Press Release
May 1, 2018

MENSAHE SA PAGDIRIWANG NG ARAW NG PAGGAWA

Isa sa pinakamatibay na pundasyon ng mga industriya at ng ekonomiya ang sektor ng paggawa. Gayumpaman, sa taunang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa, naroon pa rin ang mga suliraning iniinda ng ating mga manggagawa.

Isa na nga rito ang usapin ng Endo, kung saan hindi nareregular ang mga empleyado dahil sa pagsasamantala sa mga butas sa kasalukuyang batas at patakaran.

Noong kampanya pa lang, ipinagmalaki pa ni Duterte na kaya niyang tugunan ang kontraktuwalisasyon sa loob ng isang linggo. Bagay na hinangaan at inasahan ng marami nating kababayan. Pero heto ngayon, magdadalawang taon na sa pwesto, ang pangako niya mismo ang na-Endo. Matapos paasahin ang mga manggagawa, naghugas kamay na naman itong si Duterte, at ipinasa ang obligasyon sa Kongreso.

Kawawa ang Pilipino sa gobyernong ito. Pinatay ang libu-libong mahihirap na Pilipino, mga inosente at walang laban. Pinagbabantaan at nanaisin pang mamatay sa hirap at gutom ang maralita. Walang pakundangan sa pagpapatupad ng mas mataas na buwis dahil sa TRAIN law, sa kawalan ng supply ng murang bigas, na kung mayroon man ay hindi pa makain, sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at maging sa padalos-dalos na desisyong ipasara ang Boracay kung saan libo-libo ring manggagawa ang mawawalan ng ikabubuhay.

Malinaw po: Kailangan ng masusi at malawakang konsultasyon sa bahagi ng mga negosyante at empleyado para tugunan ang mga suliranin sa sektor na ito. Bawat desisyon, dapat pag-isipan at pagtulungan, hindi yung ibabatay lang sa kapritso ng isang Pangulo na sobra sobra sa pag-ngawa, pero kapos na kapos sa gawa.

Bilang Senador, makakaasa po kayo sa patuloy kong pakikibalikat sa sektor ng paggawa. Kabilang dito ang pagsusulong ng mga panukalang batas at resolusyon upang pangalagaan ang kapakanan ng ating mga manggagawa, sa loob at labas ng ating bansa, gayundin ang pagsiyasat sa ugat ng pagtaas ng unemployment rate sa ating bayan.

Sama-sama, ituloy natin ang pakikibaka para sa mas maunlad at makatarungang Pilipinas, na kapaki-pakinabang lalo na sa mga nasa laylayan ng lipunan.

Isang mapagpalayang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sa ating lahat.

LEILA M. DE LIMA

Custodial Center, Camp Crame
1 Mayo 2018

News Latest News Feed