Press Release
May 18, 2020

Transcript ng DZBB interview ni Senator Win Gatchalian kasama si Joel Zobel at Weng Dela Peña ukol sa edukasyon, mataas na singil sa kuryente, balik-trabaho at transportasyon

Q: Magandang umaga Senator Win.

NEW NORMAL SA EDUKASYON

SEN WIN: Magandang umaga.

Q: First and foremost, bakuna muna bago eskwela. Ano po ba ang napagkasunduan ng inyong komite? Last week nagsagawa sila ng pagdinig? May mga hashtag na kumalat eh, #protectthechildren #protecttheteachers kaya sabi nila #notoshoolyear2020-2021.

SEN WIN: Unang-una, hindi tayo papayag na malagay sa alanganin ang ating mga anak, guro at magulang. Ang pinakamahalaga ay ang kanilang kalusugan at ligtas sila kapag sila po ay papasok ng eskwelahan. Ang August 24 ay three months from now at nakikita natin sa datos na bumababa ang bilang ng may kaso sa atin. Ang tingin ng mga dalubhasa, by August 24, magiging mas maayos ang sitwasyon sa ating mga eskwelahan at sa bansa. Gayunpaman, hindi tayo makakasigurado kaya isa sa mga panukalang batas na pag-uusapan natin ay pahintulutan po ang ating Pangulo na i-delay ang pagbubukas ng klase sa takdang-araw. Meron ho tayong kasalukuyang batas na nagsasabing ang pinakahuling araw ng pagbubukas ng eskwelahan ay August 24. So isa sa mga batas na itinutulak natin ngayon ay bigyang kapangyarihan ang ating Pangulo na pwede pang i-delay sa mas huling araw ng September o October depende sa sitwasyon. Dahil ang sitwasyon natin ay nagbabago pero base po sa mga datos na nakikita natin, humuhupa naman po ang bilang ng kaso ng COVID.

Q: So tatrabahuin nyo na maipasa ang batas na ito na nagbibigay pahintulot at kapangyarihan sa Presidente na i-adjust beyond August 24 ang opening ng klase kung kinakailangan?

SEN WIN: Correct kasi ngayon meron tayong isang batas na mahigpit na nagsasabing dapat by no later than the last day of August dapat magbukas ang ating mga eskwelahan kaya po ginawang August 24 dahil po sa batas na ito. Pero aamyendahan po natin ang batas na iyan para po mas maluwag at flexible sa ating Pangulo. Pangalawa, doon po sa aming pagdinig, sinisigurado po natin na ang DepEd ay gagawa po ng mga hakbang para maproteksyunan po ang ating mag estudyante at maimplementa nila itong tinatawag nating new normal. Ito yung mga social distancing, pagsusuot ng mask at paghuhugas ng kamay gamit po ang sabon at alcohol. Sisiguraduhin po natin na may pondo dahil ang simpleng paghugas ng kamay kung wala pong tubig o hugasan, hindi po sila makakapaghugas ng kamay. Kaya ho minandato po natin ang DepEd na by end of the month, isumite po sa komite ang kakailanganin nilang budget at ang mga hakbang po na gagawin nila para masiguradong ligtas ang ating mga magulang, guro at estudyante. Gayunpaman, hindi ibig sabihin na may pasok ay physically pupunta po ang mga bata doon. Kasalukuyan po ay ginagawa po ng DepEd at ito po ay pinasumite rin natin sa komite ang tinatawag nating learning from home, gagamit ho ng teknolohiya gaya ng tv, radio at internet sa pagtuturo at ito po ay ginagawa na ng DepEd.

Q: Anti-poor daw po yan Senador. Sinasabi po ng mga Congressman particular si Cong. Joey Salceda, sinasabi niya anti-poor yan.

SEN WIN: Kaya magiging hybrid po ito. Hindi naman po talaga purong internet o tv o radio. Ang tv at radio po ay halos 90% ng kabahayan ay meron nito kaya pwede hong gamitin.

Q: Kumbaga ay gagamitin po ang tv at radio para gawin pong classroom?

SEN WIN: Maraming bansa na ang gumagawa nito dahil hindi lang naman tayo ang nasa ganitong sitwasyon. For example, Monday 8 to 10am Grade 1, ito yung mga subjects na ituturo nila. Then Tuesday, Grade 2 naman so ito pong mga ganitong tradisyunal na teknolohiya ay gagamitin po ng DepEd para makapagbigay ng dagdag-kaalaman at pwede po silang mag-aral. Pero meron din pong araw na papasok po ang ating mga estudyante dahil kailangan din po ng kaunting interaction with our teachers. Yun po ang pinag-uusapan ngayon kung once a week, twice a week or thrice a week depende na rin ho yan sa sitwasyon ng kanilang eskwelahan.

Q: Pero Senator nabanggit niyo nga na new normal dapat may social distancing pa rin, di kaya lalabag ho yan sa guidelines natin na kapag ang isang grupo lalagpas ng 50, mass gathering na yan?

SEN WIN: Ang ating pinapanalangin na by August 24, ay huhuupa na itong sitwasyon na ito at by August 24 ay lahat ng lugar sa ating bansa ay wala nang ECQ or GCQ. Normal na. hopefully by August 24. Dahil kung titignan natin ang datos, pababa ho ng pababa ang bilang. Nakikita natin na humuhupa ho ang sitwasyon. Kung sakaling by August ay ganito pa rin ang sitwasyon, may ECQ at GCQ at may second wave, dito po pumapasok ang batas natin na pwede hong iurong ng ating Pangulo ang pagbubukas ng pasukan o eskwelahan.

Q: Kapag hindi nagkaroon ng second wave, pwedeng August 24 sige tuloy tayo?

SEN WIN: Correct. Tinitignan din natin ang sitwasyon sa ibang bansa, sa America, sa Spain, sa Italy, mas grabe sa kanila. Tapos nagbukas na ho sila ng eskwelahan so tinitignan natin ang sitwasyon din doon kung ano ang kanilang nararanasan pero sa atin ho tayo ay magiging alisto dahil hindi natin pwedeng ilagay sa alanganin po ang kalagayan ng ating estudyante, guro at magulang. Kaya kahit nakatakda sa August 24 ang pagbubukas, kapag nagkaroon ho ng second wave, ipauurong ho natin ang pagbubukas ng klase.

Q: Yung ilang mga magulang natin na they would rather not enroll this year. Sa ngayon hindi niyo pa nakikita na next year na tayo magbukas ng klase?

SEN WIN: Tingin ko mas anti-poor yun dahil ang mga mayayaman pwedeng mag-online learning. Sa ngayon nga, alam ko may mga private schools na pwedeng mag-online learning at talagang mandato sa kanila na gumamit ng mga teknolohiya sa pagtuturo. Kapag ipinagliban ho natin ang pagbubukas ng klase, marami tayong batang maiiwanan talaga. Hindi sila makakapag-aral, yung simpleng pagbabasa lang mapag-iiwanan sila. Hindi maganda yan para sa atin at sa ating bansa.

Q: Consensus ho yan ng mga mahihirap dahil kapag nagkasakit ang mga bata, gagastos sila eh.

SEN WIN: Kaya ang unang hakbang natin ay gagamit tayo ng iba't-ibang teknolohiya. Tv at radio ang pinakamabisa dahil ito ang pinakamalawak sa ating bansa. Pangalawa, ang pagbubukas po sa August 24, yan po ay nakasalalay sa mga sitwasyon pa. Kung talagang magkakaroon pa ng second wave, iuurong ulit yan. Pero sa ngayon, naghahanda po ang DepEd at tayo, minomonitor po natin ang sitwasyon at ang ating mga magulang at estudyante ay maghanda rin po. Pero ang aming pangako naman ay hindi tayo papayag na papasok lang ang ating mga estudyante na wala pong proteksyon. Importante sa mga eskwelahan po natin na nagdidis-infect, nagsi-spray ng disinfectants, may hugasan, alcohol at thermal scanner.

PRIVATE SCHOOLS

Q: Dun tayo sa gastos kasi kung magpupumilit ang mga private schools na mag-online, sige tuloy. Papaanong paraan para matulungan ang mga magulang na nawalan ng kita pero kailangang magpa-enrol ng anak nila?

SEN WIN: Sa public schools natin, libre yan. Wala po silang dapat bayaran, sa private schools po, ito po ang nakikita kong malaking problema dahil hindi naman lahat ng private schools ay malalaki. Meron tayo malilit na family-owned private schools, may mga private schools tayo ang tawag po ay independent stand-alone, yung mga nakikita natin sa bayan-bayan natin at syudad. Dito po sila nahihirapan dahil marami po sa ating mga magulang, unang-una, nawalan ng trabaho at kita. Pangalawa, itong mga private schools natin ay kailangan nilang patuloy na magpasahod sa kanilang mga guro. Isa po sa mga inaayos po natin ay magbigay ng subsidiya sa mga guro natin. Meron na ho tayong batas, ito ang tinatawag natin GASTPE at pinag-aaralan ho natin kung paano palawakin pa ang pondo at mabigyang subsidiya ang ating mga guro. Pangalawa, maisama ang ating mga private schools sa tinatawag nating CAMP. Dalawa yun eh, CAMP at SBWS ng DOF. Yung SBWS, nagbibigay ito ng 8,000 sa mga manggagawa ho nila at empleyado. Dapat ho maisama ang mga eskwelahan dun. Isa sa mga pinakamalalang tinamaan po ng COVID ang ating mga private schools at tuloy-tuloy ho silang tinatamaan niyan dahil ang kanilang mga kliyente ay nahihirapan din hong magbayad. Dalawang bagay ho yun, subsidiya sa mga guro at pangalawa ho maisama sila sa SBWS.

Q: Pero sa mga magulang naman na walang pang-enrol anong pwedeng tulong?

SEN WIN: Sa mga magulang kung talagang hirap ho sila, pwede nilang tignan ang ating mga public schools dahil ang public schools po natin ay libre.

Q: Mukhang tataas ang bilang ng enrollees kung matutuloy ang August 24 opening of classes.

SEN WIN: Lumabas ho yan sa aming pagdinig at yan po ang isang bagay na pinag-aaralan ho natin at ng DepEd. Magsasagawa po ng pag-aaral ang DepEd dahil lumabas yan sa pagdinig namin. Sabi ng mga private schools, halos two million na mga estudyante ang baka lumipat ng public school. Pag ganun po ang mangyayari meron ba tayong space? may silid-aralan pa po ba tayo para sa mga estudyante? Ito ay kasalakuyan naming pinag-aaralan pero ang puno't dulo po dito ay dapat po eh tuloy-tuloy ang pag-aaral ng ating estudyante, private school man o public school man, dapat tuloy-tuloy ho ang kanilang pag-aaral at hindi ho maputol.

Q: Study now, pay later yung mga nasa private school, doon pa rin sila sa eskwelaha nila, sa elementary at high school?

SEN WIN: Sa elementary at high school meron tayong voucher system. Nagbibigay po ng voucher para mag-aral ho sa private schools. Ito ay pinag-aaralan din namin kung paano palalawakin yung ibang mekanismo tulad ng voucher system, tulad ng tinatawag nilang ESL. May mga mekanismo na pinag-aaralan na palalawakin nila para yung mga nag-aaral sa private schools ay kakayanin pa rin magbayad at para mapagpatuloy pa rin yung pag-aaral nila doon.

Q: Siguro magandang option talaga ay lumipat sa public school kasi maganda na rin naman ang pagtuturo sa public schools atsaka sweldo ng public school teachers natin mas mataas. Pero ang public school teachers dinadala naman yung kanilang mga anak sa private schools, bakit? Tama nga siguro sinabi ni Senador Win, dapat yung capacity ng public school na tumanggap pa ng karagdagang estudyante ay yun ang dapat asikasuhin. May sumbong dito Senador, sa private schools daw, particulary ang University of the Assumption dito po sa Pampanga, August 10 daw magsisimula ng klase? Tama ba yun? Pinapayagan na ba sila magtakda ng kanilang sariling petsa ng pagpasok Senador?

SEN WIN: Basta walang physical na pagtuturo, ibig-sabihin hindi po papasok yung mga estudyante. Online or kahit ano pa naman. Marami dito sa private school kagaya niyan sa Assumption, may kaya ang kanilang mga estudyante kaya kaya nila mag online learning. Maraming private schools mandato na talaga ang online, paggamit ng laptop, kasama na yun sa pagtuturo nila. Yung mga private school na kaya mag online learning at hindi po papasok ng physical, wala pong physical na klase ay pwede na ho sila magumpisa.

Q: Kawawa yung mga walang pangbayad, dagdag laptop, bibili pa ng laptop, maglo-load?

SEN WIN: Ang sitwasyon ho natin ngayon talagang iba. Marami talaga tayong dinadaanan na kakaiba ngayon kaya ang ating magulang ay nasa sakanila na kung ano ang pinakamabuti para sa kanilang mga anak. Ang trabaho naman natin sa pamahalaan ay siguraduhin na patuloy pa rin ang pag-aaral, ligtas ang ating mga magulang at estudyante at kahit ang Department of Education naga-adjust dito sa new normal. Kaya ang mandato nga by end of May dapat plantsado na to lahat dahil importante na malinaw at magarantiya natin ang kaligtasan ng ating mga magulang, estudyante at mga guro.

Q: May nag message, "kawawa naman kaming mga middle income, wala na ngang Social Amelioration wala pang pangbayad sa tuition," Senator? Sa pribado yun ang problema nila. Middle income napagusapan na ba yan?

SEN WIN: Napagusapan na namin, in fact sa private schools naimbitahan na natin sila at yun talaga ang kanilang daing na talagang marami silang estudyanteng nahihirapan at mga magulang na nahihirapan. Dalawang bagay nga yun, una yung kanilang mga guro at kanilang mga non-teaching staff ay dapat mabigyan natin ng suporta. Pangalawa, mailagay ho sila sa SBWS business wage subsidy at pangatlo pinag-aaralan din namin pano ho mabigyan ng tulong po yung ating mga private schools para malampasan nila itong krisis na ito. Ang krisis tingin ko naman ay temporary lang, importante lang makatawid tayo at mag-survive para tuloy-tuloy yung serbisyo na binibigay natin.

MATAAS NA SINGIL SA KURYENTE

Q: Senator switch ho tayo, ano po ba yung problema sa Meralco? Ang daming nagrereklamo. Ang kongreso ho plano mag imbestiga, ano po ang plano ng energy committee, plano niyo po bang silipin din ito? Eh pagtataas na naman po ng gasolina bukas? Dalawang magkasunod na big-time oil price hike? Ano ba ang plano ng komite ninyo dito?

SEN WIN: Tanggalin ko mun yung sombrero ko sa edukasyon sa energy naman tayo. Ako Joel talagang kahapon tadtad ako ng mga texts at mga facebook messages tungkol dito sa singil ng Meralco at nagpadala na kami ng abiso sa ERC, sa Energy Regulatory Commission para tignan ho yung computation dahil merong instruction kung pano i-compute itong billing na binibigay po ng Meralco at sa buong Pilipinas. Lahat ng mga electric utilities at cooperatives. Nakasulat ho dito yung last three months mo i-average, yun po ang bill mo. Ang nangyari kasi itong March, April and May billing itong in-average nila, napakalaki. Nagulat yung mga tao dahil wala na ngang trabaho paano pa yung kanilang mga billing. So dalawang hakbang po yung ginagawa namin, kino-compute namin kung tama talaga yung computation ng Meralco at iba pang mga utilities ayon doon sa instruction o circular na nilabas ng Energy Regulatory Commission. Pangalawa, nakikipagugnayan kami sa ERC para magkaroon ng fact-finding dito sa sitwasyon na ito.

Q: Ano ang payo ninyo Senator sa kuryente, babayaran ba muna o wag bayaran? O wag putulan?

SEN WIN: Dalawang bagay lang, dapat marunong din tayo mag-compute ng ating electricity bill at doon sa mga customers natin, ako nga to be honest ako mismo kino-compute ko dahil nakita ko na biglang tumaas rin eh. So kino-compute ko mabuti kasi gusto ko rin malaman bakit ho naging ganito at pangalawa, nakikipagugnayan kami sa ERC para magkaroon ng internal computation kung tama. Pero ang aking pangako ho sa ating mga customers, ng Meralco customers, na sisiguraduhin natin na walang labis ang paniningil at sisiguraduhin natin na tama ang yung paniningil. Importante ho dito na hindi sumusobra yung paniningil ng Meralco.

GASOLINA

Q: Ang gasolina Senador?

SEN WIN: Ngayon ang buong mundo nagbubukas na. nakita ko marami sa mga bansa ngayon nagbubukas na.

Q: World market na ho talaga no?

SEN WIN: Correct. Pakonti-konti tumataas ang konsumo ng gasolina pero ganunpaman mino-monitor namin yung sitwasyon dapat hindi mas mataas pa yung pagtaas natin sa ibang bansa at ganunpaman dapat maging maalam tayo na ang gasolina, dahil nga sa pagbubukas ng pangdaigdigang merkado ay pakonti-konti tataas ho yang presyo ng gasolina.

BALIK-TRABAHO AT TRANSPORTASYON

Q: Economic issue naman tayo dahil Vice Chairman naman ng Economic Affairs si Senator Win at gusto ko lang malaman doon sa pagpapatupad ng modified ECQ merong mga ilang industriya na pinayagan na? 50% ng kanilang workforce pero sinasabi ho ng gobyerno bahala na kayo sa sasakyan ah, dapat kayo mag-provide ng sasakyan at the same time kung gusto niyo silang, although sinasabi na ngayon na hindi na siya sapilitan yung mass testing sa mga empleyado, sinasabi na hindi lahat ng kumpanya di kaya mag-provide ng kanilang sasakyan sa kanilang empleyado? Ano po ang palagay ninyo doon Senador?

SEN WIN: Well unang-una medyo magulo kasi yung circular ng DTI at circular ng DOLE dahil sinasabi ng DOLE hindi na mandato ang testing pero ang sinasabi ng DTI mandato. Tapos may mga ibang LGUs sinsabi mandato, I think Quezon City ang nakita ko kahapon sa post na mandato. Sinasabi naman po ng Marikina kami bahala sa testing ng mga empleyado. Iba-iba no, iba-iba ang circular at instruction na lumalabas. Pero yung pinakahuling nakita ko na circular o pahayag ho ng Department of Labor hindi ho mandato. Pero ganunpaman dahil sa ating mga negosyante ang importante dito ay safe ang kanilang manggagawa at safe po sila mismo. At pinakamainam diyan kung kakayanin ng kanilang kumpanya ay magkaroon ng testing. Unang-una, nakausap ko yung kapatid ko sa family business namin, unang-una nag-survey kami. Tinatanong muna kung nagkasakit sila sa loob ng labing-apat na araw, kung wala namang sakit. Ibig-sabihin kung wala silang sintomas pwede silang pumasok. Pero kung meron sintomas yung iba, hindi po muna pwede pumasok. Tapos ngayon ginagawa namin, nakipag-kontrata kami sa isang laboratoryo na magko-conduct ng PCR testing sa aming mga empleyado. Ngayon, sagot muna ng aming korporasyon pero pwede rin pa-reimburse sa Philhealth, babayaran ho to ng Philhealth kaya wag ho magalala yung ating mga korporasyon dahil kasama ho sa Philhealth yung pagbayad sa testing.

Q: Senator si DTI Secretary Lopez noong Sabado, yung mga empleyado na ayaw pumasok sa trabaho dahil wala nagang mabigay yung kanilang kumpanya ng service, walang transportasyon eh baka mawalan sila ng trabaho, pwede silang tanggalin? Ano ang seguridad ng mga empleyado? Nahihirapan rin silang sumakay, kaya hindi na sila papasok?

SEN WIN: Nahihirapan talaga, ngayon nakikita ko ah, kausap ko yung mga ibang negosyante natin. yung mga nagpapasok lang yung may shuttle service or yung iba nga personal na sasakyan pinangsusundo. So talagang hindi pa full blast o buong-buo ang pago-operate ng mga negosyo, yung mga kaya lang mag-operate dahil nga under this modified ECQ, pinapahintulutan lang yung may shuttle service or kung susunduin o ihahatid yung mga manggagawa. Yun lang po ang papayagan ngayon dahil nga wala tayong public transportation. So ang aking panawagan lang sa ating mga negosyante alam ko gusto na nila bumalik sa trabaho, gusto na nila ipagpatuloy yung kanilang negosyo pero bigyan natin ng malaking importansya ang ating manggagawa dahil kung sila po ay hindi ligtas, tayo lahat ay hindi ligtas at maapektuhan yung ating mga negosyo kaya gawin nating prayoridad ang ating mga empleyado at manggagawa.

Q: Would you suggest na pwede nang buksan kahit unti-unti yung public transport? O kaya doon sa mga jeepney, kung meron na rin silang gagawing modification sa loob ng jeepney papayagan na rin?

SEN WIN: Yung mga tricycle bukas na eh pero isa lang bawat tricycle kaya ang taas ng pamasahe at paniningil ng ating mga tricycle. Pero dahil nga pakonti-konti at padahan-dahan natin, ako sangayon ako na dapat dahan-dahan para matuto na rin tayo para alam na rin natin yung adjustment na gagawin. Sangayon ho ako na dahan-dahan natin buksan dahil itong MECQ dahan-dahan ito papunta na sa GCQ kung saan papayagan na po ang mga transportasyon. Mahigpit pa rin na pinagbabawal gumala sa labas pero kung meron kang sasakyan, meron kang shuttle service papayagan ka.

News Latest News Feed