Press Release
March 31, 2020

Testing facilities dagdagan, 'wag harangan - De Lima

Sa harap ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19, nanawagan si Sen. Leila M. de Lima para sa karagdagang mga testing facilities upang epektibong matugunan ang krisis na dulot ng nakahahawang sakit.

Ipinahayag ito ni De Lima kasabay ng muling pagbibigay-diin sa kahalagahan ng mass testing sa bansa. Hindi rin naitago ng Senadora ang kanyang pagkabahala at pagkadismaya sa hindi pag-apruba ng Kagawaran ng Kalusugan sa nakahanda na sanang dalawang testing facilities sa Lungsod ng Marikina nitong nakaraang linggo.

"Malaki bang kabawasan sa gobyerno kung payagan nito ang mga LGUs tulad ng Marikina na tumulong sa pag-test para sa COVID-19? Imbes na pigilan ay dapat suportahan ng gobyerno ang mga LGUs sa pagtataguyod ng malikhaing mga paraan lalo na ukol sa mass testing sa kani-kanilang lugar," wika ni De Lima.

"Gaya ng nasabi ko na: napakahalagang maipatupad ng mass testing sa lalong madaling panahon. Maiiwasan ang pagkahawa pa ng iba at maililigtas ang maraming buhay kung agarang matutukoy kung sino ang may COVID-19," dagdag niya.

Ayon sa mga ulat, umaabot ng isang linggo bago mailabas ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang resulta ng mga nagpapatest sa COVID-19, mas mabagal na ito kumpara sa normal na tagal ng kanilang proseso na 24 hanggang 48 oras lamang.

Kaya naman kahit nagdagdag umano ng limang subnational laboratories ang DOH sa Davao, Cebu, Baguio, Manila at Quezon City para magsagawa ng testing, kahaharapin pa rin nila ang parehong problemang nararanasan ngayon ng RITM-ang kakulangan sa manpower, pagkaantala sa mga test, pagtaas ng posibilidad sa pagkakamali, pagdami ng backlog, at kakulangan ng kapasidad para magproseso ng mass testing.

"Dapat pag-aralan at sundan ng Pilipinas ang ginawang hakbang ng South Korea sa paglaban sa COVID-19, kung saan sa 9,332 na nag-positibo, mababa ang naitala nitong pagkamatay na nasa 139 katao," saad ni De Lima.

"Sa estratehiyang 'trace, test, and treat' ng South Korea, naging agresibo sila sa pagsasagawa ng testing sa pamamagitan ng 118 na pasilidad, pati ang ipinatupad din nilang 'drive-thru COVID 19-testing facilities,'" pahayag pa ng mambabatas mula Bicol.

Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay nagtala na ng 78 na pagkamatay dahil sa COVID-19, at 1,546 positibong kaso ng sakit na ito na laganap sa buong mundo.

News Latest News Feed