Press Release
January 29, 2019

TRANSCRIPT OF SEN. GRACE POE'S PHONEPATCH INTERVIEW
dzMM with Ted Failon
Jan. 29, 2019

Ted Failon: Atin pong alamin kay Sen. Grace Poe kung ano ho ang kinabukasan ng third telco na ito at kung mayroon bang pag-asa na ito ay makapag-operate dahil nga daw ho sa ito ay may problema sa kanilang prangkisa. Good morning po Ma'am.

Sen. Grace Poe: Magandang umaga po, Manong Ted, at sa lahat po ng nakikinig magandang umaga po.

Failon: Ma'am, kamusta po, ano ho ang parliamentary status po nitong ginagawa niyong hearing po dito sa franchise ng Mislatel?

Poe: 'Yun nga po ang problema kasi lumalabas na walang lehitimong prangkisa ang Mislatel dahil sa maraming bagay. Bukas mayroon po tayong isa pang pagdinig ukol dito para marinig natin ang mga eksperto. 1998 ibinigay sa kanila 'yan, dapat within one year of acquiring the franchise, sila po ay nakapag-operate na, hindi po nila nagawa 'yon. Pangalawa, dapat po ay ito'y in-offer nila ang 30 percent nung kanilang stock sa public offering within three years, hindi rin po nila ginawa. At lahat po ito ay inamin sa aming pagdinig ng may-ari ng Mislatel na una, itong si Mr. Escalante. Ang susunod po, kung sabihin na nating ligal ang prangkisa nila, kung pinalitan nila ang ownership, ibig sabihin ngayon ang may-ari 'yung grupo na ni Mr. Dennis Uy, dapat naipahayag na nila 'yan sa Kongreso within 60 days. Hindi po nila nagawa 'yun, kung nagawa man nila 'yun sa Kongreso, hindi pa ito na-aaprubahan sa Senado. So ibig sabihin po, nung sila'y pumasok doon sa bidding process, ang kanilang prangkisa ay hindi pala aprubado. Doon pa lamang parang may problema na doon sa bidding. Kaya nga po bukas, ito kasi ang gusto kong ipunto: Manong, ayoko na ring ma-delay ang pagkakaroon natin ng D sa Smart at Globe. Makakabuti rin 'yan sa kanila para kapag may kumpetisyon sana mas galingan pa nila ang trabaho nila. Ang problema kung mayroong ganitong problemang ligal, hindi na naman matutuloy, ma-de-delay na naman tayo.

Failon: Para lang po sa kabatiran ng marami, 'yung orihinal po na franchise ng Mislatel ay pag-aari nga po ng Mindanao Islamic Telephone Company, ito po ang binabanggit ni Senator Grace. Ngayon, mayroon silang mga sinasabing paglabag sa orihinal na prangkisa at ang nakadagdag pa ho sa kanilang problema ngayon, ito hong grupo ni Mr. Dennis Uy, itong Udenna Corp. ay noon pong nagkaroon ng transfer ng franchise "ownership" hindi ipinaalam sa Kongreso na 'yan po naman ay kinakailangang ma-accomplish nito pong mga franchise holder, 'yan po ang problemang kinakaharap nila. Ma'am, considering nga po na tayong lahat gusto na ng third player sa industriyang ito, do we have a--I hope you don't mind me asking this but I am sure itong mga legal minds ng grupo nila Mr. Dennis Uy dapat napag-isipan na po ito--do we have a cure for this?

Poe: Ang naiisip ko lang na cure, siyempre kailangan natin ng eksperto rin na mga abugado, kung national interest ang nakasalalay dito at mayroon naman silang performance bond kung hindi nila nagawa ang kanilang trabaho, alam mo puwede silang patawan ng penalty na at least P25.7 billion na performance bond; ibig sabihin gagalingan nila talaga dahil ayaw naman nilang malugi ng gano'n siguro. Ang problema naman, kasi po, dapat naman talaga malinaw ang national interest, mayroon bang emergency talaga na kailangan na natin ito? I say mayroon, kaya lang po ang problema ko lang po dito, kunwari pinayagan namin dito sa Senado at ipinasa namin 'yan, e kung mayroong mag-kuwestiyon at 'yan ay dumating sa Korte at ipinatigil 'yan, mas lalong hindi magkakaroon ng bidding na naman at baka abutin ng taon bago tayo magkaroon ng isa pang telco. On the other hand, kung kaagad-agad ay gumawa tayo ng desisyon na alam mo hindi ligal ang prangkisa so hindi puwede na 'yang Mislatel, makakapagumpisa na ulit ng bidding ang DICT at ang NTC pero ma-de-delay tayo ng about siguro mga another three months, 'yun naman ang kapalit no'n. So iisipin natin, kung hindi natin gagalingan ang trabaho natin sa pagkilatis nito, another three months delay or perhaps even years or a decade kung dumaan sa Korte kasi gano'n talaga 'yung proseso sa Korte.

Failon: Opo, so Madam Senator, kung atin pong susundin ang track ho ng inyong pagdinig diyan sa Senado, 'yung mga lumabas na mga impormasyon, lalabas na moot. Kumbaga from the very beginning, mali ang ginawa ng DICT na bidding process kasi nga hindi nila inalam 'yung ligalidad ng prangkisang hawak nitong grupo ni Mr. Dennis Uy, gano'n po 'yun?

Poe: 'Di ba parang quo warranto 'yan pero ito talaga 'di ba sa umpisa pa lamang, so gano'n na nga, talagang that's moot, I mean void.

Failon: Void ab initio, sa simula pa lamang void na. Dapat ito pong bagay na ito ay nasilip po ng DICT Ma'am 'di ba dapat alam nila ito?

Poe: Dapat nga nasilip 'yan ng NTC kasi sila din po sa selection process. Alam niyo, sa ating mga kababayan, ang simpleng mga bus kailangan may prangkisa, so nasa batas talaga natin 'yan na ang mga public utility, kasama na diyan ang makakaapekto sa ating mga kababayan, dapat mayroong maayos na permit. 'Yun nga 'yung problema pero alam niyo Manong, 'pag pinag-aralan mo 'yung ibibigay ng Mislatel, parang napakatamis at maganda talaga. Imagine magiging 37 percent ang coverage within the first year, dadagdagan nila; tapos 27 mbps, ang ibig sabihin ng 27 mbps 'yung kung gaano kabilis o malinaw ang signal ng iyong internet o cell phone. Tingnan ninyo po, kung 27 mbps sila, sa ngayon ang nakukuha lamang natin ay 13 mpbs average mula sa Globe at Smart, so kung 27 'yan halos doble na ang magiging speed ng ating internet kung kukuhanin nila 'yon. So ang ganda sana, pati tayo Manong 'di ba ang dami nating dropped calls. Tapos sabi nila makakapag-roll out sila ng mas maraming cell towers. Ngayon, 'yung bagay na 'yan hindi ko naman sinisisi sa Globe at Smart dahil mabagal rin ang gobyernong magbigay ng permit para dito sa mga cell towers. Gayunpaman, itong Mislatel, kumpara sa Globe at Smart, 'pag hindi nila ginawa ang kanilang ipinangako na bibilis ang internet natin, mawawala sa kanila P25.7 billion. 'Yung dalawang telco wala naman silang gano'ng penalty so siguro 'yung pressure hindi gano'n kabigat.

Failon: Kumbaga mayroon silang performance bond, 'pag hindi mo na-accomplish ang ipinangako mo ay i-fo-forfeit ng gobyerno ang bond na 'yan. Sige po, so Madam Senator, during the hearing, although mamaya po kakausapin ko si Secretary Rio, dito ho wala tayong pinag-uusapan dito na friendship ng nag-aaplay doon po sa kasalukuyang administrasyon, ang ating pinag-uusapan dito based on facts lamang. 'Yung usapin po talaga na hango po sa mga facts ng mga pangyayari. Dito ho Ma'am, ano po ang binabanggit ng DICT at ng NTC? Bakit hindi nila napansin, nalaman o nabusisi 'yung teknikalidad na 'yun sa prangkisa po ng grupo ni Mr. Dennis Uy?

Poe: Hindi ko nga po alam, sa tingin ko nakatutok sila sa kung magkano ang puwedeng ipuhunan dito ng Mislatel. Nakatutok din sila sa kung sino ang may-ari pero hindi nila binusisi sa Kongreso kung talaga bang maayos ang prangkisa nito. Alam mo, pasensya na, pero talagang may kakulangan doon sa NTC at sa DICT. Siguro, kasi wala naman sa aking problema na 'yung sinasabi ng iba na 'ah kaibigan ng Pangulo,' e ano kung kaibigan ng Pangulo e kung lahat naman ng kondisyon ay nagawa niya 'di ba? 'Yan din naman ang sinabi ng Malacanang, sabi ng Malacanang, 'aba kung hindi naman pala maayos ang prangkisa e 'di maghanap ng iba,' dahil ayaw naman nilang itulak ito sa alanganin. Kaya lang nga sayang, pero siguro, mahirap namang payuhan din, marami naman siguro sa kanila ang nakakaalam, sa susunod kumuha naman kayo ng maayos na prangkisa na maaari ninyong gamitin. Basta ako national interest, kung sasabihing kailan na talaga natin at mayroong ligal na paraan para gawin 'yan, 'yan ay aking patutunguhan. Pero 'pag sinabing baka magkabuhol-buhol pa 'yan sa Korte, magsakripisyo tayo ng tatlong buwan kaysa naman isang dekada.

Failon: Sige po, kasi nga 'yung cure na sinasabi, 'hindi kami nagpaalam sa Kongreso, puwede bang ngayon na kami magpaalam?' Alam niyo ho 'yun baka naman 'pag pinagbigyan po naman ninyo, sa kagustuhan na magkaroon ng third player ay baka naman lumapit sa hukuman ang mga hindi nanalo sa bidding dito at lalo tayong magkaproblema at mabitin ang kaso. Sige po Ma'am, so mayroon po kayong hearing tomorrow, ano po ang aming inaasahan po doon Ma'am?

Poe: 'Yung mga kinatawan ng Mislatel ay pupunta, pero ang kaibahan ng hearing na ito, 'yung mga ibang Dean ng mga law schools ay inimbitahan natin pati na rin ang mga eksperto sa mga ligal na usapin sapagkat dito na po naninimbang ang magiging state o kung ano ang kalalabasan nito para sa Mislatel.

Failon: Opo,'yan din nga po ang nagiging kalakaran 'pag pinag-usapan natin ang franchise, either Congressional o franchise po example ng LTFRB na lang e, 'di ho ba nalalaman natin 'yung mga may prangkisa po sa bus sa ilan pong fleet ay naibebenta; ilang daang piso lang po ang ibinayad mo sa gobyerno tapos naibebenta mo ng milyon sa ibang tao, 'di ho ba Ma'am nangyayari po 'yan.

Poe: Oo, alam niyo Manong, ayaw kong mangmata ng tao ha, pero 'yung mga ibang kumukuha ng prangkisa ay wala talagang karanasan. Halimbawa, kunwari ay prangkisa para sa telecom, wala naman talaga silang background doon, ang background nila ay ibang iba so alam mo talagang pinagkakakitaan kaya 'yung mga nag-aaplay ng prangkisa na ipinapasa sa Senado ay talagang tinitingnan namin at mayroon talagang probisyon doon na kapag hindi ka nag-operate ng isang taon, tanggal ka. Matatanggal ang prangkisa mo, at saka dapat lumikha ka ng trabaho, 'yan ang pinakaimportante din sa akin sa pagtingin ng prangkisa, serbisyo at trabaho na maibibigay nila.

Failon: If I may just respectfully and humbly admonish our good Senator, dito po sa mga hearing na inyo pong gaganapin tungkol sa mga franchise na 'yan, alam ko po kasi mayroon kayong mga ilang hearing sa franchise, hindi lang po sa telco 'yan maging sa power sector for example, Ma'am mayroon din pong probisyon sa ating Saligang Batas, ito po ay nasa record rin ng naging deliberasyon ng ating Con-Com noong hinuhubog po ang ating Saligang Batas na ang sinumang miyembro ng Kongreso dapat ay wala kang koneksyon doon sa mga prangkisa na pinapa-aprubahan sa Kongreso. Baka po may mga, mawalang-galang lang po, may mga members of Congress na nag-aaplay ng franchise.

Poe: Dapat nga talaga mabalikan 'yon, mukhang marami nga po.

Failon: Mayroon po 'yan Ma'am, ni-research po namin 'yan, mayroon po. Nakasaad po sa debate during the Con-Com noong pinag-uusapan ang poder ng Kongreso, dapat ang sitting member of Congress dapat wala siyang interes doon sa prangkisang ipinu-push sa Congress for their approval. Sa ating pagkakaalam po mayroong nakaupo ngayon na nag-aaplay ng prangkisa sa iba't-ibang sektor. Nakaupo naman silang klaro ngayon sa posisyon.

Poe: Gano'n nga po siguro, mukhang malaking problema ito, can of worms talaga ang mangyayari dito.

Failon: Yes Ma'am, nauunawaan ko po Ma'am kasi kayo po ang chairman ng franchise at saka public services nga. I am sure ito hong mga bagay na ito ay haharap po sa inyo pong pagkilatis Ma'am. Madam Senator, mabuhay po kayo Ma'am, again, tandaan po natin ang pinakamagalang na kandidato.

Poe: Maraming salamat po at magandang umaga po sa inyong lahat.

Failon: Mabuhay po kayo Ma'am, thank you.

News Latest News Feed