tinanong ko nga rin. Yun bang German firm kasi--yung nanalo na may partner na Pilipino--hinihingi natin yung articles of incorporation nila, capitalization, kung may kapabilidad sila. Pero kung hindi nila madeliver iyon, sabi ng LTO nandoon sa kanilang kasunduan na pwede nilang talikuran itong kasunduan na ito. Pero yun nga ang sinasabi natin, kung biometrics ito at isa lamang ang biometrics scanner sa bawat LTO office baka napakatagal ng pila. Kasi nakita naman natin, sa DFA kung pupunta tayo, sa dami ng biometric scanner, hindi naman dalawang minuto ang pag-scan ng mga daliri, minsan hindi naman na-scan kaagad. Sabi ko bakit naman ganoon, isa lang bawat LTO office? There are about 265 LTO offices but they should have more than 265 scanners. Sabi nila may reserba silang 30 pero kulang pa rin iyon.

Q: Paano po yung mga hindi pa nakukuhang lisensya, mga backlog?

Poe: Yun na nga yung sinasabi na kasama na sa kasunduan na maibigay yung mga backlog na lisensya. Yung isa pang nagiging issue dito na pagdidiskusyonan natin ay yung mga plaka na dati nang nabayaran pero hindi pa rin natatanggap. Ano na ang plano nila dito? Sa susunod na pagdinig yun ang ating tatalakayin kasi sabi ko maghanda muna sila bago sila magbigay ng kung anu-anong mga eksplanasyon kasi diba yung iba nagbayad na sa plaka nila pero hindi pa nakukuha, nasaan ang pera na iyon? Iyon ba ay nasa escrow? At kung saka-sakaling kumuha sila ng ibang supplier, magbabayad ba sila ulit para makuha?

Q: On traffic rules and regulations?

Poe: Tinanong ko yung LTO, kayo ba ay namimigay na ng mga manual para puwedeng pagaralan ano yung mga batas ng kalsada. In the process na daw sila pero sa ngayon daw hindi na daw nakapaskil sa dingding kung saan nage-exam ang mga potential drivers. Kasi dati nakita natin kaya pala lahat pumapasa or halos pumapasa lahat, kasi pala may kodigo lahat. Sabi ko magingat kayo kasi pupuntahan ko na ang mga LTO offices para masiguro na walang cheating 'diba iyon naman ang importante kasi sabi nga nila halos ang dami daming mga driver na hindi nakakaintindi ng batas trapiko.

Q: Lahat na macocover ng 5-year validity?

Poe: Sabi nila umpisa na iyon. Kapag nag-apply ka, I think by that time makukuha mo na ung I.D mo. Yung mga ngayon yata mga nag-apply, 5 years ang validity pero wala pa yung I.D., parang August pa magiging operational yung mga equipment na in-order nila.

Q: Di na sya gagawing batas? Commitment ng LTO di na natin kailangang gawing batas?

Poe: Hindi, administrative order palang iyon. Ito'y sa LTO, pero bakit natin kailangang gawing batas? Unang una para hindi magpalit ang isip ng LTO. Kasi kung executive decision, kapag nagiba na yung isip o kaya may ibang administration, maaring palitan, so kailangan ng batas. Pangalawa kailangan din nakalagay sa batas na ang ipapataw nilang bayad ng mga kumukuha ng lisensya ay hindi basta basta tinataas ng lagpas sa cost ng lisensya. So yan ang mga bagay na maaari nating bigyan ng diin sa illalabas nating batas at saka yung mga sinasabi nila na pagkakaroon ng identification features, yung biometrics ilalagay na natin yun.

Q: Maam may confusion lang meron kasing ibang mga nag-apply na ng license 3 years pa pero ang nasa resibo nila is 5 years?

Poe: Okay well kasi nga marami pang hindi napaplantsa sigurong procedure dahil ang dami ng LTO office baka hindi naayos, pero siguro within the time na naglabas ng memorandum circular nila 5 years yung validity at na-issue dun kahit nakalagay pa dun 3 years pwede mong i-assert yun na at this time kung kailan man yun, 5 years na dapat ang validity doon.

Q: Pero sa August ito magsisimula?

Poe: August ang printing nung mga 5 years na validity nung license.

Q: August pa po yung date pero October ang start ng distributing?

Poe: As soon as they're able to print, sabi nila by August daw maro-rollout na nila yung ibang mga lisensya kasi siyempre kung mag dadagsaan, kasi sa isang taon mga 5 milyon ang mga kumukuha ng lisensya so kung mag dadagsaan ang mga 3 milyon by August siguro magkakaroon. Isipin nalang natin, lets anticipate na magkakaroon parin ng konting backlog pero tayo naman ay binigyan ng garantiya ng LTO na gagawan nila ng paraan talaga ito na maisaayos nila kung hindi naman ay sympre masisita sila. Thanks guys.

News Latest News Feed