Press Release
November 17, 2017

Grace Poe's Interview Transcript
With dzMM's Johnson Manabat

JOHNSON MANABAT: Nasa linya na po natin si Sen. Grace Poe and chairman ng Senate Committee on Public Information and Mass Media. Madam Senator, magandang umaga ho sa inyo. Si Johnson po ito sa programa ni Kabayan. Good morning po.

SEN. GRACE POE: Hi, magandang umaga, Johnson at sa lahat ng nakikinig, magandang umaga po.

MANABAT: Noong una pa man ay tutok na kayo doon sa serbisyo ng MRT pero napapadalas ho ang aberya. Kayo ho ba ay mayroon nang initial talks after ho noong nangyaring aberya kahapon na kumalas ang bagon sa kapwa bagon. May talks na ho ba kayo with DOTr officials?

POE: Alam mo Johnson, hindi sa pag-uusap namin ano, ang mensahe na ipinadala namin sa DOTr--siguro naman ay narinig nila yung mga sinabi namin--noong huli kasi kaming nagkita sa doon budget hearing ay tinanong namin sila. Itong MRT ba ay ligtas; ang LRT, ang ating mga pampublikong sasakyan katulad niyan; at ang sabi naman nila ay, well medyo napaisip sila sa mga sagot nila, oo daw--ligtas. Pero makikita mo na hindi rin ganoon kabuo ang loob sa kanilang pagsagot. Gayunpaman ay hiniling natin ang kanilang assurance na ito ay okay. Kaya lang nakikita naman natin sa araw-araw na yata ay may aberya na nangyayari. May isa ngang naaksidente na indibidwal mabuti na lang ay mayroong isang samaritano doon na nagmagandangloob na tulungan siya. Pero yung talagang nakababahala ay iyong paghihiwalay ng mga bagon kasi hindi basta-bastang nangyayari iyan, Johnson. Kaya nga ako ay nakabitaw ng salita kahapon at sinabi ko, alam ninyo kailangan talagang magdesisyon kayo, alam kong marami talaga sa ating mapeperwisyo dito pero mas mahalaga na ligtas ang ating mga kababayan kung kailangan ninyo talagang inspeksyunin at busisiin ang kaligtasan nito. Kasi alam mo Johnson, sa mga kakilala natin, marami talagang sumasakay diyan sa MRT. Sinasabi nila sa akin, talaga namang tinatanong nila na ligtas ba talaga yan kasi tuwing sumasakay sila ang kanilang nararamdaman ay sinusugal nila yung kanilang kaligtasan. Pero minsan 'di ba pinapasok mo nalang yan dahil yun na yung pinaka-kumbinyente; sa lagay na yun, yun na yung pinakamabilis na maaaring sakyan papunta sa trabaho.

MANABAT: Kahapon po yata madam senator ay nagpa-presscon pa ang mga opisyal ng MRT at ganun din yung kanilang statement na bagama't may aberya ay safe pa rin daw na sumakay at bumiyahe ng MRT. Papaano ho ba yun?

POE: Yun na nga. Yun ang sinasabi nilang safe. Kaya nga sabi ko syempre sila yung tagapamahala talaga diyan. Ang masasabi ko lang ay responsibilidad ninyo talaga yan at dapat niyong akuin kung sakaling may mangyari kasi ilang beses na nga kayong tinanong at saka alam mo Johnson bagama't ang ginagawa nila ay itinitigil nila ang pagpapatakbo ng ilang tren at chinecheck nila, hindi lang naman ang mga tren ang problema, yung mismong mga riles din di ba. Dapat masiguro natin na talagang kaya pa nito ang bigat ng mga pasahero sapagkat sa ngayon pa lang nga limandaang libo na-- nandoon na tayo halos sa maximum ng dami ng taong pwedeng sumakay diyan.

MANABAT: Opo.

POE: Kung sa umaga mo iinspeksyunin, halimbawa, doon mo makikita minsan pa sa umaga yung mga hairline cracks; hindi naman ako eksperto pero ito'y common sense lamang. So siguro para hindi naman talaga--lalo na ngayon magpapasko--kung kinakailangan na tuwing Linggo sisiguraduhin nila talaga na diyan nila i-checheck ang mga bagay na hindi nila ma-check kapag nagpapatakbo, baka naman gumawa talaga sila ng schedule. Pero hanggang ngayon--

MANABAT: Eto daw ho Senator binago yung schedule ng MRT medyo tanghali nang bibiyahe. 5:30 instead na mas maaga, dati yata ay nasa 4:30 tapos mas maaga yung last trip sa gabi at ilalaan daw ho yung oras for their maintenance.

POE: Kaya nga, ginawa nga, sinabi nga nila yun. So ang ibig sabihin nito paunti-unti ring nababawasan yung dami ng masasakyan at saka yung oras na masasakyan. Kung gagawin nila halimbawa ng ilang araw na talagang yung buong araw na yun i-checheck nila kasi ang 5:30 (ng umaga) wala pang araw yan, halos medyo madilim pa rin yan tapos ilang beses na rin kaming nakapag-hearing sa kanila; siguro mga May pa lang actually mga January pa lang nitong taon na ito nangangako na sila na pagdating ng December ay madadagdagan na nila yung mga bagon at yung mga tren na mga galing China kaya mas magiging mas madalas na ang pagbyahe pero ang nangyayari ngayon mas nababawasan pa ang pagbyahe, kaya nga lahat ng ipinangako ng DOTr ay talagang napako pagdating dito sa serbisyo ng MRT.

Nandun na ko, kinampihan ko na sila na dapat tanggalin ang maintenance provider na pinili ng nakaraang administrasyon--yung BURI. Pero nang tinanggal na nila yun, ano na ang ginawa nila? So meron na silang temporary na gumagawa ng maintenance, pero yung consultants na dapat ipasok nila--yung mga eksperto, ano ba naman na ilabas na nila yung emergency funds nila para yung mga eksperto na yan mag-umpisa na ng kanilang assessment at trabaho. Hanggang ngayon wala pa rin tayong maayos na salita na ano bang gagawin sa mga tren na yan galing China, itatapon na ba natin yan? Sabi ko nga huwag nating ipipilit ang isang bagay na hindi talaga sang-ayon sa mga riles natin; baka mamaya mas lalo tayong magkaroon tayo ng problema; sinasabi nila aayusin nila pero alam mo hanggang ngayon puro napapako yung kanilang mga pangako.

MANABAT: Madam Senator yung ho bang budget na inaprubahan for the operations of MRT gaano ho ba ang inabot, kasama na ho ba doon yung magiging gastos sa maintenance ng MRT3? Gaano kalaki?

POE: Malaki, alam mo hindi pa naaaprubahan ng diretso dito sa Senado kasi bago ko muna i-release, next week kasi yung final approval ng aming budget. Basta kasama doon lahat ng hiningi nila para dito sa maintenance ng train at kung ano pang mga kailangan nila para masiguro ang kaligtasan ng ating mga kababayan. Pero marami rin silang mga budget from last year na hindi nila nagasta. Kung hindi ako nagkakamali itong DOTr parang lagpas 60 percent yata ng pera na inilaan para sa kanila ay hindi naman nila nagasta. Napakabagal ng proseso talaga, maaaring masisi natin sa ating proseso mismo, pero kung yung sinasabi nga na ang mga tagapamuno ay may political will pwede nilang sabihin kahit sa COA alam mo emergency na talaga ito dahil kailangan na nating kunin yung mga eksperto na mga engineers at yung mga kumpanya na maaaring magbigay ng mabilis na solusyon sa ating problema.

MANABAT: So tama ho bang sabihin na nagdedelikado ang budget ng DOTr for MRT operations dahil sa magkakasunod na aberyang ito. Paano i-jujustify ho yung hinihinging budget or talagang mas kailangan ng budget dahil nga ho sa aberyang ito?

POE: Basta ganito Johnson, hindi naman natin gigipitin ang budget dahil ayaw natin silang bigyan ng dahilan na hindi sila makakakilos sa kanilang trabaho. Andiyan ang pera, ibibigay sa inyo ang pera, gastusin ninyo ng tama sa lalong mabilis na panahon. Wag kayong makukuntento sa pagsisisi lang sa nakaraang administrasyon. Kailangan na rin na patunayan din ninyo ang inyong sarili sapagkat lagpas na rin kayo ng isang taon diyan at wala pa kaming nakikitang kongkretong mga hakbang. Alam mo ako'y nakikisimpatya, alam ko si USec. Chavez talagang masipag yan pagdating dito nga sa eksplanasyon na nangyayari sa MRT pero nag-iisa lamang siya. Siguro dapat din si Secretary Tugade, itulak na rin yung ibang kasamahan niya na talagang kumilos-kilos na.

MANABAT: Oo. Meron ho ba madam Senator na scheduled next hearing para sa budget ng DOTr?

POE: Wala na kasi by next week--

MANABAT: For approval na?

POE: Amendments na so kung may isang senador na talagang magmamatigas na tatanungin kung kailangan ba talaga nila yun. Pero sa tingin ko lahat kami sa Senado ay sang-ayon ang boses na dapat talaga ay gastusin nila ang pera na ibinigay sa kanila para maayos ang serbisyo nila.

MANABAT: Meron ho ba kayong plano na kausapin or ipatawag pa sa Senado yung mga opisyal ng DOTr or ng MRT para pagpalinawagin?

POE: Alam mo puro paliwanag sila pero pagdating sa kanilang paliwanag at sa kanilang pagkilos hindi nagkakatugma; kaya nga ang ginagawa na lang namin madalas ngayon ay padalan sila ng liham o mensahe na ipadala ninyo sa amin ang report para kami na mismo--kasi Johnson ganito, naka-schedule sa Senado ngayon yung mga priority measures ng administrasyon, unang-una nga dyan yung sinasabi nilang TRAIN yung tax measure, tapos yung budget nga na dapat ma-aprubahan. Iilan na lang ang session days na natitira nitong darating na Disyembre so halos isang buwan na lang 'di ba? So sabi ko, mayroon kasi kami talagang hearing, hindi lamang sa pag-aassess ng performance dito sa MRT at LRT pero doon din sa mga kailangang patawan ng kaso lalung-lalo na, sa tingin ko, yung mga may kapabayaan dito dahil--alam mo Johnson...ito ay para sa accountability. Ang nangyari talaga sa pamamahala ng MRT ay napakahabang proseso ng kapalpakan dahil nga nakakalusot yung mga taong hindi maganda ang ginawa sa taumbayan. Dapat managot sila. May hearing talaga doon at sabi ko nga, hindi lamang ito--ako kasi ay chairman ng public services ha hindi sa public information, public services and franchises--sabi ko yung hearing na ito hindi lamang sa committee ko sa public services kundi dapat kasama na ang blue ribbon. Para sa kaalaman ng ating mga kababayan, kapag blue ribbon, ibig sabihin ang mismong mga namumuno o mga namuno ang dapat imbestigahan dahil sila ang talagang nagkamali o sinadyang magkamali sa kanilang desisyon.

MANABAT: So magkakaroon po ng hiwalay pang Senate investigation sa aberya ng MRT o hindi na kailangan?

POE: Alam mo Johnson, kung kailangan, kailangan talaga silang tutukan at bantayan. Pero ang solusyon ay hindi sa pagtatawag ng hearing palagi. Sabi ko nga, hinihiling lang natin sa kanila yung mga partikular; dahil alam mo kahit nakikita natin may mali, sila ang may ekspekto dyan na gumawa--hindi naman kami, sa Senado, mga engineers. Ang nakikita nating problema diyan sa MRT ay talagang kailangang ayusin nila. Hindi sa pagdadaldal nila, bobolahin na naman nila tayo na sasabihin nila 'ganito ganyan.' Kami naman ginagawa lang namin yung trabaho namin na pinapaalala natin sa kanila at ibinibigay natin ang mga pangangailangan nila sa pamamagitan ng budget. Pero pagdating sa implementasyon, sila na yun. Kaya Johnson, kung magkakaroon man ng Senate hearing, ayokong sabihin nila 'e kasi puro kami attend sa Senate hearing kaya hindi namin nagagawa yung trabaho namin.' Kaya ang ginagawa namin ngayon, sinasabi namin sa kanila na ayusin niyo na yan dahil 'pag nag-eksplika kayo next year kung ano na yung nagawa ninyo, kailangang detalyado ang inyong report na talagang ginasta ninyo ang pera at kumilos kayo na kumuha ng eksperto para ayusin yan. Sa ating mga kababayan, maraming nagrereklamo puro Senate hearings 'di ba, pero hindi natin malalaman ang kapalpakan nila kung wala yan. Pero sa ngayon ang emergency talaga ay ayusin nila ang MRT.

MANABAT: Doon po Madam senator sa idea na itigil muna ang operasyon ng MRT dahil nga ho baka mas mauwi pa sa mas malaking aberya, papaano po naman ang contingency plan sa mga pasaherong maaapektuhan?

POE: Yun nga yung isa pa na dapat sabihin natin, yun ang sinabi ko sa DOTr doon nga sa aking interview, sabi ko kailangan niyong pag-isipan kung ititigil ninyo dahil kailangan para sa kaligtasan ng ating mga kababayan. Dadamihan ba ninyo yung point-to-point buses? Siguro naman kaya naman ng gobyerno na may mas malaking discount, kung hindi man libre ang transportasyon para doon sa araw na yun para dun sa mga na-aberya. Pangalawa, gaano katagal ang kailangan ninyo para mabusisi ninyo yung mga pangangailangan; at siyempre pangatlo, anong ginagawa ninyo dun sa train na in-order ninyo galing sa China na sinabi ninyo ay gagawan ninyo ng paraan para ito ay mapatakbo. Kasi sabi ko nga alam mo kung kailangan na aminin na natin na hindi natin magagamit, aminin na natin, huwag nating isugal ang kaligtasan ng ating mga kababayan para ipilit ang isang bagay na hindi naman kasya sa ating mga riles.

MANABAT: Sige ho madam Senator, pansamantala papaano ho yan hihingi nalang muna uli ng sorry ang DOTr siguro sa publiko hanggang hindi naaayos yung problema?

POE: Oo at saka alam mo bantayan nila, meron silang binanggit na baka sinabotahe yung paghihiwalay ng bagon ng tren na yun. Sabihin na nating nagdadahilan ba sila pero let's not overlook it. Ibig sabihin bantayan nilang mabuti kasi alam mo madami din silang nakaaway diyan sa pagpapalit ng maintenance provider 'di ba? Wala tayong sinasabing ganoon ang nangyari, pero sabi nga nila mayroon yang (mechanical) component, mayroon ding isang electric, mayroong security lock na bago maghiwalay ang mga bagon na iyan hindi basta-bastang nangyayari yan.

MANABAT: Oo. Tapos ho yung parang pinaka-black box ho nung MRT ay nawawala pa raw po pala ngayon?

POE: Kaya nga. So unang-una dapat yung seguridad ng mga controls na yan ay maayos. Pangalawa maglagay sila ng, kasinggagaling ng mga doktor na naka-standby diyan. Buti na nga lang may isang doktor na talagang nagmagandangloob para tumulong doon sa ating biktima; pero talagang dapat bantayan nila iyan dahil ang dami nga nilang nakakaaway na diyan dahil nga ang daming kinailangang paalisin dahil hindi ginagawa ang trabaho.

MANABAT: Panghuli na lang po, yung budget for MRT next year ay malalaman natin kung aprubado o hindi?

POE: By next week po aprubado naman siguro yun. Wala naman yatang problema dyan. Ang problema ay hindi nila alam kung papaano gastusin ang pera na yan na mabilis at maayos.

MANABAT: Mas malaki ho ba ang hinihingi nilang budget for this year? Or compared sa--

POE: Malaki. Alam mo Johnson, mahirap kasing magkamali ako. Hindi ko memorize kung magkano pa yung detalye ng budget. Pero definitely mas mataas ang budget nila dahil nga yung doon sa proyekto ng ating pangulo na Build, Build, Build--pero yun nga puro pangako pa lang yung sinasabi ng DOTr pero hindi pa rin nila na-dedeliver. Alam mo sabi ko nga kung mangarap ka at magising ka bigla; alam mo yung nakaraan ilang taon nasayang; wag naman nilang sayangin ang natitirang taon kahit na sabihin nating 4 and a half years o 5 years pa ang natitira, mabilis nalang yan kung iisipin natin na hindi tayo kikilos kaagad.

MANABAT: Sige ho Madam Senator maraming salamat po at sana po ay marinig o talagang makakuha tayo ng tunay na paliwanag mula po sa pamunuan ng DOTr at MRT3. Thank you po.

POE: Maraming salamat at magandang umaga.

News Latest News Feed