Press Release
July 31, 2018

SPONSORSHIP SPEECH
SENATE BILL NO. 1896 or the Universal Health Care Bill
under COMMITTEE REPORT NO. 401
July 31, 2018

Isang mapagpalayang hapon po sa ating lahat!

Mr. President and colleagues,

Today I am privileged to report back to this august chamber the Committee Report of your Committee on Health and Demography, on Senate Bill No. 1896, or the Universal Healthcare Bill.

Isa pong karangalan na pamunuan ang pagsasabatas ng panukalang ito kasama ang mga kampyon ng UHC dito sa Senado pati na ang ating counterpart sa House of Representatives; isang karangalan ang pagbuo ng panukalang ito kasama ang magigiting nating lingkod-bayan sa gobyerno lalong-lalo na ang mga taga DOH at ating mga barangay health workers; isang karangalan po na matuto mula sa perspektibo ng mga health workers, professionals at advocates mula sa non-governement organizations at pribadong sektor. Higit sa lahat, labis na karangalan ang tumayo dito ngayon sa ngalan ng bawat Pilipino na karapat-dapat makatanggap ng serbisyong pangkalusugan na episyente, sapat, accessible, at abot-kaya, mula sa ating pamahalaan.

Your Committee on Health and Demography has conducted five hearings and a series of consultations and technical working group sessions before coming out with this present version of our proposed UHC Bill. The Committee strived to reach the major cities in Northern and Southern Luzon, Visayas, and Mindanao.

We reached the Cities of Cebu, Davao, and Legazpi, Albay, and the Municipality of Lingayen in Pangasinan to learn from our people of their true needs. Pinagsikapan po natin na mapuntahan ang mga nasabing lugar upang malaman ang mga pangangailangan at tulong na maibibigay natin. Naging produktibo po ang ating pag-iikot dahil sa ating paagbalik sa Maynila ay may pabaon ang ating mga kababayan na impormasyon at personal na karanasan na ating isinaalang-alang sa pagbuo ng UHC Bill na bersyon ng inyong Komite.

Mr. President,

Sa nakaraang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte, nanawagan ang ating Pangulo sa agarang pagpasa sa Universal Healthcare Bill. Ito naman po ang ating agarang tugon at tiwala ako na sa pagtutulungan ng Senado ay maisasakatuparan natin ito sa lalong madaling panahon. Samantalahin po natin ang kahandaan ng administrasyon na ito na pangalagaan ang kalusugan ng bawat Pilipino.

Ginoong Pangulo,

Ayon po sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang per capita health expenditure ng bawat Pilipino ay lumaki ng 8.7% noong 2016. Ibig sabihin po nito, ang bawat Pilipino ay gumastos ng higit Php6,345 para sa kanyang kalusugan noong 2016 mula sa Php5,840 noong 2015. This is an additional expense of Php505.00 for every Filipino.

Ang tanong: Sa halagang ito, ilang porsyento o magkano ang gastos ni Juan at magkano naman kaya ang ginagastos ng gobyerno para kay Juan?

Ayun sa datos ng PSA, sa kabuuang financing scheme for current health expenditures, ang household out-of-pocket payment ang may pinaka-malaking porsyento na 54.2% o Php342 Bilyon. Samantala, 34.2% lamang o Php216 Bilyon ang sagot ng gobyerno para sa taong 2016.

Ibig sabihin, sariling bulsa pa din ang inaasahan natin upang makapag-pagamot o ma-access ang mga health services para sa sarili at sa ating pamilya.

Kung pinag-usapan naman po ang mga government hospitals, ano ang una nating naiisip? Sigurado po ako na ang masikip, madilim, sira-sira at mainit na mga pasilidad ang unang papasok sa ating isipan.

Hindi po nakapagtataka dahil ayon sa report ng DOH, kulang pa po tayo ng mahigit 42,000 beds upang ma-implementa ang one bed is to 800 population (1:800) ratio. Ang budget naman na kailangan natin upang mapatupad ito ay at least Php228 Billion.

Sa kasalukuyan, ang atin pong bed to population ratio ay 1:1,121. Metro Manila lamang at Region X o Northern Mindanao Region ang pumasa sa standard na itinakda. Habang ang Metro Manila ay may ratio na 1:591, ang ARMM ay mayroong 1:4,200 bed to population ratio sa kasalukuyan.

Sa atin pong pagbisita sa mga ospital sa iba't ibang probinsya, nakita ng sarili kong mga mata ang kalunos-lunos na kalagayan ng ating mga kababayan - mainit, siksikan, pinagtitiisan ang tila limos na pagkalinga ng gobyerno. Kawawa ang ating mga kababayan na sa halip na gumaling ay may pangamba na mahawa pa sa sakit ng ibang pasyente.

Ilan lamang ang aking mga nabanggit na isyu na kailangan natin solusyunan at isaalang-alang sa pagpasa ng UHC Bill.

Ginoong Pangulo,

Sa ilalim ng isinusulong nating panukala, ang ating pangunahing layunin ay ma-garantiya ang pantay na access sa de kalidad at abot-kayang health goods at services ng bawat Pilipino. Kaakibat nito ay ang pag-tiyak na hindi na magiging pasanin ng ating mga kababayan ang isyung pinansyal kapag pinag-uusapan ang kanilang kalusugan.

Isa rin na binigyan nating pansin ay ang pagrepaso sa mga tungkulin at mandato ng mga ahensiya na mag-iimplemeta ng panukalang ito sa oras na ito ay maisabatas, katulad ng Philhealth, Department of Health, at ang mga local government units. Nilinaw natin sa batas ang mga kanya-kanyang tungkulin at responsibilidad ng mga key agencies pati na ang partisipasyon ng pribadong sektor upang mawala na ang mga overlap sa mga ahensiya at ang fragmentation ng ating health system.

Ang bawat Pilipino ay automatically covered o included sa ilalim ng National Health Insurance Program bilang direct o indirect contributor. Mas pinalawak din natin ang saklaw ng service coverage at pinagtibay ang preventive at promotive na aspeto ng mga serbisyong pangkalusugan.

Sa nakaraang SONA, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng National Workforce for Health. Sa ilalim ng ating panukala, lumikha tayo ng National Health Workforce Support System upang mapangalagaan at mapatibay ang mga publicly-owned or led service delivery networks at masolusyunan ang kakulangan ng ating health workforce. Aalagaan natin ang mga tagapangalaga ng ating kalusugan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng makataong kompensasyon at dagdag na plantilla positions.

Upang tuluyan na maisaayos ang pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan, lilikha tayo ng mga service delivery networks o SDNs. Sa ilalim ng mekanismong ito, ang mga serbisyo ay ihahatid ng mga contracted SDNs na binubuo ng pampubliko, pribado, o magkahalong pampubliko o pribadong mga institusyon. Sa paraang ito, mapagtitibay natin ang gatekeeping at maiiwasan ang paglobo ng mga kaso sa tertiary hospitals na pwede namang bigyang lunas sa mga polyclinics o health centers.

Nais din nating patatagin ang mga polisiya at programa, at regulasyon sa aspetong pangkalusugan at sistema na ating bubuuin. Ito ang magiging papel ng Health Technology Assessment (HTA) na isang proseso na titiyak na tama at ligtas ang prayoridad at investment natin pagadting sa kalusugan ng mga Pilipino. Sa pamamagitan nito, hindi na mauulit ang Dengvaxia na naglagay sa ating mga kabataan sa peligro. Ang HTA Council o unit ay bubuuin ng mga eksperto lamang na may kakayanang mag-validate at mag-develop ng mga polisiya at irekomenda ito sa DOH at Philhealth.

Ginoong Pangulo,

Marahil isa sa mga importanteng tanong na dapat natin sagutin ay ang pagkukunan ng pondo upang maisakatuparan ang UHC.

Sa ilalim po ng ating panukala, binigyan natin ng tungkulin ang Philhealth na pamahalaan ang pool of funds na nakalaan para sa health provision o assistance mula sa iba't ibang ahensiya ng gobyerno. Ito po ay binubuo ng mga kontribusyon at subsidiya, at iba pang appropriations na inilaan ng gobyerno para sa health operations, at iba pang sources katulad ng health assistance funds ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), medical assistance programs ng DOH, administrative fines, donations at grants-in-aid, at iba pa.

Masyado pong kalat-kalat ang pondo ng gobyerno para sa kalusugan. Sa halip na dumiretso sa mga pagamutan, bakit kailangan pa ng ating mga kababayan na mamalimos muna ng assistance mula sa mga ahensiya ng gobyerno na kakarampot lang naman?

Sa pamamagitan po nito, Ginoong Pangulo, may isang pondo na lang po tayong babantayan at titiyaking mapupunta sa ating mga kababayan.

Personal ko din pong isinusulong ang pagtaas sa excise tax ng tobacco products bilang health at revenue measure. Sa ilalim ng Senate Bill 1605 na ako ang may-akda, itataas natin sa Php 90.00 per pack ang excise tax at adjusted ng 9% kada taon ang rate na ito. Sa ilalim po ng panukalang ito, madadagdagan ang mapagkukunang pondo para sa kalusugan.

Mr. President,

Nagpapasalamat po ako sa ating mga kasamahan sa Senado sa kanilang suporta sa panukalang ito. Isinaalang-alang po ng inyong komite ang mga bersyon na inyong inakdaan at pinag-aralan nang mahusay kasabay ng resulta ng ating mga regional hearing at mga konsultasyon.

Ang pagsulong po natin sa Universal Health Care Bill ay pagkakataon natin na mabigyan ng de-kalidad, accessible, at abot-kayang health services ang bawat Pilipino. Huwag po sana natin palagpasin ang pagkakataong ito. Manguna po tayo sa pagbibigay ng lunas sa ating mga kababayang may sakit ngunit walang pampagamot, sa mga kababayan nating tila nakalimutan ng gobyerno dahil hindi naaabot ng tulong, at sa mga kabataang dapat nating pangalagaan. Naniniwala po ako na ang isang malusog na mamamayan ay susi sa pambansang kaunlaran.

Muli, maraming salamat sa atin pong mga kasamahan, at siyempre, Mr. President, maraming salamat din sa ating Pangulo sa kanya pong pag-certify bilang urgent measure ang Universal Health Care

Maraming salamat po!

News Latest News Feed