Press Release
October 24, 2018

Senator Bam Aquino's Speech During the Launch of 'Oposisyon Koalisyon'

Magandang umaga po sa ating lahat!

Unang una po, palakapakan po natin si Diego ng Rizal Technological University, maraming maraming salamat po Diego, palakpakan po natin siya!

Mga kaibigan, alam niyo po, nandito po ako, at katabi ko po si Mrs. Romy Macalintal, nakipagbulungan po kami. Sabi po ni Mrs. Romy Mac, Senator- ang gagaling naman ng mga kasama mo. Tama po?

Tumataas po ang balahibo namin dito sa pagpapakilala, dito sa pito kong kasama, dahil totoo naman na ang grupong ito ang siyang magtataguyod ng mga pangarap ng ating bayan!

Alam niyo, bago tayo tumakbo, bago tayo nag-file ng Certificate of Candidacy, ang raming nagsabi sa akin - Senator Bam, hindi ka ba natatakot? Kayo, natatakot ba kayo? Sabi nila, Senator Bam, hindi ka ba tatahimik na lang? Kayo po, tatahimik ba kayo?

Sabi ko - hindi tayo pwedeng tumahimik. Hindi tayo pwedeng matakot, dahil meron pa tayong pangarap sa ating bayan. Meron pa tayong pangarap na hindi pa natutupad - isang bayang maunlad, na walang ni-isang pamilyang Pilipinong naiiwan. Isang bayang maunlad, na walang maiiwan. Tama po? Sabay sabay nating sabihin: Walang maiiwan! Walang maiiwan!

Isang bayang maunlad, na lahat tayo, nararanasan ang kasaganahan. Mga estudyante, nakapag-aaral. Mga magsasaka, na-aafford ang kanilang inaani. Mga tricycle driver at jeepney driver na hindi nangangalahati ang kita dahil sa taas ng presyo ng diesel at gasolina. Mga pamilyang Pilipino na may kakayahan na tugunan ang pangangailangan ng ating mga pamilya. Yan ang pangarap ng napakaraming pamilyang Pilipino.

In the past 6 months, nag-iikot tayo, kinikilala ulit ang ating mga kababayan, kausap natin sila sa mga mga palengke, sa mga community center, sa mga urban poor at rural poor areas. Kausap natin, magsasaka at mangingisda, mga market vendors, mga senior citizen, mga kabataan, mga kababaihan, kausap natin sila.

Ang sinasabi nila- Senator Bam, ang hirap ng buhay ngayon. Pupunta ka sa grocery, yung 500 pesos mo, wala ka nang mabili. Pumunta ka sa palengke, napakamahal ng bigas. Mga estudyanteng gustong makapag-aral, napakamahal ng school supplies. Ang hinahanap ng ating taumbayan ay kaunting tulong naman - kaunting tulong sa ating pang-araw araw na pakikipagsapalaran. Hindi isang gobyernong nagpapabigat sa mga bagay-bagay, bagkus, isang gobyernong tumutulong at nagbibigay ng kalinga sa ating mga kababayan.

Ito yung hugot natin. Kapag umiikot tayo, nakikita natin yung galing ng Pilipino. Nakikita natin ang mga kababayan natin, likas na magaling, matalino, handang magtrabaho. Mga Pilipinong nagmamahal sa kapwa, yun ang nakikita natin. Pero sa kada hakbang, napakaraming pampabigat sa ating bayan.

Kailangan natin, isang bayan na umuunlad at hindi lang yung iilan na nakakaranas nito, kung hindi lahat tayo - magsasaka, mangingisda, jeepney driver, tricycle driver, tayong mamamayan, kabataan, kababaihan, senior citizen. Dapat isang bayan na nararamdaman natin ang ganung klaseng kaunlaran, at walang ni-isang naiiwan.

Ang kailangan natin, isang gobyerno na ang puso ay ang taumbayan. Isang gobyerno na sa gitna ng kaniyang kahibuturan ang kapakanan ng mamamayan at hindi yung kagustuhan ng iilan lamang. Iyan ang gusto nating ibalik - ibalik ang isang gobyerno kung saan kayo po ang nauuna, kayo ang boss, kayo ang nandiyan sa kalagitnaan ng lahat ng ginagawa, hindi pineperwisyo ang sektor ng magsasaka, hindi pineperwisyo ang sektor ng manggagawa - binibigyan ng pagkakataon na lahat tayo ay umunlad at makamit ang ating mga pangarap.

Ang grupong ito ang siyang grupo na magtataguyod ng mga pangarap nating lahat bilang mga Pilipino. Mga kaibigan, I'm so proud to be part of this group. I think lahat tayo dito, iniisip natin lahat na ang walong ito, mapagmamalaki natin. Hindi tayo mahihiyang kumatok sa mga bahay ng ating kapitbahay, mag-text sa mga kamag-anak, makipag-away sa Facebook, para sa walong ito.

Dahil sa totoo lang, upang manalo ang koalisyong ito, kailangan lahat tayo ay magtrabaho. Lahat tayo, kumatok sa mga puso ng ating mga kababayan, sabihin natin - kung gusto niyo ng isang bayang walang maiiwan, isang gobyerno na ang taumbayan ay nasa puso, ang walong taong ito ang ikampanya natin.

Kaya palakpakan po natin - unang una sa lahat, Congressman Gary Alejano! Atty. Florin Hilbay! Congressman Erin Tanada! Dean Chel Diokno! Sam Gutoc! Mr. Senior Citizen, Atty. Romy Macalintal! Former Secretary, Secretary Mar Roxas! At ang inyong lingkod po, si Senator Bam Aquino sa susunod na halalan! Lalaban, walang iwanan, tulungan po tayo! Salamat po!

News Latest News Feed