Press Release
March 9, 2019

GRACE POE'S OPENING SPEECH
Go Negosyo's Youth Entrepreneurship Summit

delivered on Mar. 8, 2019

Alam ninyo, talagang nakakatuwang makita at isang karangalan na makasama ang mga determinado, ganado at interesadong mga kabataang katulad ninyo, lalung-lalo na pagdating sa entrepreneurship. Dahil ito kay Joey, kasi ilang taon niya na itong ginagawa at palaki nang palaki, palakpakan naman natin siya. Maraming salamat, kung hindi dahil sa kanya, wala kaming lahat dito ngayon na pinag-uusapan ito.

Alam ninyo, pinapakinggan ko ang pinag-uusapan ng ating mga kagalang-galang na mga kasama dito at napansin ko na lahat ng pinag-uusapan nila, kahit papaano ay konektado sa komite ko sa Senado. Hindi naman sinasadya, pinag-uusapan natin ngayon, digital 'di ba, pinag-uusapan din natin ang entrepreneurship. Marami po sa komite ko ang naka-focus diyan. Kapag sinabi nating digital and entrepreneurship, maraming bagay ang nakakonekta online. Maraming bagay ang nakadepende sa social media. Pero ang katotohanan sa ating bansa, sabihin nga ninyo sa akin, sino sa inyo ang nababagalan sa internet natin?

Kung ikukumpara sa ibang bansa sa Asya, ang Pilipinas yata ang may pangalawa sa pinakamabagal, ang pinakamabagal daw ay Afghanistan. Pero ibigay na natin sa Smart at Globe, kahit papano, nabibilisan na nila ang speed, pero sana mas mabilisan pa rin. Ang pinaka-importante sa merkado ay kumpetisyon, meaning when you have competition, you are driven to do better. That's why my committee made sure that when there was another interested party to invest in the Philippines, in telecommunications, we facilitated the hearings as quickly as possible, but as diligently as we could. I would like to announce to you that aside from Smart and Globe--and also because of the encouragement of the President and this administration--mayroon nang pangatlong kumpanya na gustong pumasok ngayon sa ating bansa. Ang tawag dito sa kumpanyang ito ay Mislatel. Ang ipinapangako nila--kung ngayon, ang speed ng internet ninyo at 15 mbps--sabi ng Mislatel, within after a year of operation, meaning maybe some time next year, kung matutuloy ang rollout nila, dodoble na raw ang speed to a minimum of 25 mbps. Bakit napakahalaga nito para sa inyo? Because entrepreneurs can work anywhere for as long as their signal and connectivity is good and fast. We are really pushing for this because it is vital for us to be able to compete. Kahit na ang mga negosyo ninyo na naka-base, halimbawa, sa Tuguegarao, ay puwede pa ring maging tanyag kahit saan sa Pilipinas o sa buong mundo kung maganda ang connection ninyo. 'Yan ang isa sa aming itinutulak.

Pangalawa, ano pang batas ang ating mga nagawa. Sino naman sa inyo dito ang fourth year college? 'Pag nag-graduate kayo, ang kailangan ninyong gawin ay maghanap ng trabaho 'di ba. Dahil sa tulong ng ating gobyerno, libre na ang edukasyon sa mga State universities and colleges, pero 'pag nag-graduate kayo, kailangan ninyo ng iba't ibang clearances: NBI clearance, bagong NSO birth certificate at medical tests. Sa batas na isinulat namin, at naipasa ko (sa Senado), lahat ng naghahanap ng trabaho at kailangan ng government clearances, libre na ang mga clearances ninyo sa gobyerno.

Isa pang batas na na-sponsor ko ay ang 'Free Wi-Fi in Public Spaces Act," ibig sabihin, kung wala kayong pang-load, pumunta kayo do'n, mayroon nang Wi-Fi at may connectivity.

Ang isa pa, sino sa inyo ang may driver's license? Ang mga lisensya ninyo noon, three years. Dahil sa itinulak naming batas, lima hanggang 10 taon na ang inyong mga lisensya para hindi na kayo pipila sa mga government offices palagi.

At kung kailangan naman ninyo ng pasaporte, dati limang taon ang inyong passport, ngayon, 10 taon na. Mahirap kasi 'pag marami kang kailangan sa gobyerno, dapat pinapadali.

Kasama ng aking mga kapwa senador, ipinasa rin natin ang "Ease of Doing Business Act," kasi ang problema sa gobyerno, 'pag kailangan mo ng business permit, aabutin ka ng siyam-siyam. Dahil sa batas na ito, dapat ang mga simple permit, hanggang three to five days, makuha mo na. At sa local government naman, isang form lang dapat ang kailangan mo, at lahat ng requirements na kailangan nila ay dapat nakalista na doon. Iilan lang 'yan sa aming mga nagawa.

Ngayon, nakikinig ako sa ating pag-uusap dito, at nasabi nga na nandito ang kinatawan ng Angkas. Sa ating bansa ngayon, problema talaga ang transportasyon dahil na rin sa sikip ng daloy ng trapiko. Ang Angkas ngayon ay gustong pumasok para maghatid ng mga pasahero. Napakinggan namin sila sa ating mga pagdinig, siyempre bilang nanay iniisip ko kung ligtas ba ito para sa atin, kung sasakay tayo ng motorsiklo. Sinabi naman nila na binibigyan nila ng tamang training ang kanilang mga driver at ang kanilang accident rate ay less than one percent. Isang bagay 'yan na dapat talaga nating pag-aralan.

Pero higit sa lahat, ang transportasyon sa ating bansa ay talagang problema, dahil halos P3 bilyon ang nawawala sa atin araw-araw dahil sa traffic. Kaya ginawa ko na talagang adbokasiya na tutukan ang ating transportasyon, kasama na ang MRT, LRT at ngayon, gumagawa na ng subway transit system para naman mas magkaroon tayo ng pagpipiliang masasakyan.

Marami pang mga bagay, pero kung puwede ko lang maisingit bago ako magtapos, ang pinakamalapit sa aking puso; at siguro hindi na ninyo maaabutan ito, pero kung mayroong kayong mga kapatid, 'yan ay sigurado, kung nasa elementary school, maaaring matamasa nila. Alam ba ninyo na marami pa ring mga nagugutom sa ating bansa, mga bata. Ang mga batang nagugutom, hindi lalaking matalino kung kumakalam ang kanilang tiyan. Dahil sa batas na itinulak ko, lahat ng mga batang mababa ang timbang--mababa ang timbang ha, hindi mga overweight--at kulang sa nutrisyon, sa mga public elementary school, libre na ang pananghalian sa darating na June. Hindi kayo maniniwala pero halos anim na milyong mga bata 'yan at P8 bilyon ang magagasta diyan taun-taon.

Marami pa tayong mga dapat gawin sa ating bansa. Sa tulong ninyo, at sa tulong nating lahat, dapat umangat pa lalo ang buhay natin.

Siguro sa pagtatapos, isa sa batas na gusto kong itulak ay ang pagkakaroon ng internship program sa lahat ng government offices. Ngayon, maraming mga nag-graduate, at 'pag nag-apply ng trabaho, sasabihin nila, 'anong experience mo?' Papano ka magkaka-experience e kaka-graduate mo pa lang 'di ba. Tapos marami namang mga estudyante, pagpasok naman nila, kunyari mag-iintern sila--nursing student sila--pagpunta nila do'n, ang sasabihin sa kanila, 'o magbayad ka dito ng internship program.' Bakit ikaw ang magbabayad e tumutulong ka na nga sa kanila as an intern. Kaya doon sa batas na itutulak natin--kung mabibigyan tayong muli ng pagkakataon--lahat ng mga government offices, dapat mag-hire ng interns at bigyan sila ng minimum wage na bayad dahil 1.73 million ang unemployed youth natin.

Sa pagtatapos, whatever your passion is, pursue it because what interests you will actually drive you to do better. Sabi nga ni Albert Einstein, 'everyone is a genius, but if we judge a fish by how it climbs a tree, then it will think it's a failure.' So find what you want to do and for sure, you will do well. Thank you.

News Latest News Feed