Press Release
September 13, 2019

IMEE: P37-B RICE SUBSIDY PROGRAM NG PAMAHALAAN, DAPAT GASTUSIN PARA MAKATULONG SA MGA MAGSASAKA

IPINAGAGAMIT na ni Senadora Imee Marcos ang humigit kumulang sa 37-B pesos na rice subsidy program ng ilang ahensya ng pamahalaan para makatulong sa naghihirap na mga magsasaka sa bansa.

Sa bisa ng Senate Joint Resolution No. 4, hinihikayat ni Marcos ang DSWD, DND, DILG at DENR, sa pakikipag-ugnayan nila sa NFA at DA na bilhin ang mga nakaimbak na palay ng mga local farmer mula sa pondo ng rice subsidy program ng mga nabanggit na ahensya.

Bunsod nito, iginiit ng lady solon na mas makabubuting gastusin ang P33.9-B na rice subsidy ng DSWD para sa mga beneficiary ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program(4Ps).

Gayundin ang paggamit ng P2.89-B na rice allocations ng mga military at police uniformed personnel, kabilang na ang BJMP, PCG at Bureau of Fire Protection.

Ayon kay Marcos, dapat tulungan ang halos 2-milyong magsasaka na patuloy na umaaray dahil sa pagbagsak ng farm gate price ng palay matapos bumaha ang halos 4-milyong sako ng imported rice.

"Dapat ngayon ang presyo ng palay ay mataas na at mamili na ang NFA dahil ang fear natin na matambakan tayo ng lokal na bigas habang papasok na ang anihan(harvest season) next week, yari tayo," pangamba ni Marcos.

Kaugnay nito, ipinagutos na ni DA Sec. William Dar sa NFA na ibenta na sa palengke ng Metro Manila at iba pang lungsod ang 3.6-milyong sako ng imported rice na nakaimbak sa warehouses.

Sinabi pa ni Dar na bibilihin ng NFA ang mga palay sa halagang 17-19 pesos per kilo kasunod ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

News Latest News Feed