Press Release
April 26, 2017

TRANCRIPT OF AMBUSH INTERVIEW WITH GRACE POE
SMX Convention Center, Pasay City
26 April 2017

On MRT

Q: Itong Busan ang sabi namemaintain naman nila ang train, pero ano po ba talagang problema?

Sen. Grace Poe: Unang-una itong Busan, bakit nila pinasok yung pagmementena ng tren e alam naman nilang dati nang luma na yun. Wag na silang humanap ng dahilan. Kapag mayroong problema, syempre dapat sasaluhin ng maintenance provider. Tama rin ang sinabi ni Sec. Tugade, i-review ang kontrata at kapag may nakikitang mayroon silang kakulangan, pwedeng i-kansela yung kontrata for non-compliance or pwedeng magmulta sila sa hindi nila ginagawa. Ngayon ang mas nakakalungkot dito ay yung 48 na train na in-order natin mula sa Dalian China. Ang problema nito ay ang kalidad ng signaling system at sinabi ng DOTr na mukhang hindi nila gagamitin ang 48 trains na iyan so matetengga iyan, P3.8 billion at ilang daang libong pasahero ang hindi makikinabang diyan. Yan ang isa pang malaking kasalanan na kung sino man ang nag-apruba niyan ay dapat managot.

Q: Wala bang pananagutan dahil sayang ang pera?

Poe: Sayang ang perang pinambili, totoo iyan. Hindi natin pwedeng ipilit ang isang bagay na hindi ligtas, kaya kung nasa panunuri nila na nakita nila na kulang talaga ang signaling system at hindi maayos, ano ba naman ang P3.8 billion kung ilang daang libong buhay ang nakasalalay dito. So mabigat na leksyon ito sa atin pero mabuti na sigurong kung kinakailangan ay mag-umpisa sa umpisa muli at kung sino man ang pumasok diyan na hindi ginawa ang kanilang homework ay dapat managot sa batas at sa taumbayan.

Q: Committee ninyo planong silipin ito?

Poe: Dahil nga sa mga bagong statement ng DOTr na maaaring hindi nila gagamitin ang 48 trains na inorder na dapat sana ngayon ay nagagamit na, kailangang ipatawag muli sa isang pagdinig at kasama ng ating mga kababayan, ako'y inip na inip na rin pero hindi natin pwedeng ipagpipilitan o isuot ang isang damit, halimbawa, na alam naman natin na hindi kasya at puputok. Kaya pag nagsisinungaling ka sa hearing sa Senado, ganyan ang kalalabasan, talagang nadedelay ng nadedelay. Pero ako patuloy pa rin ang aming paninindigan dito na dapat managot ang pumasok sa kasunduan na yan. Puro sila abogado doon, pero lahat naman ng kasunduan nila palpak. Mismong mga kontrata nila hindi maayos, mismong mga kontrata nila, tayo mismo hindi natin nasusunod.

Q: On previous administration officials

Poe: DOTC officials, ngayon pag sinabi nila eh dapat move forward na tayo, alam mo pag ikaw ay susulong kailangan maayos ang dadaanan mo, eh hindi naman tayo makakasulong mismo kung ang mga train natin na gagamitin ay hindi umaandar. So dapat talaga makita kung saan tayo nagkamali para hindi natin ulitin yun at maturuan ng leksyon ang mga pumasok dito na hindi inisip ang kapakanan ng mga Pilipino. Dapat talaga pagbayaran nila iyan. Dapat magkaroon ng kaso. Sa DOTr, humanap na kayo ng ebidensya at magsampa na ng kaso doon sa mga nagkulang sa atin at iyon din ang balak kong gawin sa mga pagdinig sa Senado.

Q: Ano ang ipa-prioritize mo sa resumption ng session?

Poe: Isa iyan sa ating kailangang priority kasi unang-una, 48 trains ang hindi magagamit, pangalawa yung kaligtasan ng ating mga kababayan ay napaka-importante. Kasama na rin diyan yung pagdinig natin sa National Transport Safety Board law kasi nga nakikita natin na ang LTFRB, halimbawa bigay nang bigay ng prangkisa samantalang nakikita naman natin ang iba ay wala namang kakayahan na pangalagaan ang kanilang mga public utility vehicles.

On death penalty

Q: Maa'am yung sa death penalty, sabi ni Senator Drilon dead na daw po sa Senate kasi 13 senators yung sigurado or medyo tingin nila would oppose.

Poe: Alam mo hindi lang naman death penalty ang solusyon. Sa ating lipunan, kailangan diyan ay mayroong kasamang law enforcement, community, kasama na din diyan ang hudikatura. Kung hindi natin irereform halimbawa, masasabi ba natin na talagang repormado na ang ating kapulisan para mabawasan halimbawa ang pagpaplanta ng ebidensya? Yun ang aking pagaalala ngayon. Maramig nakakarating na mga reports either na-paplantahan ng ebidensya, na rub-out, nakakulong na nga napapatay pa. Ano pa ngayon kung nagkaroon tayo ng death penalty. Sasabihin ng iba 'mababawasan na ang vigilante killings,' hindi po e, sapagkat sa enforcement iyan at walang garantiya. Noong umpisa sabi ko siguro sa mga kasalanang karumal-dumal o heinous crimes pwede, pero sa nakikita natin sa sistema ng hustisya sa ating bansa at sa sistema ng enforcement, ang ating ibang pulis hindi ko sinasabing lahat, ang dami pa nating kailangang ayusin. Sino ang nabibiktima kapag hindi maayos ang sistema ng hustisya at ng enforcement? E di yung mahihirap na hindi kaya ng magagaling na abugado at natatakot sa mga pulis na hindi naman tama ang ginagawa ng iba.

Q: Ma'am tama po bang you're inclined to vote no to the death penalty?

Poe: Sa mga sinabi ko, siguro naman in sum, yun na yon. Sapagkat kinausap ko na rin naman ang mga ibang kasama ko, sabi ko di ba ng usapan natin bago mag-death penalty vote ay judicial reforms muna.

Q: Unwavering yung posisyon mo?

Poe: Ever since kasi sabi ko first of all kung sabihin ng iba no, death penalty is there not as a deterrent but for revenge, okay. Pero tignan natin, magiging tama ba ang pagpapatupad nila nito kung nakikita natin ngayon palang nakakulong na napapatay sa mismong hurisdiksyon ng mga pulis. Kung halimbawa yung mga iba na nangsasabi naplantahan o kaya nambunot ng baril kaya napatay, mapapagkatiwalaan ba natin na mayorya ng ating mga nagpapatupad ng batas ay tunay na makatotohanan? Yun ay siguro hindi na natin masasagot ngayon. So paano natin masasagot na dapat nga magkaroon ng death penalty ngayon

On NY Times article

Q: Ma'am ang NY Times naglabas ng editorial na Let the World Condemn Duterte, this man must be stopped, what do you think of it?

Poe: Yan ay opinyon nila. Hindi tayo magpapadikta ng opinyon ng maski na sino lalo na ang mga banyaga pero dito sa ating bansa tingnan natin ang reyalidad. Maraming mga pwedeng pag ukulan ng pansin, hindi lamang yung giyera laban sa droga. Para sa akin may mga kaso na nakasampa na nga sa international court. Dapat ay sa mga bagay na ganyan ay magkaroon ng patas na paglilitis.

On Mamasapano

Q: Si Sen. Gordon, irere-open ang Mamasapano, ang argument niya Ma'am is he doesn't believe na si PNoy ay should not be held accountable.

Poe: Well first of all, sinabi na namin mismo na ang Presidente bilang commander in chief ay talagang may pananagutan doon. Siya ang ultimately responsible. Ang ating mga batas mismo ay limitado pagdating sa command responsibility. Ngayon ako'y naniniwala na wasto at patas ang aming naging pagdinig, kung merong bagong ebidensya na nais ipresent si Sen. Gordon o sinupaman ang Senado ay dapat bukas palagi para dinggin yan at ako mismo ay susuporta diyan kung sa tingin ko naman ay merong mga katotohanan pa na dapat ilabas. Ngayon, mismong ating naging pangulo ay nagsabi na malinis ang kanyang konsensya. Siguro sa pagkakataon na yun, pag siya ay napatawag, yan ay isang pagkakataon na rin na mailahad ang kanyang parte sapagkat hindi siya nabigyan niyan dahil may immunity siya noon. Alam mo sa pagdinig namin sa Mamasapano noon, niminsan walang tumawag mula sa palasyo, pangulo man o kanyang mga kasamahan sa akin para sabihin na huwag talakayin ang mga bagay bagay kaya ako naman ay kumpyansa. Sa tingin ko ang pangulo natin ay wala namang tinatago. Kung matuloy yan pagkakataon niyang humarap, siguro naman ay gagawin niya.

Q: Thank you Ma'am.

Poe: Thanks guys.

News Latest News Feed