Press Release
March 15, 2018

Opening Statement of Akbayan Senator Risa Hontiveros on the Senate Hearing on the NFA rice crisis

Madam Chair, maraming salamat po sa pagtuloy na pagdinig sa usapin na ito ng bigas at pagkain.

Bilang isang nanay, alam natin ang halaga nito sa araw araw nating buhay at pamilya.

At bilang Pilipino, alam nating bahagi na ito ng ating kultura at laging parang may kulang kapag walang bigas sa ating mga hapag-kainan.

Kung tutuusin, mahaba na ang ating naging diskusyon hinggil sa kakapusan ng murang NFA-priced rice sa mga talipapa.

Pakiramdam ko, sa hinaba-haba ng ating palitan, paikli naman ng paikli ang pasensya ng ating mga kababayang umaasa sa mga bigasang bayan para pantawid gutom.

Ungkatin man natin ng malalim ang mga alegasyon ng korupsyon, akusasyon ng tara-ffication, at kutsabahan ng ilang kawani ng mga ahensya ng gubyerno sa mga importers at traders, mananatili pa ring pang-dalawang araw ang buffer stocks ng NFA rice.

At sa totoo lang, magugutom ang mga kababayan natin, lalo na ang mga mahihirap, dahil mas pinipili ng mga ahensyang nandito na magmatigas sa kani-kanilang mga posisyon, magturuan ng kung ano at sino ang may atworidad, magpasahan ng mandato at responsibilidad at magkanya-kanyang palusot para makaiwas sa pananagutan.

Naghihintay ang mga magsasaka, nagtitiis sa gutom ang ating mga kababayan, at mababansot panigurado ang mga bata sa mga darating na taon dahil naparalisa ang mga ahensyang nandito sa mga polisiyang sila sila mismo ang may gawa at pwedeng baguhin ng Ehekutibo kung gugustuhin ng walang kagyat na pangangailangan para sa Kongreso.

The debate on the rice issue has become a public spectacle. There was a policy paralysis in the executive. The executive branch seems unable to come up with a unified position on the matter at hand.

Malinaw ho sa akin na nabigo ang NFA Council at NFA Management na tuparin ang mandato nito na masiguradong may bigas at may murang bigas para sa mahihirap.

Kung hindi kaya ng NFA, sinong may kakayanang ipatupad ito?

Sa kabilang banda, tingin lang ho tayo sa inyong likuran nandyan po ang mga magsasaka nating nagmamasid sa atin at nag-aabang na matugunan ang kanilang hinaing para sa dagdag na ayuda, abono at subsidyo.

Baka nga ho ang ilan sa kanila ay natigil na lang sa pagsasaka dahil kahit anong araro ang gawin, lugi na, abunado pa at mananatiling lubog sa utang. Baka naman, sila naman ang maging sentro ng usapan para makalamang lamang din sila paminsan minsan.

Minumungkahi ko po, Madam Chair, bilang bahagi ng Committee Report, para sa emergency rice reserves, na bilhin ng gubyerno, sa pamamagitan ng NFA, sa halagang PhP 19.00 pataas ang mga ani sa parating na anihan habang inaantay ang in-import na bigas. Atasan na rin natin ang DA, NEDA, DOF at NFA na masiguradong maisakatuparan ito.

Kaugnay nito, Madam Chair, mungkahi ko ding bantayan ng DTI ang alegasyon diumano ng hoarding ng mga private traders at kasama ng Philippine Competition Commission, magsumite ng kanilang pag-aaral at plano paano wawakasan ang mga ganitong modus operandi ng mga rice traders at middlemen.

Kaugnay ng taripakasyon ng bigas, mungkahi kong bigyan ng papel ang NEDA na siyang pangunahing ahensya na magku-konsolida ng posisyon, argumento at magbigay ng wasto at tamang impormasyon sa mga susunod na deliberasyon ng ating Komite o di kaya sa plenaryo.

At bilang kakapasa lamang natin ng Healthy Nanay at Healthy Bulilit Act (First 1000 Days) at batay sa ilang pag-aaral na ang isang porsiyentong (1%) pagtaas lamang sa presyo ng bigas ay nagdudulot ng dagdag na 0.60% sa insidente ng pagkabansot o stunting, I move Madam Chair to invite FNRI and NNC (National Nutrition Council) to provide updates on the consequence of high price on health indicators of children in families that barely have enough resources to buy the recommended food basket.

At sa panghuli Madam Chair, minumungkahi ko rin na ang DSWD ang tumugon sa pangangailangan ng mga pamilyang nagugutom sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga rice coupons o vouchers kung hindi pa rin makakatugon ang NFA sa usapin na ito.

Maraming Salamat.

News Latest News Feed