Press Release
May 22, 2017

ANG KATARUNGAN AY HINDI PATAYAN

*Speech of Akbayan Senator Risa Hontiveros at the Lakbay-Buhay Rally vs. the Death Penalty at the University of Santo Tomas (UST)

Ang parusang kamatayan ay kamatayan ng ating katarungan. Katulad ng extrajudicial killings, ang kaya lamang nito patayin ay mga mahihirap at walang sala, hindi ang krimen at ilegal na droga.

Ang katarungan ay hindi patayan. Ang katarugan ay pagkapantay-pantay sa mata ng batas, ito ay ang pag-gawad ng hustisya na walang kinakampihan, mayaman ka man o mataas.

Ang sabi ng ilan, ang death penalty ay hindi anti-poor dahil wala naman daw mahirap na drug lord. Ang tanong, nasaan na ba ang mga drug lords ngayon?

Hindi ba si Peter Lim ay nakabisita pa ng Malacanang at patuloy na malaya? Hindi ba ang mga drug lords sa Bilibid ay naka-aircon at ginawa pang mga bidang state witness para lang ikulong ang katunggali at kritiko?

Oo. Walang drug lord na mahirap. Pero walang mayamang drug lord o krimimal sa ating bansa ang naparusahan ng karapat-dapat.

Hanggang korap, panig sa mayaman at mabagal ang sistemang pangkatarungan sa bansa, walang garantiya na ang parusang kamatayan ay magbibigay ng tunay na katarugan para sa lahat. Katulad ng Oplan Tokhang at extrajudicial killings, ang bibiktimahin lamang nito ay mga maliliit at mahihirap.

Alam ko marami sa ating kababayan ay uhaw sa hustiya, lalo na ang mga biktima ng karumal-dumal na krimen at nawalan ng mahal sa buhay. Pero ang sagot sa krimen, droga at patayan ay hindi ibayong patayan. Ang solusyon ay ang maayos na pagpapatupad ng batas para maprotektahan ang buhay ng tao. Ito ay ang pagrereporma ng ating sistemang pangkatarungan upang magarantiya na ang hustisya ay para sa lahat, mayaman ka man o mahirap.

Buo ang aking pananalig sa ating pagkakaisa. Sa inyong tulong at suporta, naniniwala ako na mananalo tayo sa dulo. Ibabasura natin ang panukalang death penalty law! Hindi natin hahayaang manaig si kamatayan sa Senado!

News Latest News Feed