Press Release
August 21, 2017

Sen. Bam on Ninoy Aquino and killing of Kian
(Transcript of media interview)

Q: Kanina narinig kita sa speech mo, tuloy ang laban, are you saying na it's time again, you know what...

Sen. Bam: Iyong pagkamatay kasi ni Tito Ninoy noong panahon in the 80s, tahimik pa ang tao. May mga agam-agam na pero talagang nagising lang noong namatay siya. Iyong mga pinaglaban niya - katiwalian, korupsyon, abuse of power - sa totoo lang naririyan pa rin ngayon. Palagay ko mahalaga sa mga kababayan na maalala natin na may mga taong lumaban at namatay para kontrahin ang mga ito. Baka tayo rin, puwede na tayong magising at lumaban sa katilwalian, lumaban sa abuse of power. Ngayong 34th anniversary, ibang iba rin ang significance ngayong taon compared to previous years.

Q: Sa palagay mo unti-unti ba nagigising, and we this case ng bata?

Sen. Bam: Noong nalaman ko iyan noong isang araw, isa tayo sa mga nauna at nagsabi na kailangang mag-investigate ang Senado. Iba iyong dating nito. Noong nakita mo ang CCTV, noong nakita mo dinadala ang bata sa sulok para patayin, iyong bata nagmamakaawa para sa kanyang buhay, pero pinatay pa rin. Iba talaga ang dating niya sa akin at sa maraming tao.

Ngayon lang nagsasalita ang mga dating tahimik na nagsasabi na mali iyan. Kung lalaban tayo sa droga, hindi iyan ang paraan. Siguro itong pag-asa natin sa karahasan bilang solusyon sa mga problema natin, kailangan natin baguhin. Isa itong bagay na palagay ko, lumalim ang significance dahil sa pangyayari sa ating bayan the last couple of days.

Sana marami pang tao ang magsabi na ibahin natin ang paraan, huwag lang karahasan ang ating aasahan kasi wala tayong mararating sa karahasan. At the end of the day, ang mangyayari niyan, maraming patay na Pilipino, maraming mga pamilyang nasisira at iyong mga bata na maaari pang mareporma, bangkay ang katapusan.

Ngayong 34th anniversary ni Ninoy, iba talaga ang dating. Kahit iyong mga tao dito, marami sa kanila lumaban 30 years ago, siguro pakiramdam nila medyo nakakapagod na rin. Si Tito Ninoy, sabi niya iyong katapangan ay iyong na-a-appreciate ng taumbayan kaya isa sa puwede nating matutuhan sa kanyang buhay, kahit unpopular, kahit babatikusin ka, sa mga panahon na may tama at mali, kailangang manindigan ka.

Q: Kanina may indignation rally doon sa nangyari kay Kian, trigger ba ito sa palagay mo and do you think it would succeed considering the President enjoy 80 percent rating?

Sen. Bam: Iyong mamaya naman is an expression, kumbaga hinaing iyan ng tao sa nangyari at hindi na dapat ito maipagpatuloy. Kami rin sa Senado, nagkaisa ang minority at majority na magkaroon ng imbestigasyon. Kailangan natin pagbabago at reporma sa pagsasagawa ng giyera kontra droga, na hindi puwedeng puro karahasan na lang ang nangyayari sa ating bansa, na pinapatay iyong mga tao na wala namang proseso, na labag naman sa batas, iyon ang kailangang magbago.

Sana marinig din ng gobyerno natin na mayroong genuine na pakiramdam ang taumbayan na hindi na ito dapat ipagpatuloy. Naghi-hearing kami sa Customs, bilyun-bilyong droga ang pumapasok, tone-tonelada ang pumapasok, lahat sila may due process. Itong mga tao sa kaloob-looban ng ating mga siyudad, wala na pong due process na nakikita at pinapatay na lang sila, parang hindi po consistent at merong hindi tama. Siguro, lahat ng pakiramdam ng mga tao ngayon na mas naging totoo at mas naging buo dahil sa nakita nila kay Kian, nagsasabi na mayroong inconsistency, mayroon talagang mali na nakikita ang taumbayan at dapat matigil na ito.

Q: Noong 80s, pinayagan ang mga tao na ganun ang sitwasyon, nagising, nagka-People Power. Ngayon, nandoon na ba sa ganung level, palagay mo, it is a simmering....

Sen. Bam: Hindi ko alam. Ako nakikiisa lang ako sa tao doon sa lungkot, doon sa galit, doon sa inis, doon sa pagsuklam sa nangyaring ito. Hindi ko alam kung ano ang kahihinatnan nito. Pero ang alam ko, marami sa atin ang nagsasabi na hindi ito tama at hindi na ito dapat ipagpatuloy. Bago natin lagyan ng kung ano iyong plano, ano ang dapat mangyari, let's just appreciate na mayroong pakiramdam ang tao, na may nangyari sa ating bayan na hindi dapat mangyari. Kahit iyon pa lang, isa nang bagay na maraming tao ang pakiramdam iyan. Hindi tayo nag-iisa sa pakiramdam na iyan. Maybe today, iyong mga activities para kay Kian, isa iyang paglabas ng ganung klaseng hinaing and we should leave it at that at this point.

Q: Do you think the government should listen with the call?

Sen. Bam: Dapat. Ang gobyerno dapat nakikinig. In fairness, iyong Senate majority nga, iyong mga kaalyado ni President Duterte, nagsabi na rin sila na itong pagpatay kay Kian ay hindi tama at dapat imbestigahan. Kung hindi ako nagkakamali, mayroon na silang reference na hindi lang nag-iisa si Kian. May mga iba pang unjustly killed because of the drug war. Kung tutuusin, iyan kaalyado na iyan ni President Duterte, nagsasabi na rin na hindi tama ang nangyayari, palagay ko isa itong paraan na puwedeng magsama iyong Senado, magsama iyong majority and minority, magsama iyong iba't ibang tao na pakiramdam natin na hindi na ito dapat maipagpatuloy.

News Latest News Feed