Press Release
April 13, 2020

Mga nasawi dahil sa COVID-19
'Bayarin sa cremation, sagutin na sana ng gobyerno' --Sen. Nancy

Umapela si Sen. Nancy Binay na akuin na ng gobyerno ang gastusin sa pagpapa-cremate ng mga labi ng mga biktima ng COVID-19.

Ayon kay Binay, isa sa mga dahilan kung bakit marami ang mga labing di nailalabas sa mga ospital ay dahil na rin walang pantubos o pambayad ang pamilya sa punerarya para sa cremation.

"Sa tingin ko, kayang sagutin ng gobyerno ang gastos sa cremation ng mga pamilyang mahihirap, or the government can extend assistance to families who have immensely suffered financially. Nakakalungkot na walang magawa ang mga pamilyang namatayan dahil maliban sa kailangan nilang bayaran pa ang cremation, nawalan pa sila ng trabaho, at ang mas mabigat ay nawalan sila ng mahal sa buhay," ani ng senadora.

Dagdag ni Binay, para mas maging maayos ang pag-handle ng mga labi na nasa mga ospital, bahay o quarantine centers, maaaring pumasok ang DOH at DILG sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sa National Federation of Mortuary Stakeholders para sa sistematiko at mabilisang pagkuha ng mga labi na naaayon sa IATF guidelines.

Makalipas ang isang buwan ng lockdown, kasalukuyan pa lamang pinag-uusapan ng DILG, DOH, MMDA at mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila ang "management and disposal" ng mga labi na positibo sa COVID-19.

Binanggit ng senadora na sa ilalim ng DSWD Revised Guidelines on AICS para sa burial assistance, kasama ang pag-ako ng kagawaran ang bahagi ng mga nagastos sa punerya at ibang mga gastusin, at halagang P10,000 ayuda sa naiwang pamilya na di kailangan pang magsumite ng case study report.

"Meron binibigay na P10,000 ang DSWD para sa standard burial assistance. Sa sitwasyon ng mga naulilang pamilya dahil sa COVID, maaaring lakihan ng DSWD. Yung pagsagot ng bayarin ay napakalaking bagay na para matulungan natin silang makapag-move on sa gitna ng pandemya," ani Binay.

Nawagan din ang senadora sa mga LGU na mahigpit na i-monitor at tutukan din ang mga crematorium at funeral parlors kung istriktong tumatalima sa mga patakarang inilatag ng IATF at DOH, at alamin kung magkano ang dapat na serbisyo para sa cremation.

Nakikiusap din si Binay sa mga crematorium at puneraya na huwag naman gawing dahilan ang nangyayaring pandemya para makapagsamantala sa mga pamilyang naulila dahil sa COVID-19.

Ayon kay Binay, "Sa nangyayari sa buong mundo ngayon, it's never a good time to die. Malungkot at wala kang karamay. Di ka makapagpaalam man lang sa iyong mga mahal sa buhay. Wala kang last rites, or proper burial. Kaya nakakagalit yung meron kang mababalitaang mga punerarya at crematoriums na nananamantala para pagkakitaan ang pamilyang namatayan."

News Latest News Feed