Press Release
July 23, 2018

On the United People's SONA
Mensahe
HON. LEILA M. DE LIMA
Senator


(Inihayag ni Fr. Albert Alejo, S.J. sa United People's SONA sa St. Peter's Parish, Lungsod ng Quezon ngayong ika-23 ng Hulyo 2018)

Isang mapagpalayang araw sa inyong lahat!

Maraming salamat po sa pagkakataong ito na maging bahagi ng isang pagtitipon kasama ang ating mga kababayang walang ibang nais kundi manaig ang demokrasya, katotohanan at katarungan sa ating bansa.

Bukod sa SONA ni Duterte, marapat lang pong mapakinggan ang SONA ng sambayanang Pilipino-hindi ang mga kasinungalingan ni Duterte, kundi ang tunay na estado ng Pilipinas at ng mga Pilipino.

Sa loob ng dalawang taon, nakita natin ang bulok na estilo ni Duterte. Utak-diktador. Utak-dahas. Utak shortcut.

Shortcut na kampanya kontra droga na nakatuon sa pagpatay ng libu-libong mahihirap na Pilipino, kasama na ang mga batang walang kamuwang-muwang, habang pinapabayaan lang ang malalaking drug lord, at protektado ang mga kapamilya, kumpare, ka-brod at kaalyadong sangkot sa anomalya.

Shortcut sa pag-imbento ng mga kaso laban sa akin, dahilan para ako ay makulong kahit malinaw na inosente ako sa kanilang mga paratang.

Ang pagpapatanggal kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, idinaan din sa shortcut gamit ang Quo Warranto na labag sa ating Konstitusyon.

At higit pa sa shortcut, lantarang pagbalahura sa ating soberanya at mga teritoryo ang ginagawa ni Duterte. Ipinamimigay na nga ang ating mga teritoryo, pinapayagan pang mag-labas-masok lang sa Pilipinas ang mga eroplanong militar ng Tsino na hindi malinaw ang motibo at mukhang si Duterte lang ang nagbibigay ng permiso.

Ginigipit ang media sa mga pagpatay sa mga mamamahayag, at pagtanggal ng lisensya ng tanggapan na nag-uulat ng makatotohanang balita.

Ultimo mga pari, pinapatay, habang ang Simbahang Katolika ay pilit ding pinatatahimik. Hindi pa nakuntento si Duterte sa kanyang kabastusan sa kababaihan, pati ang Diyos ay nagawa niyang insultuhin at alipustahin.

At ngayon, gusto ring daanin ng rehimeng Duterte sa shortcut ang pagpapalit ng Saligang Batas patungo sa Pederalismo. Pederalismo na hindi naman para sa Pilipino, kundi para sa mga politiko.

Nagugutom na nga ang mga Pilipino sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, sa nakamamatay na pagsagasa ng TRAIN Law, sa di-matapos-tapos na Endo, sa tumaas pang unemployment rate, pero ang tugon pa nila: Gumastos ng bilyon-bilyong piso para isulong ang Cha-Cha tungo sa Pederalismo.

Bago natin pag-usapan ang Pederalismo o pagpapalit sa ating Saligang Batas, pag-usapan muna natin ang solusyon sa lumalalang trapiko, tumataas na presyo ng bigas, gasolina, pamasahe, at iba pang mga bilihin. Pag-usapan muna natin ang pagbibigay ng trabaho, seguridad sa hanapbuhay, at pagtaas ng sweldo na tutugon sa kumakalam na sikmura ng mga Pilipino.

Namumulat na ang marami nating kababayan. Punong-puno at sawang-sawa na tayo sa mga kasinungalingan at kawalanghiyaan ni Duterte.

Malinaw kung bakit hindi napapatid ang siklo ng pagdurusa ng maraming Pilipino. Dumadami ang mahihirap dahil lalo pang dumadami ang corrupt, habang hindi naman tinutugunan ang sanhi ng patuloy na kahirapan. Kaya lumalakas ang loob ng mga abusado at tiwali sa pamahalaan ay dahil marami ang pinipiling maging duwag at bulag sa mga panloloko ng mga pinuno.

Tandaan natin: Ang pananahimik ay katumbas ng pagpanig sa mga mapang-api. Kung mananatili tayong manhid, ilang libo pang Tisoy Argoncillo, Kian Loyd delos Santos, at Skyler Abatayo ang papatayin nang walang kalaban-laban? Ilang Fr. Mark Ventura, Richmond Nilo at Marcelito Paez pa ang papaslangin? Ilang Joey Llana at kawani ng media pa ang patatahimikin?

Ilang milyong piso pa ang mananakaw sa ating kabang bayan? Ilan pang taon o dekada maghahari ang mga mamamatay-tao at corrupt sa gobyerno?

Sa panahong ito ng mala-diktador na pamamahala at nagbabadyang pagpapahaba ng kanilang termino, patuloy tayong tumindig para sa demokrasya. Huwag nating hayaang takutin tayo ng rehimeng Duterte, at ilihis tayo sa walang katuturang mga pagmumura, kalaswaan at kasinungalingan.

Gaya ng napatunayan na sa kasaysayan, walang diktador na nananatili sa kapangyarihan. Walang makadadaig sa lakas ng nagkakaisang sambayanan. Ituloy natin ang laban at tapusin ang kasamaan sa ating lipunan, para sa kabutihan at kinabukasan ng bawat marangal, maka-Diyos, at makatarungang Pilipino.

Muli, maraming salamat at magandang araw sa lahat.

News Latest News Feed