Press Release
August 7, 2018

TRANSCRIPT OF GRACE POE'S AMBUSH INTERVIEW

Q: Yung sa Communications Office, kasi nga dadagdagan pa... (budget)

Sen. Grace Poe: Alam mo ang administrasyon daw ay concerned sa nararamdamang paghihirap ng ating mga kababayan, samantalang ang budget-halimbawa ang Agriculture babawasan ng halos 10 percent, tapos ang budget ng DSWD babawasan din, ang budget din ng Department of Health ay babawasan. Ang tanong ko, kung babawasan ang mga ahensiya na ito na nakakatulong sa ating mga kababayan, bakit tataasan ang isang ahensiyang katulad ng PCOO. Ngayon, importante ang komunikasyon pero anong klaseng komunikasyon? Ito ba ay maasahan natin na maging maayos at patas? Kailangan nilang i-eksplika kasi ang P100 milyon na taas ay hindi maliit na bagay. P100 million, ang dami nang matutulungan niyan, sa healthcare pati sa education.

Q: Ibig sabihin talagang hindi siya basta-bastang kayang ipasa?

Poe: Sa tingin ko sa ngayon kailangan talaga nilang patunayan na kailangan nila iyan dahil para sa amin at lalung lalo na sa akin, importante na mabigyan ng budget ang pagkain, kalusugan at edukasyon, kaso yun ang mga pinuputulan ng budget, kaya nakakapagtaka. Kung talagang gusto nating tumulong, lalo na ngayon, ang inflation bigla ay 5.7 percent, ang ibig sabihin ang idadagdag na gastusin ng bawat pamilya ay halos magiging siguro P500 more buwan-buwan. Sa isang minimum wage earner, malaking bagay 'yon.

Q: Ano sa tingin ninyo ma'am sa zero budget? Mayroon kasing nagpanukala na Congressman.

Poe: Hindi naman, ako naman kasi ay resonableng tao. Kahit papaano ang lahat ng ahensiya ay may nagtatrabaho diyan at hindi mo masasabi na lahat ng nagtatrabaho diyan ay hindi ginagawa ang kanilang responsibilidad. Mayroon din naman talagang tapat sa kanilang tungkulin, at hindi din naman dapat i-zero budget. Pero sa tingin ko naman, maluho rin naman na isipin natin na uunahan pa natin ang ibang mga ahensiya na direktang nakakatulong, at uunahin natin ang isang ahensiya na hindi naman sikmura ang tinututukan.

Q: Si Senator Lacson, nire-raise din niya ang possibility, with Speaker Arroyo daw on the other side of the fence, dapat daw bantayan yung posibleng pagbalik ng pork barrel fund, yung mga insertions sa budget. Concern niyo rin ba ito?

Poe: Oo kasi alam mo ang nangyayari pagdating sa mga insertions, naaalala natin noong mga panahon na 'yon ang daming mga programa katulad ng fertilizer fund scam. Bago maglagay ng budget, tingnan muna kung kinakailangan ba talaga ng mga distrito na 'yon. At saka dapat transparent, pinapakita, hindi yung at the last minute nilalagay, so definitely hindi. At saka yung sinasabi nila na naghain na sila ng resolution na voting separately, maganda naman sigurong hakbang sa kanila 'yun pero alam naman nating hindi napipigilan ang mga ibang may masasamang balak na tumungo sa Korte Suprema kapag ito ay nakasalang na dito. Kaya para sa akin kahit na mayroon pa ring joint resolution, at least mabuti 'yan for future reference, pero for now, especially kapag Cha-cha ang pinaguusapan natin, medyo delikado pa rin dahil alam naman natin ay mabilis silang magisip ng mga iba't ibang legal na paraan para mapalitan ang kanilang mga galaw. So baka mag-Korte Suprema sila para kuwestiyunin nila once magkaroon na ng deliberasyon sa Senado.

Q: Ma'am yung resolution, hindi assurance na talagang voting separately kapag nag-Con-ass?

Poe: Talagang hindi 'yan assurance, kasi 'di ba dati ang impeachment ay talagang dumadaan lamang sa Kongreso at Senado, pero nakita naman natin na nagkaroon ng quo warranto noong ito'y inaksyunan nila at kinatigan sila. So ngayon kahit na may resolusyon pa at kahit na may tradisyon pa na kinakailangan ay dumaan lang sa Kongreso at Senado ang pagpapalit ng Konstitusyon, baka mamaya 'pag umakyat sila sa Korte Suprema ay sabihin ang opinyon ay voting jointly, delikado pa rin.

Q: Kahit na ikatwiran nila ang economic provisions lang naman, wala pa rin yung tiwala mo?

Poe: Para sa akin kasi doble ingat ngayon na may nagbabadya talaga na pagpapalit ng sistema ng ating gobyerno. Kasi alam mo, bakit pa natin pagwawatak-watak ang ating bansa? Yung para sa akin, kung kinakailangan na bigyan ng mas malaking pondo ang mga local government, yung share nila dito sa pondo ng bayan, talaga namang sang-ayon ako do'n, pero yung sistema ng gobyerno na paghihiwalayin mo pa, para sa akin magkakagulo. Maraming mga tao ang nagpapakita rin ng pagaalinlangan dito na sana konsultahin at iparating mabuti ang impormasyon ukol dito.

Q: So you're saying we don't need to change into federalism to empower the LGUs

Poe: Oo, para bigyan natin ng kapangyarihan ang mga local government, hindi naman kailangan ng federal form of government. At saka para sa akin talagang kulang ang impormasyon na ibinibigay nila at malaki ang magiging dagok nito. Sa tingin ko mas lalong magkakawatak-watak ang atin bayan, pero bilang isang mambabatas, sige pakinggan muna natin ang kanilang argumento dito, pero sa tingin ko medyo malabo dito sa Senado.

Q: Ma'am, ang sinasabi ninyong baka may masamang balak, baka umakyat pa ng Supreme Court at mag-question ng legality, are you talking about Speaker Arroyo?

Poe: Not necessarily, hindi lamang siya, maraming mga ibang pwedeng magkaroon ng hakbang na ganyan, kaya nagiingat lang din tayo. Marahil si Speaker Arroyo ay mayroon nang resolusyon pero hindi 'yon makakapigil sa mga ibang kasamahan niya na i-akyat pa ito sa Korte.

Q: Ma'am are you convinced na as far as the Senate is concerned, Cha-cha is dead na?

Poe: Sa ngayon marami akong mga nakausap na mga kasamahan ko, mukhang hindi naman sila kumbinsido pa. Hindi natin alam bukas, pero sa tingin ko, ako mismo marami akong pagaalinlangan dito.

News Latest News Feed