Press Release
August 8, 2019

Sa paggunita ng Buwan ng Wika
IMEE SA MEDIA: GAMITIN NATIN ANG WIKANG FILIPINO KAHIT ISANG ARAW LANG!

Nakiusap ngayon si Senator Imee Marcos sa lahat ng broadsheet newspaper na gamitin ang wikang Filipino kahit isang araw lang at maglaan ng isang pahina na maaaring ilagay ang mga artikulo bilang paggunita sa Buwan ng Wika.

Ayon kay Imee, hindi naman kalabisan ang makiusap sa mga pahayagang Ingles na kahit na papaano ay maglaan ng isang pahina para sa mga artikulo na ang gagamitin ay ang Wikang Pambasa.

"Isang beses lang naman ito ngayong buwan ng Agosto at isang pahina lang din para sa mga artikulong susulatin sa wikang Filipino. Sana mapagbigyan ang pakiusap natin lalu na ngayong ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wika," pakiusap ni Marcos.

Sinabi pa ni Imee na mahalagang maipasapol sa taongbayan ang kahalagahan ng wikang Filipino dahil ito ang nagbibigkis sa mamamayan lalu na sa panahong maraming pagsubok na pinagdadaanan ng kasalukuyang pamahalaan.

"Napakalakas na armas ang Wikang Pambansa lalu na ngayong nahaharap ang Pilipinas sa iba't ibang mga pagsubok maging sa mga dayuhang bansa," pahayag ni Marcos.

Kasabay nito, nanawagan din si Marcos sa mga news channel na Ingles na maglaan din ng isang araw para sa paggamit ng wikang Filipino sa kanilang mga news program, bilang pagbibigay halaga sa Wikang Pambansa.

Nagpasalamat din si Marcos sa lahat ng tabloid na patuloy na nagpapalaganap ng Wikang Pambansa at patuloy sa paglilimbag ng babasahing nasusulat sa Filipino.

"Bow tayo sa mga tabloid! Isa sila sa mga tunay na nagpapalaganap ng Wikang Pambansa. Kahit sabihin pang patuloy ang paglakas ng online at social media ay naririyan pa rin sila at makikita mo sa mga newsstand," paliwanag ni Marcos.

News Latest News Feed