Press Release
April 18, 2017

Grace Poe on the Leomarick Bus Accident

Kalunos-lunos na isa na namang bus ang naghatid ng mga pasahero sa malagim na kamatayan.

Animnapung sakay ng Leomarick bus ang bumulusok sa bangin sa Nueva Ecija kung saan 26 ang binawian ng buhay, samantalang marami ang sugatan.

Nakikiramay tayo sa pamilya ng mga biktima ng trahedyang ito.

Nananawagan tayo sa kinauukulan, lalo na sa kumpanya ng bus, na asikasuhin sa lalong madaling panahon ang mga biktima at ang kanilang mga pamilya sa sandaling ito ng pangangailangan. Pairalin natin ang malasakit sa panahong ito ng trahedya.

Kailangan ding siguraduhin ang masusing imbestigasyon upang mapanagot ang maysala at makamit ng mga biktima ang hustisya.

Muling pinaiigting ng pangyayaring ito ang pangangailangan natin sa isang National Transport Safety Board na magsasagawa ng independiyenteng imbestigasyon sa mga aksidente at magbuo ng mga polisiya at programa para maiwasan ang kapahamakan sa daan.

News Latest News Feed