Press Release
February 21, 2018

Sen. Joel Villanueva's opening remarks during the Senate probe on deaths of OFWs in Kuwait

Pwede ho ba tayong maglaan ng ilang sandaling katahimikan para sa kababayan nating si Joanna Daniela Demafelis at para sa iba pang mga OFW na naging biktima ng pang-aabuso at pagmamaltrato.

Napanood ko ho ang mga videos kung saan inihahanda ang labi ni Joanna sa Al-Sabah Hospital sa Kuwait pauwi sa Pilipinas, hanggang sa maiuwi siya sa Iloilo at sinalubong ng kanyang mga kaanak.

Gaano po kasakit na 'yung anak, kapatid o kaibigan mong hindi mo nakita ng matagal dahil nandoon sa ibang bansa, nagtatrabaho, halos nagpapaalipin sa ibang lahi, iuuwing walang buhay, nasa loob ng kahon.

Minaltrato, pinaslang, isinilid pa sa freezer. Very brutal, very cruel po. Nakakapanginig talaga. May pangarap po yung bata, eh. Matalino. Mapagmahal sa magulang. Nakipagsapalaran lang doon sa Kuwait. Sayang po.

Nakadudurog ng puso 'yung huling FB post ni Joanna kung saan n'ya isinulat ang ganito, "Marahil ang dahilan ng katapusan� ay ang katotohanan na lahat ng bagay matibay man o hindi ay may hangganan."

Naisip ko, hindi ba't tungkulin ng estado, tayo po sa gobyerno, na 'yung mahihina, 'yung kapos sa buhay, bigyan ng oportunidad, bigyan ng tulong para bumangon, para mas gumanda ang buhay nila.

Nabigo po tayong lahat dito sa nangyari kay Joanna. Binigo po natin s'ya dahil walang sumaklolo. Kulang 'yung sistema, kulang yung programa para hindi na sana umabot sa ganito.

Ang nakakagalit po, hindi naman ito unang beses na nangyari. Paulit-ulit po itong nangyayari. Imagine, 185 deaths in just two years - 82 nung 2016 at 103 last year, 2017. Ganun karaming buhay na po ang nawala bago pa tayo umaksyon. Buhay po itong pinag-uusapan natin dito, hindi ho buhay ng daga o ipis, buhay po ng mga Pilipinong nakikipagsapalaran abroad na tinatawag nating mga bagong bayani ng ating bansa.

Bakit tuwing may bagong biktima, parang nagtatantos lang ho tayo sa papel pero wala man lang naglagay ng red flag para hindi na po sana lumala o umabot pa sa ganito?

Ngayon, andito po tayo at hindi pa huli ang lahat para dagdagan natin yung ginagawa natin para sa mga OFWs.

Ang buong Senado interesado po sa bagay na ito at gusto nating masagot ninyo punto por punto 'yung mga isyung nakapaloob sa anim na Senate Resolutions, in aid of legislation - Proposed Senate Resolution No. 626 by Senator Manny Pacquiao, No. 627 by Senator Nancy Binay, iyon pong sa atin, No. 631, No. 634 by Senator Sherwin Gatchalian, No. 636 by Senator Grace Poe, No. 638 by Senator Sonny Angara, including the Privilege Speech delivered by our colleague Senator Pacquiao last February 18.

Una, gusto po nating linawin itong total deployment ban. Ito po ba talaga ang solusyon? Of course, we support that to prove that other nationalities could not simply belittle Filipinos. Sa deka-dekadang pagseserbisyo ng mga Pinoy sa Kuwait, hindi ko po maintindihan-- ito pa po ba ang igaganti nila, wala pong utang-na-loob sa mga Pilipino.

Pangalawa, 'yun pong Memorandum of Understanding, ano na po 'yun? Bakit po ba hindi nila ito mapirmahan?

Pangatlo, gusto nating malaman kung ano ang komprehensibong plano sa ating mga kababayang umuwi na dito sa Pinas at paano sila bibigyan ng trabaho, paano ba natin sila matutulungan upang magsimula muli.

Panghuli, dapat pong may managot dito sa nangyari kay Joanna. 'Yung inaasahan nating tutulong sa kanya, 'yung mga opisyal ng OWWA sa Kuwait tila nakulong rin po sa freezer dahil sa napakalamig na pagtugon nila dito sa nangyari kay Joanna.

Hindi po ba pagkakanulo ang tawag d'yan, pagtataksil sa ating mga kababayan? Hustisya po 'yung sigaw nung mga kamag-anak ni Joanna, at 'yun din po ang gusto nating mangyari kaya nandito tayong lahat ngayon.

Sa inyo pong lahat, maraming salamat.

News Latest News Feed