Press Release
March 13, 2017

Grace Poe's Interview Transcript dzMM with Ted Failon

On the creation of a National Transportation Safety Board

TED FAILON: Mayroon po ngayong panukala sa Senado ang committee on public services na magkaroon po ang bansa ng tinatawag na National Transportation Safety Board (NTSB), napakaimportanteng panukala. Atin pong kausapin ang may akda nito si Chairperson Sen. Grace Poe.

GRACE POE: Magandang umaga po sa inyong lahat.

FAILON: Opo, ma'am binasa ko po itong explanatory note ho nitong inyong panukala. Basically ma'am saan ho kayo humuhugot po dito, bakit ho ninyo ito naisipan ma'am?

POE: Alam ninyo po manong sa kasaysayan ng ating bansa, ang dami ng mga naging aksidente, hindi lamang sa land o sa kalsada kundi pati na rin sa ating karagatan. I think, iyong pinakamasamang maritime accident diyan sa barko sa buong mundo ay nandito sa ating bansa. Ilang libo ang namatay at hanggang ngayon ay wala pa ring kalinawan kung ano ba talaga ang mga hakbang na ginagawa ng gobyerno para maiwasan ito. Kung paano mabibigyan ng paunang lunas at matagalang tulong ang pamilya ng mga naging biktima nito. Hindi lamang iyan, siyempre nakikita naman natin na iyong kahuli-hulihang trahedya ay iyong isang bus na nakarehistro diumano na ilang taon pa lamang, pero ito pala ay halos 30 years old na. Itong sinasabi nating panukala ay dapat magkaroon ng isang National Transport Safety Board kung saan ang mga miyembro nito ay talagang nakatutok lamang sa iisang trabaho--ito ay imbestigahan ang mga trahedya na recurring o kaya ay may malaking tragic result katulad nga nitong mga maritime accident, bus accidents o kaya ay rail accidents.

FAILON: Ma'am sa atin pong simpleng research po dito ay may ibang mga bansa po na mayroon hong ganito. Parang mayroon na rin po silang kaakibat na forensic investigation para malaman po iyong cause of accidents nga sa mithiiin na hindi na po ito maulit. Ito ho ba sa tingin ninyo ay magagawa sa isang third world country like us?

POE: Alam ninyo, iyon nga po ang palaging sinasabi, 'we're third world,' pero nakikita naman natin na kung talagang may determinasyon, may kakayanan tayo. Sa ngayon nga ang gobyerno ay tumataas na talaga ang budget, marami tayong pwedeng pagkunan ng pondo para sa ganitong mga uri ng organisasyon ng gobyerno. Iyon nga dapat ang prayoridad talaga, dapat na gawin na ito. Napakatagal na kasi nito, manong, paano ngayon iyan kung ang iimbestigahan mo ay iyong LTFRB o iyong LTO, pero ang mga kasangkot nito ay mismong mga namumuno doon. Kung sila rin mismo ang mag-iimbestiga, e 'di siyempre ay hindi sila magkakaroon ng patas na pagtingin sa kanilang gagawing imbestigasyon. Kaya nga dapat, independent panel ito kasi ito ay bubuuiin ng pitong miyembro under the Office of the President. Kailangan may tatlong taong experience, at least, sa iba't ibang field, either maritime, rail o kaya land and air transportation. Tapos, kailangan mayroon silang isina-submit na quarterly report sa Presidente at sa Kongreso tungkol doon sa mga nakikita nilang nangyari sa ating transportation system. At kapag mayroong ganito, imbes na sa korte lang iyong pag-file ng kaso ay puwede namang gawing simultaneously (sa NTSB), pwede ring mag-conduct ng imbestigasyon tungkol sa financial capability ng grupo para matunton talaga nila ang imbestigasyon para hindi tayo dumidepende sa kongreso o sa korte lamang na gumawa ng desisyon. Kasi ang imbestigasyon, nakita naman natin ay napakatagal ng proseso na iyan.

FAILON: Masaklaw kaya ho ng poder ng lupon na ito, ma'am, iyong pagpapatupad po ng mahigpit sa mga existing na ho na panuntunan ng gobyerno, like iyon pong age ng mga pampublikong sasakyan? Hindi ho ba ma'am, mayroon na po tayong modernization sa hanay po ng mga bus--not more than 15 years old na mga bus? Ngayon po, sa mga dahilan po ng pagmamaniobra ng mga rehistro po nito ay lalabas na bata pa ay iyon pala ay matanda pa po sa atin ang mga sasakyan na ito. Masaklaw kaya ito ma'am? Kasi ho ngayon may mga existing na mga polisiya. Basically po, base sa improvement ng benepisyo ho ng mga pasahero at safety din po ay hindi lamang po maipatupad ng sakto.

POE: Opo, kasi dito nga sa kapangyarihan ng board na ito ay pwede silang mag-conduct ng imbestigasyon at pagdating noon ay magkakaroon sila ng desisyon na sasabihin nila, halimbawa, na ang namumuno ng isang ahensiya katulad ng LTFRB, LTO na remiss sa kanilang trabaho ay pwedeng ipatanggal sa kanilang trabaho dahil hindi nga nila naayos ang sistema kapag may mga bus na hindi natutunton ang registration. Talagang dapat ipatupad ang batas pero napakahirap din minsan, lalung-lalo na kapag mismong nagkakaroon ng dayaan ay mismong sa mga opisina, mga ahensiya ng gobyerno pagdating sa pagrerehistro. Kaya dapat iyong mga namumuno doon ay mapanagot talaga kapag pinapayagan ang ganitong mga uri ng pagmamaniobra ng edad, halimbawa, ng isang sasakyan. Iyan ay isasama sa mga recommendatory functions nila. Iyon lang nga manong, wala silang quasi-judicial function, ibig sabihin hindi naman sila puwede talagang magpataw ng kaparusahan. Pwede silang magrekomenda pero korte pa rin ang gagawa noon. Pero at least, mayroong isang sangay ng gobyerno na iyon lamang ang trabaho, tututukan talaga ang mga ito pagdating sa mga transportation accidents at hindi nakadepende lamang, halimbawa sa report ng PNP, sa report ng ibang (ahensya) na alam naman natin na mayroon pang ibang iniintindi.

FAILON: Siguro ho ngayon ma'am sa inyong mga pagdinig, i-input lamang po natin at dapat din po na masiguro din natin na iyong pagbibigay lamang ng professional driver's license sa competent na mga magmamaneho. Kasi, isa din po ito sa mga problema natin sa ating bansa itong madaling makakuha ng driver's license. Pagkatapos nga po ang minamaneho kaagad ng driver na bago ay pagkalalaking auto. Ang resulta nga po eventually, kapabayaan kaya nga po ito ay nagbubunga nga po ng marami pong patay sa mga aksidente pong ito, madam chair.

POE: Oo, tama po. Actually, alam niyo Manong, marami dyan kumukuha ng driving test kuno pero hindi nga din masyadong marunong magbasa. Kaya nga nung minsan nag-uusap kami ni Chairman Orbos, alam mo dapat meron nang habang naghihintay doon sa pagkuha nila ng lisensiya, dapat may video presentation kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng ganitong senyales sa lansangan, kung ano yang mga signs na 'yan. Kasi talagang kapag tinanong mo sila, hindi na nila alam kung ano ang ibig sabihin nung mga 'yon kaya nga malaking joke nga ang sinasabi nila dito sa pagkuha ng lisensiya sa atin. Ang sama noon kasi kapag nakasalalay sa iyo ang buhay ng napakaraming pasahero tapos hindi ka naman pala masyadong marunong, ay talagang merong mangyayari...

FAILON: ...Sa usaping ito, ito hong mga nauuso 'no? Ito kasi depende sa season yata ito e, yung SUA-yung Sudden Unintended Acceleration. Siguro yung mga ganoong usapin will fall under the jurisdiction of NTSB?

POE: Yes, actually, manong, kasi kapag it is recurring or tragic proportion, yun talaga ay saklaw ng NTSB. Yan ay isa sa talagang itinutulak ni Ms. Elvie Medina, yung Commuters Protection Group. Ito talagang matagal na 'yan, sa ibang bansa meron niyan. Alam mo nung February pa lang, nitong February na huli, merong mga kababayan tayo sa Cebu na nagkwento din sa akin na merong fast craft na aksidente. Madalas na pong nangyayari 'yan pero hindi naman po talaga napapatawan ng parusa yung mga operators niyan. Dapat talaga dito para magkaroon ng spotlight sa mga ganoong uri ng aksidente.

ON Emergency Powers

FAILON: Okay. Sige po ma'am, ito ho'y amin pong babantayan. ma'am, kumusta po yung emergency powers bill? Para lang ho sa pinakahuli pong update dito ho sa inaabangan po nila Secretary Tugade.

POE: Opo. Well, alam niyo naman talagang masamang balita, mabuting balita, ako'y magtatapat sa inyo. Ikinalulungkot ko na hanggang ngayon, hindi pa rin tapos ang deliberasyon dito sapagkat siyempre marami din sa ating mga kasamahan ang gustong magtanong pa sa mga probisyon nito, yung ating mga kapwa senador. Hindi pa po matapos-tapos, magbi-break na po kami ng Wednesday, kaya nga palagi kong ipinapaalala at ako'y nagsalita na rin sa plenaryo na sinasabi, mawawalan ng saysay ito kapag hindi natin napasa agad kasi it goes precisely against its principle na emergency. So, again I'm hoping na by May magawa natin, pero pinapaalala ko rin naman sa iba't ibang mga sangay ng gobyerno na nakasentro sa paglutas ng problema ng traffic na hindi naman kailangang hintayin ito para magkaroon ng agarang solusyon sa ibang mga problema natin, katulad ng mga illegally parked vehicles. Ang mga makatuturan na coding schemes at hindi yung mga pinapanukala na medyo mas nakakalito pa. Nakita naman natin na pwede palang mag-usap-usap din ang mga mayors para magkaroon ng mas mabilis na panlunas doon sa mga ibang problema nito. Subalit, yung mga mas ma-ambisyosong mga proyekto, sana mapasa na nga ito para at least yung mga problema pagdating sa mga TRO at sa mga bagay na ganoon, medyo magkaroon tayo ng reprieve or break muna dyan kapag mayroong emergency powers.

FAILON: Okay, ma'am, well said. Meron ho tayong nakuha pong impormasyon na in the House pala ho, may panukala si Congresswoman Gwen Garcia of Cebu na creation din po ng NTSB.

POE: Mabuti, then we can work together towards this. I guess it's also born out of her, the frustration of the many different maritime accidents in Cebu.

FAILON: Yes, Ma'am. Sige po Senator Grace Poe, we'll be watching po tomorrow dito ho sa magiging hearing po ninyo at kami po ay tatawag din po sa inyong counterpart in the House eventually para lamang po natin mapukpok, if I may say so, itong panukalang ito na importante po sa panahon ngayon na eto ho kaliwa't kanan po muli ang mga trahedya sa kalupaan at maging sa karagatan.

POE: Maraming salamat po Manong. Magandang umaga po sa inyong lahat.

FAILON: Mabuhay po Ma'am. Thank you.

News Latest News Feed