Press Release
January 28, 2018

MESSAGE OF SEN. KIKO PANGILINAN,
PRESIDENT OF PARTIDO LIBERAL
TO BENEFICIARIES OF 4Ps

At the General Assembly of the
Samahan ng Nagkakaisang Pamilyang Pantawid
para sa Pagsasabatas ng Pantawid Bill (SNPP)
27 January 2018

Karangalan ko pong makasama kayo ngayong araw na ito.

Kayo po, mga beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, ang patunay na tama ang polisiya ng nakaraang administrasyon na pondohan ang programang ito.Nagagalak din tayo na pinagpapatuloy ito ng kasalukuyang administrasyon.

Lahat tayo ay nangangarap ng isang marangal at komportableng buhay.

Pero para sa marami nating kababayan, pangarap lang itong karapatang ito.

Alam natin na hindi tamad ang Pilipino. Araw-araw nakikita natin yan. Sa mga bukid, sa mga factory, maging sa mga kalye. At kaya nga Pilipino ang pinipili ng mga employers abroad, dahilhindi lang tayo masipag, madiskarte pa tayo. Yung mga hindi na kaya o ayaw nang gawin ng iba, tayo kinakaya pa natin.

At mayaman din ang Pilipinas -- sa mina, sa gas, sa tubig, sa pananim, sa karagatan. Kaya rin tayo gusto ng mga dayuhan, halimbawa, ng US, ng China.

Masipag at madiskarte tayo. Mayaman din ang bayan natin. So bakit marami pa rin sa ating mga kababayan ang mahirap?

Merong nagsasabing nasa ating sistemang pulitikal ang problema. Kaya itong mga nakaraang buwan at araw, madalas nating marinig ang mga usapin tungkol sa Charter change o Cha-cha, no elections o no-el, at federalism. Sinasabi ng iba na ito ang magic wand na tatapos sa mabibigat na suliranin ng bayan na kahirapan at di-pagkapantay-pantay. May mga mungkahing palitan ang sistemang pulitikal na nakasaad sa ating Saligang-Batas.

Tayo po ang chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments, at tinatalakay na namin ang mga panukalang baguhin ang Saligang-Batas. Habang dinidinig natin ito, gusto pa nating malaman ang mga mungkahi at pag-aaral ng iba.

At sinisiguro po nating pakikinggan hindi lang ang mga politiko at eksperto sa Konstitusyon, kundi pati mga kinatawan ng mga batayang sektor ng lipunan. Inaanyayahan po namin kayong makilahok sa mga pandinig natin sa Senado tungkol dito.

Gusto nating malaman: Ano'ng buti ang idudulot ng Cha-cha sa mahihirap ng Pilipino? Magdadala ba ito ng masaganang hapag-kainan para sa lahat? Trabahong may tamang pasahod at seguridad? De-kalidad na edukasyon sa ating mga anak? Pagpapagamot sa mga maysakit? Matitigil ba nito ang pangungurakot? Nasa sistema ba ng gobyerno ang problema? O sa mga nagpapalakad ng gobyerno?Ano ang mangyayari sa 4Ps sa mga probinsyang mahihirap at hindi kayang sagutin ang gastos para rito?

Kasama sa mga tanong na gusto nating sagutin sa mga hearing ay: Kailangan ba talaga ng Cha-cha para matapos ang kahirapan at di-pagkapantay-pantay sa Pilipinas?

Ang 4Ps ay isang programa na naglalayong maiangat o maitawid ang pinakamahihirap sa atin. Alam niyo na paano ito pinapagana: may cash transfer, sa kondisyong papaaralin at ipapa-checkup ang mga batang anak, atmag-a-attend ng family development sessions.

Alam nating may pwede pang i-iprove ang programa at umaasa tayong patuloy na sasagutin ng DSWD ang mga reklamo rito: nawawalang pangalan, walang pera sa mga cards, at iba pang mga problema. Dapat magkaroon ng regular na assessment para malaman di lang kung ano ang epekto nito sa mga beneficiaries para mas maging epektibo, pero para malaman din ang epekto nito sa pangkalahatang lipunan.

Alam din nating hindi sapat ang 4Ps. Ano ang iba pang mga programang kailangang ipatupad para tuluyan nang wakasan ang kahirapan at di-pagkapantay-pantay sa Pilipinas?

Kung ang mamamayan ay may karapatang mabuhay nang marangal o may dignidad, trabaho ng gobyerno ang tuparin ang karapatang ito. Dyan nanggagaling ang katagang 'Kayo ang boss'.

Bukod sa 4Ps, na nagtatawid lang mula sa lubos na mahirap tungo sa di masyadong mahirap, kailangan ng iba pang mga programang magbibigay ng oportunidad sa LAHAT.

Dahil karapatan ang mabuting buhay, para sa lahat ito.

Kailangang sagutin din ng gobyerno ang tungkulin nitong ipatupad ang karapatan ng LAHAT na magkaroon ng maayos na trabaho.

Sa kabila ng tumataas na presyo ng bigas, gas, at iba pang bilihin, marami sa ating kapwa Pilipino ang hindi sapat ang kinikita, walang seguridad sa trabaho, at walang sapat na proteksyon kapag tayo ay tumanda na (na pagdaraanan nating lahat), at kung minsang magkasakit o kaya ay maaksidente.

Binabati po nating muli ang 4Ps beneficiaries.Alam ko pong mahalaga sa inyo ang tulong ng pamahalaan, at ginagamit niyo ito upang pilit na makaahon at tuparin ang sariling niyong pangarap na masaganang buhay na may dignidad para sa inyong pamilya at pamayanan.

Sama-sama nating ipaglaban ang pagkakaroon ng pamahalaangtutupad satungkuling matamasa ang pangangailangan ng LAHAT. LAHAT, hindi lang ng pinakamahihirap, kundi pati na rin ng mahirap at medyo mahirap. Sama-sama nating bigyang lakas ng loob ang isa't isa sa labang ito.

News Latest News Feed