Press Release
April 9, 2019

MENSAHE PARA SA ARAW NG KAGITINGAN

Kaakibat ng paggunita natin sa Araw ng Kagitingan ang ating pagpupugay sa mga beterano, sa ating mga sundalo, at sa bawat Pilipinong lumaban sa pang-aapi ng dayuhan at ipinagtanggol ang kasarinlan ng Inang Bayan.

Freedom from colonial yoke was not achieved overnight. It became possible because there were Filipinos who had the courage and determination to fight for what is just and right; they were true leaders who stepped up to inspire others to reclaim our national dignity and stand up for the future of our country. Silang mga walang takot na hinarap ang mga bala at bayoneta, silang mga nagbuwis ng buhay sa napakahabang martsa, sa ngalan ng kalayaan at pagtatanggol ng para sa atin.

Ngayon po, may mga bago at mas matinding hamon pa ang hinaharap natin. Ang pamahalaan na inaasahang maging kakampi ng taumbayan, ay siya pa mismong pumapatay sa mga Pilipino, gumagahasa sa hustisya, nilalabag ang ating mga karapatan, hinahayaan ang dayuhang angkinin ang ating mga teritoryo, at yurakan ang ating kasarinlan.

Kaya naman ang panawagan sa lahat: Sa ating pagbabalik-tanaw at pagsasabuhay sa mga aral ng Araw ng Kagitingan, suriin din natin ang ginagawang kapabayaan ng gobyerno para ipagwalang bahala ang sakripisyo ng magigiting na Pilipino, iparamdam sa kanila ang ating pagkadismaya, at matinding hangarin para sa tunay na pagbabago.

Kasabay ng walang maliw na pasasalamat sa ating mga beterano, nagpapasalamat din po tayo sa mga walang takot na lumalaban ngayon para sa kapakanan ng kapwa at bansa-mula sa mga obispo at kaparian na di-natitinag sa pagkondena sa baluktot na mga polisiya, sa mga kawani ng media sa patas at makatotohanang pagbabalita, sa mga miyembro ng oposisyon sa pagsusulong ng katarungang panlipunan at demokrasya, at sa mga ordinaryong kababayan natin na nagmamalasakit sa bayan at tumitindig para sa lahat.

Mahigit isang buwan na lang mula ngayon, magaganap na ang halalan, kung saan nasa kamay po natin ang magiging kapalaran ng bansa sa mga susunod na taon. Nagkakaisa at buong loob sana nating gampanan ang ating tungkulin na bumoto nang naaayon sa ating konsensya, at piliin ang mga pinunong tunay na magtatanggol sa Pilipino at sa Pilipinas.

Isang mapagpalayang araw po sa inyong lahat!

News Latest News Feed