Press Release
January 24, 2019

Transcript of Sen. Grace Poe's Ambush Interview
after the Third Hearing on the Third Telco

Jan. 24, 2019

Q: Issue pa ba ang Mislatel franchise o puwedeng hindi na siya maisip kasi mayroon naman pa lang hinihinging franchise ang consortium.

Sen. Grace Poe: Hindi, issue pa rin kasi simula pa lamang dapat ay nakita na ng NTC o DICT kung mayroon talagang valid na franchise. So kung nag-apply sila at wala pa rin, 'yun ay isang puwedeng pagdebatihan. Ngayon, gaya nga ng sinabi ni Senator Zubiri, hindi rin kasi masyadong malinaw ang probisyon doon sa franchise agreement na kung hindi ka tumugon doon sa mga requirements, makakansela ang franchise mo, hindi daw malinaw. Isa 'yan sa tatalakayin ng komite kung talaga bang mayroong lehitimong prangkisa itong Mislatel.

Q: Anong consequence no'n 'pag napatunayan na invalid na ang franchise ng Mislatel?

Poe: Siyempre nakakalungkot 'yun dahil gusto na talaga natin na magkaroon na nga ng third player para mas bumilis at mas maging maganda sana ang serbisyo natin pero siyempre kailangan pa rin tayong tumugon at tumupad sa batas. So isa 'yan sa magiging desisyon ng komite dahil sinabi ni Secretary Rio, kung ano ang magiging desisyon ng Senado, kung sinabing wala silang lehitimong prangkisa, e hindi maaaring matuloy 'yan. Pero siyempre iniisip din naman natin ang interes ng mas nakararami. Ang batas ba ay pinapairal para mas pahirapan tayo o para mas magkaroon ng patas na pagkakataon at mas magandang--

Q: (inaudible) a consortium franchise? 'Pag na-approve 'yon, puwede pa rin silang maging third telco, tama ba?

Poe: 'Yun na nga, wala pa nga sa amin ang application na 'yon. Dapat magkakaroon na ng desisyon by mid-February, e papaano kung wala pa dito, paano natin maaaprubahan 'yan? 'Di ba dapat inayos muna nila ang kanilang prangkisa bago sila dumating dito.

Q: Paano 'pag okay 'yung consortium franchise pero problematic 'yung Mislatel franchise? Ma-de-delay ba ang third telco o mayroon silang option na 'hindi makikipag-partner kami sa another franchise holder.'

Poe: May option talaga na gano'n pero ito nga 'yung problema, dapat sa umpisa pa lamang noong sila ay napili, dapat mayroon na silang lehitimong prangkisa. So puwede ngayong kwestyunin ng iba na sinasabi, 'e ngayon lang ninyo nakuha 'yung prangkisa ninyo dapat disqualified kayo.' Pero gaya nga ng sinabi ko, ang batas ay hindi perpekto, ang natutunan natin dito, kailangan nating mas linawin ang probisyon at ang iniisip ko bilang chairman ay kung anong makakabuti sa ating bayan. Kung ang batas ay hindi malinaw, maaaring pagbigyan pa rin natin itong application ng Mislatel or ng consortium dahil nga makakabuti ito sa bayan natin. Ayusin na lang natin ang batas para hindi na mangyari ang pagkakamaling ganito.

Q: So puwede silang ma-save ng consortium franchise kung aabot hanggang Feb. 17? So kahit ma-revoke ang Mislatel, may consortium franchise ka, pasok ka pa rin as third telco, gano'n ba 'yun?

Poe: Depende nga sa komite kung anong magiging desisyon kasi ang mangyayari dito, for the interest of the public, baka magkaroon ng provisional permit, pero again malaking legal question talaga, magiging precedent siya so ang iniisip nga natin dito kailangang upuan itong mabuti ng mga miyembro ng committee on public services. Unang una, lehitimo ba ang franchise nila? Pangalawa, kung hindi lehitimo, kanselado ba ang kanilang bid? Pangatlo, kung mag-a-apply sila at ngayon pa lang ibibigay, sapat na ba 'yun? Dahil ang ibig sabihin, noong sila ay unang nabigyan ng award nitong bid na ito, hindi pa pala sila qualified? So babalik na naman tayo sa doon sa quo warranto, hindi, parang gano'n 'di ba? Isipin natin dito, ano ba ang intensyon natin? Gusto natin mura ang serbisyo pero magaling 'di ba? So anong mas malaking interes ang nananaig dito?

Q: Pero ang other companies can also question kung halimbawang magbibigay ng, say, provisional franchise or clearance ang Senate 'di ba?

Poe: Talagang pwedeng pumunta sa Korte para kwestiyunin kasi nga malabo, basta ang malinaw sa batas, ang Kongreso, kasama diyan ang Senado, ang nagbibigay ng prangkisa. So kung sinabi ng Senado na hindi nagkasundo doon sa prangkisa na 'yan, e wala silang basehan para mag-operate, pero ang gulo nga, nakakalungkot ito dahil ang ibig sabihin ba ma-de-delay na naman tayo? Kaya dapat sa umpisa pa lang, pasensya na sa matatamaan, pero dapat ginawa nila ang kanilang trabaho ng tama sa qualification process pa lang para hindi tayo umabot sa ganitong punto na ma-de-delay na naman tayo dahil tayo mismo ang customers dito?

Q: 'Yung sinasabi po ni Secretary Rio, may letter daw ang Congress sa kanila saying na valid pa naman daw ang franchise ng Mislatel, 'can you clarify, may letter nga ba?

Poe: 'Yan ang opinyon ng Mababang Kapulungan. Ngayon umaasa tayo na bibigyan din tayo ng eksplanasyon ng mga ibang miyembro dito sa Senado kasi kahit sinabi ng (House) na okay 'yan, 'pag hindi pumayag ang Senado, 'di pa rin 'yan maaaprubahan.

Q: Mislatel 'yung sinasabi ni Secretary Rio.

Poe: Oo, Mislatel. Wala pang consortium franchise, hindi pa nakakarating.

Q: Did you receive Congressional approval ma'am?

Poe: Wala pang rin nga 'yung sa consortium from my understanding.

Q: Ang nakarating sa inyo is you were informed by Congress na bahala na 'yung Korte, 'yun 'yung desisyon nila. Kaya napunta lalo sa inyo 'yung burden.

Poe: 'Yun, correct.

Q: Ma'am sorry 'yung Feb. 17 ba, 'yung consortium franchise kakayanin ba 'yun sa committee ninyo na ibigay or you need more time to really study it?

Poe: For the interest of the public, definitely mamadaliin namin na magkaroon ng opinyon ukol dito, kung ano ba 'yung posisyon ng Senado at sana before the Feb. 17 (deadline). Kaya naman siguro kaya lang may mga tamang tanong rin naman si Senator Drilon ukol dito.

Q: Pero we can still afford Ma'am, so as to cleanse the process to start all over again, para walang magkaroon ng impression na 'ay nabigyan 'to ng special favor samantalang 'yung iba hindi naman ganoon.

Poe: As a last recourse, puwede naman talagang umpisahan uli 'yung proseso pero ma-de-delay na naman tayo ng 90 days 'di ba? 90 days tapos three months na naman 'yun, sana nga sabi nila mag-iincrease na to 37 mbps ba or 27 mbps kaagad-agad within the first year so maganda sana 'yun kaso kung ma-de-delay na naman. Ako, hindi ako masaya kung ma-delay, kaya lang siyempre nakatali rin 'yung kamay namin, na dapat naming gawin kung ano ba talaga 'yung tamang proseso--kung hindi baka mamaya mas lalong magkagulo-gulo kapag kinuwestiyon ito sa Korte at mabinbin na naman doon ng ilang taon--'yan ang problema.

Q: Do you see malice on the part of Udenna na nag-apply sila ng hindi naman pala valid ang kinakabitan nilang franchise?

Poe: Hindi naman. Alam mo sa tingin ko, hindi naman nila ilalagay ang kanilang sarili sa sitwasyon kung alam nilang may peligro. Siguro hindi lang talaga nila naintindihan rin dahil medyo kumplikado. I'd like to give them the benefit of the doubt, gusto natin na marami ang mamuhunan sa ating bansa pero dapat matugunan din 'yung ating mga batas.

Q: So DICT dapat ang nakakita 'nun.

Poe: Sila doon sa selection committee 'di ba?

Q: Do you share the observations of Senator Trillanes about the conflict of interest, indirect bribery, graft and the Mislatel being favored due to the prior remarks of the President na 'yun ang gusto?

Poe: Kasi alam mo, aminin naman natin, lahat naman magkakakilala 'di ba. Marami rin naman tayong mga kilala diyan o ang ating Pangulo, hindi naman nangangahulugan na binigyan sila ng pabor lalung-lalo na kung talagang binubusisi natin ang proseso kaya nga iniiwasan natin na masabing ganoon dito sa ating komite kaya lahat binibigyan natin ng pagkakataon na marinig at magpaliwanag.

Q: Pero hindi ba na-prove ng insidente na hindi nga nabusisi dahil...

Poe: Doon sa level nila, may pagkukulang sila.

Q: DICT? Hindi ba sila nag-operate? Not even a single day? Kasi they are into casino business, si Dennis Uy.

Poe: Hindi naman kailangang si Mr. Uy mismo ang nag-operate dapat 'yung franchise holder, siguro hindi naman nalaman din ng mga kasamahan ni Mr. Uy na magiging problema ito. Pero sa tingin ko naman, tapat ang kanyang hangarin na siyempre, negosyo 'yan kikita sila pero gusto rin naman niya sigurong masabi na galingan 'yung pagtulong nila sa ating mga kababayan.

Q: Ma'am sino po 'yung may pagkukulang at ano 'yung pagkukulang? DICT?

Poe: Hindi, yung komite, 'yung selection committee 'di ba nasa NTC 'yun, oversight committee, iba-iba rin naman ang mga miyembro 'nun. Bigyan natin sila ng benefit of the doubt baka nagkamali lang talaga sila pero ngayon dahil doon sa kakulangan na 'yun nakabinbin ngayon dito. Kapag hindi naman ginawa ng tama dito, puwedeng pumunta sa Korte ang iba at pagdating sa Korte, habang dinidesisyunan 'yan hindi puwedeng gumalaw 'to, mas lalo tayo matatagalan. So anong, pipiliin natin? Mag-umpisa tayo muli ng bidding process na baka ma-delay tayo ng tatlong buwan or 90 days or papayagan na natin 'tong makalusot dahil nakitaan naman natin ng maaaring maging basehan sa batas na makalusot ito pero kapag kinuwestiyon sa Korte baka taon ang lumipas.

Q: Kailan kaya makakagawa ng conclusion ang inyong committee?

Poe: Sana before Feb 17.

Q: Ano 'to Ma'am, last hearing ba ito?

Poe: Sa kanila mukhang last hearing na muna.

Q: So lesson learned from the beginning ayusin na para wala ng ganitong nanganganak na problema pa.

Poe: At saka lesson learned, talagang kumplikado ang batas natin na kailangan nating ayusin dahil hindi naiintindihan. Imagine ilang mga abogado na ang gumagawa niyan hindi pa rin klaro kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng mga probisyon.

Q: 'Yung sinasabi ni Senator Zubiri, medyo hindi excuse 'yun na kung 70 percent naman na ang nagba-violate bakit hindi natin--

Poe: Ay hindi, sinabi niya lang 'yun out of emotion pero hindi naman 'yun puwedeng maging dahilan talaga. Alam naman niya 'yun kaya nga hinilingan din natin siya na 'tulungan mo ang komite, mag-draft ka ng provision para mas malinaw, para ma-konsidera natin.'

Q: Ma'am parang sinabi niyo kanina na malinaw sa batas na ipso facto revocation kapag non-operation 'di ba?

Poe: Oo nga, pero alam mo ang hindi daw malinaw doon ay sino ang magpapatupad no'n, Kongreso ba o Korte? Ako in my opinion, it's Congress.

Q: Pero dahil walang revocation ng Congress hindi siya na-revoke.

Poe: 'Yun ang sinasabi ng Congress na parang 'hindi, hindi kami 'yun.' Sila mismo nag-interpret parang sinabi ng Lower House na 'hindi, Korte.'

Q: Doon pa lang may vague na, pero sabi ni Senator Drilon, sino ba nagbibigay ng franchise? Congress.

Poe: That's my opinion too.

News Latest News Feed