Press Release
March 19, 2017

Pasasalamat ni Sen. Leila M. de Lima sa kanyang mga taga-suporta

Maraming salamat po sa inyong patuloy na tiwala at suporta. Sa mga panahong ito ng matinding pagsubok, kayo ang pinagkukunan ko ng dagdag na lakas at tatag ng loob.

Sa hayagang panggigipit sa akin ng rehimeng Duterte gamit ang mga paratang na walang basehan, at ngayon, sa pagpapakulong sa akin, lalong naging malinaw sa lahat: Ginagamit lamang ni Ginoong Duterte ang makinarya ng gobyerno para patahimikin ako, at ang iba pang mangangahas na maging kritiko.

Matagal ko mang naihanda ang sarili sa pagpapakulong sa akin dahil sa maitim na balak ni Ginoong Duterte, hindi ko pa rin maiwasang mag-alala at mabagabag sa nangyayaring pagsupil sa katotohanan at hustisya sa bansa. Hindi ko maiwasang isipin ang kahabag-habag na kalagayan ng iba pang ikinulong sa maling paratang at walang kakayahang ipagtanggol ang sarili sa hukuman, gayundin ang mga pinaslang na inosente at walang kalaban-laban.

Itong baluktot na pamamahala at karahasang kinukunsinti ng rehimeng Duterte ang isang dahilan kung bakit patuloy akong lumalaban. Hindi ako nag-iisa sa laban na ito. Laban din ito ng milyon-milyong Pilipinong naghahangad ng tunay na katarungan at kapayapaan.

Kung patuloy na magbubulag-bulagan ang rehimeng ito sa tunay na kalagayan ng ating bayan, titiyakin ko: hangga't marami sa ating mga kababayan ang sumisigaw at naghahanap ng hustisya para sa kanilang mga mahal sa buhay, hindi ko isusuko ang aking paninindigan. Hindi ako magwawalang kibo o mananahimik na lang sa mga patayang nagaganap sa ating mga lansangan na tanging maralita lamang ang nabibiktima habang pinapabayaan ang maimpluwensya at may koneksyon sa Malacañang. Magsisilbi akong boses para ilantad at labanan ang paglabag sa ating mga karapatan, ang pagtatakip sa kasalanan ng mga ka-brod at nagpondo sa kanilang kampanya, at ang paglason sa ating kaisipan ng rehimeng naging trabaho na ang pagkakalat ng kasinungalingan.

Ikulong man nila ako at patuloy na gipitin, tiwala ako na sa inyong pakikiisa, mananagot ang tunay na may sala, at mangingibabaw ang katarungan at demokrasya.

Patuloy po nating ipagdasal ang ating bansa. Muli, maraming maraming salamat po.

News Latest News Feed