Press Release
November 19, 2017

Transcript of DZBB interview with Senate Minority Leader Franklin M. Drilon

Q: Doon sa pagtalakay sa budget ng PDEA, lumitaw po na marami pa palang naka-stocked na droga, hindi po ba dapat sinusunog ito?

SFMD: Tama po iyan. Yung provision na iyan, ako ang naglagay niyan sa Comprehensive Dangerous Drug Act. Iyan ay dahilan sa aking karanasan noong ako'y secretary of justice, dahilan sa kapag may nahuhuli ang mga pulis noon na contraband o shabu, pagdating sa husgado ay magkaiba yung report kung magkano ang nahuli at yung ipiniprisinta. At kapag tinanong mo, ang sinasabi ay kinain ng daga. Alam mo, noon ang madalas mong marinig ay nare-recycle ang mga contraband na nakukumpiska. Kung inyong maalala, mayroong insidente noon sa Magallanes kung saan may nabaril na miyembro ng armed forces, ang tsismis noon ay iyan ay dahil sa recycling ng droga. Kaya inilagay natin ito sa batas. Ang sinasabi sa batas ay kapag may nahuling contraband, iyon ay titimbangin, kukunin ang sample in the presence of the accuse, at dapat sunugin within 24 hours. Mukhang hindi nasusunod ito. Nagulat kami. Unang-una, bakit may hawak pa ang NBI ng shabu? Dapat po ito ay ibinibigay sa PDEA dahilan po iyan ang nasa batas. Pangalawa, within 24 hours dapat sunugin ito with the permission of the court. Kaya lang ang sinasabi nila, eh pending pa ang kanilang mga motion sa husgado at hindi pa inaaktuhan. Kaya hinihingi po natin - taun-taon po -na ibigay sa ating ang pending motions sa husgado at ipapatawag naming ang court administrator para tanungin kung bakit ganito na hindi inaaksyunan ang mga petition para sunugin itong contraband.

Q: Nabanggit n'yo po, yung sa NBI meron pang drugs. Ito po yung nakumpiska noon sa Valenzuela.

SFMD: Tama po iyan. Mayroon daw 500 kilos ng shabu.

Q: Ang total daw po na nasa NBI ay 549 kilos, sa PNP may 94.6 kilos.

SFMD: Tama po.

Q: Ibig sabihin, dapat walang iniingatan ang NBI at ang pulis, dapat lahat nasa PDEA?

SFMD: Tama po iyan. Importante ito dahilan sa yung chain of custody ay kailangan matindi ang kanilang...Kapag ikaw ay nasa depensa, usually ang inaatake ng mga abugado ay yung chain of custody. Sino ang humawak ng contraband na ito? Baka nabawasan, baka nag-iba na, etc. Kaya importante po at nasa batas na ang dapat humawak ay ang PDEA. Kaya hindi ko malaman bakit hanggang ngayon, bakit hawak ng NBi itong contraband. Isa po iyan sa mga issues na lumabas nang aming iniimbestigahan itong smuggling ng 604 kilos ng shabu sa customs.

Q: Hanggang ngayon sir hindi pa talaga na-turn over.

SFMD: Hindi bale. Sa susunod na pagkakataon, sa komite ni Sen. Lacson, sigurado ako na talagang ipipilit natin iyan kung bakit hindi pa na-turn over sa PDEA.

Q: Yung hindi pa po sinusunog, ang katwiran palagi ng PDEA ay wala pang inuutos na ocular ang korte kaya hindi masunog. Nagpa-follow up naman daw po sila sa SC para utusan na sila na mag-inspection. Nasaan po ang problema?

SFMD: Alamin muna natin kung talagang ang PDEA ay mayroong motion for destruction of these contrabands. Kung talaga bang hiningi nila ang motion, iyon ang umpisa. Kung meron, may pananagutan ang huwes kung saan pending ito kung bakit hindi inaaksyunan.

Q: Pwede rin bang magtanong ang senado sa SC kung ano ang ginagawa o pwede nilang utusan ang judges?

SFMD: Opo. Ito po ay valid na inquiry o pagtatanong, sakop ng aming kapangyarihan na suriin ang implementasyon ng isang batas.

Q: Mayroon kayong proposal na yung budget for tokhang na ibigay na lang sa housing project para sa mga pulis

SFMD: Tama po iyan. Dahilan sa sang-ayon doon sa order ng pangulo, yung PDEA na yung lead agency at dapat humawak sa kampayan laban sa droga. Sang-ayon sa batas, tama naman iyon. May nakalagay sa budget na P1.4 billion sa PNP at DILG para sa illegal drug campaign na binuo noong ang anti-illegal drug campaign ay nasa kamay pa ng PNP. Ngayon na wala na, karapat-dapat lamang na ilagay - hindi natin aalisin, mananatili sa PNP - pero dapat gamitin para sa pabahay ng ating mga kapulisan. Lumabas naman doon sa hearing, ilan ang kailangan pabahay sa kapulisan? 10,500. llan ang nakalaan sa budget? 450 housing units. Ang sabi ko nga, ilang taon bago matapos ito at ang sabi ay 20 years. Huwag nating sayangin ang pagkakataon ito at ibigay natin ito para sa housing units ng ating police force.

Q: Kahit wala naman iyang double barrel at masa-masid budget, part pa rin ng kapulisan ang lumaban sa droga?

SFMD: Tama po iyan. Dahilan sa talagang kampanya daw, tama ang sinasabi mona kahit walang pondo ay kasama sa kanilang tungkulin ang sugpusin ang illegal na droga.

Q: Yung pondo po kasi, particular sa anti-drug campaign, ang sabi ni presidente kahapon kapag lumala yung problema sa illegal na droga, pwedeng ibalik sa PNP. Paano kapag binalik sa PNP, maghahanap na naman ng budget?

SFMD: There's a lot of leeway in the budget. Yung ganyang mga bagay. Yung contingent fund, iyon naman ang ginagamit nila. Unang-una, sana huwag nang ibalik sa PNP. Ang batas ay maliwanang naman na ang pagsugpo sa droga ay nasa PDEA. Ngayon kung sumali na naman ang PNP, mayroon namang pagkukunan ng pondo kung kinakailangan.

Q: Sir, bakit nasabi n'yo na huwag naman sana ibalik sa PNP?

SFMD: Dahilan naman sa ating nababasa sa pahayagan, at inaamin naman na mahigit na 6,000 o 7,000 ang namatay sa kampanya laban sa illegal na droga nang hinahawakan ng pulisya.

Q: Baka may patayan na naman...

SFMD: Yung mga kabataan na namamatay - si Karl Arnaiz - huwag naman sanang maulit.

Q: Yun pong proposal na ilipat yung panukalang budget, iyan po ay ipa-finalize pa?

SFMD: Tama po iyan. Sa Lunes ay ipo-propose natin sa period of amendments. Talking about that, dito ay magiging transparent ang senado. Yung mga amendment ay pag-uusapan in open session. Hindi katulad dati na ang amendment ay pinag-uusapan lang sa loob ng komite at ipiprisinta sa floor. Ngayon po ay ipiprisinta sa floor at aming pag-uusapan item-for-item para sa transparency at para sa pagbabago ng budget.

Q: Ganon din po diyan yung kung paano popondohan yung free tuition law?

SFMD: Tama po iyan. Lahat iyan.

Q: Maigi yun Sir para hindi na nagkakadudahan dahilan sa yung paglipat-lipat ng pondo, sasabihin iyon ay pork barrel.

SFMD: Taman po iyan. Lahat ng paglipat ng pondo at in open session at iyon ay pagdedebatehan.

Q: Hindi naman po kayo magtatagal niyan sir?

SFMD: Sa palagay ko hindi naman, kung tama naman yung paglipat, walang magiging problema.

Q: Ngayon pa lang ay pinag-iisipan na po - dahilan sa assessment ng military - na i-extend ang martial law sa Mindanao?

SFMD: Iprisinta nila ang kanilang hinihingi. Sa Saligang Batas ay dapat ay hilingin nila formally sa kongreso at ang kongreso ang may kapangyarihan na i-extend iyan. Let us decide on the basis of the evidence presented dahilan ang sabi nila, tapos na ang problema doon tapos ngayon ay i-extend na naman. Hihingin natin kung ano ang kanilang basehan bakit papahabain na naman itong martial law.

Q: Yung martial law na ini-extend ng Congress ay hanggang December 31? So dapat before December 31, dapat may marinig na kayong assessment?

SFMD: Tama po iyan. Kung before December 31, kung hihilingin nila na i-extend, dapat humingi formally ng authority sa kongreso na i-extend.

Q: Saka Sir yung basis kung may rebellion o invasion.

SFMD: Tama iyan. Iyan naman ang basehan noong nakaraan at iyon ang nakalagay sa Saligang Batas.

Q: Ang sabi kasi ni Sec. Andanar, the proposal to extend martial law is deemed accepted.

SFMD: Palagay ko naman, deemed accepted by the President. Hindi naman siguro gagawin ng pangulo na i-extend sa sarili lang niya, on his own account. Alam ng pangulo ang ating saligang batas, na ang mag-authorize sa extension ay ang kongreso.

Q: Kailangan lang mayroon silang report at pagtitiwalaan naman?

SFMD: There is a presumption of regularity. Tingnan natin. Let us not come to any conclusion hangga't makita natin yung report.

Q: Ano pa raw po ang inyong mga reservation doon sa tax reform bill?

SFMD: Ating titinginan muna kung ano yung mga amendment na isasalang ng komite at ng ating mga kasamahan before we conclude. As of now, interpellation pa lang ang natapos. Maraming mga tanong doon sa version ng komite. Pakinggan natin kung ano ang pagpapasyahan ng komite doon sa proposed amendments pagdating ng panahon.

Q: At this point, yung minority hindi natin masasabi kung kayo ay ready to vote for or against it?

SFMD: Tama po iyan. Hindi pa natin nakikita in what form the train will be, kung ano po ang kabuuan nito.

Q: With that Sir, maraming salamat po sa inyong oras.

News Latest News Feed