Press Release
December 11, 2017

MENSAHE UKOL SA MGA PAGPATAY SA HUMAN RIGHTS DEFENDERS SA REHIMENG DUTERTE

Libo-libong pinaslang at pinalabas na nanlaban. Mahigit-kumulang 60 kabataang pinatay nang walang kalaban-laban.

Ngayon naman, sina Fr. Marcelito "Tito" Paez, Pastor Lovelito Quiñones at Elisa Badayos. Mga kilala sa pagtulong sa mga biktima ng pang-aabuso sa karapatang pantao. Pinaslang ng di pa nakikilalang mga mamamatay-tao.

Wala nang sinasanto ang berdugong rehimeng Duterte. Kabataan, kababaihan, nakatatanda man o alagad ng simbahan. Hindi pa nakuntento sa pagpatay sa mga walang boses sa lipunan--mahihirap at mga naisasantabi--target ngayon ng gobyernong ito na patahimikin ang mga tumitindig at nakikipaglaban para sa karapatang pantao.

Sa puntong ito, kung saan nadadagdagan pa ang libo-libo nang pinatay ng War on Drugs ni Duterte, at nabubunyag na ang malinaw nilang balak na mapalawak pa ang kapangyarihan, hindi ko lubos maisip kung paanong naaatim ng marami na magsawalang-kibo, lalo na ang mga pinunong hinalal para isulong ang kapakanan ng mga Pilipino.

Ito na ang pagbabagong hatid ni Duterte. Pagbabagong pumapatay sa mahihirap at kumikitil sa karapatang pantao.

This government cannot profess to respect human rights when they are, in fact, behind the countless human rights violations, harassment, and rampant killings in the country.

Sa huli, wala na rin tayong ibang masisisi kundi ang ating mga sarili kung patuloy tayong magbibingi-bingihan sa mga sumisigaw ng hustisya, at mananatili tayong tikom ang bibig sa pang-aapi, sa mga pag-abuso, at pagpapatahimik sa mga lumalaban para sa ating mga karapatan.

Sa harap ng mga ulat ng pagpatay sa mga human rights defenders at sa panggigipit ng mapaniil na rehimeng Duterte, marapat na magsagawa ang Commission on Human Rights, Senado at iba pang ahensya ng agaran at patas na imbestigasyon tungo sa epektibong pag-uusig at pagpapanagot sa mga may kasalanan.

LEILA M. DE LIMA

Custodial Center, Camp Crame
11 Disyembre 2017

News Latest News Feed