Press Release
October 23, 2016

GRACE POE INTERVIEW TRANSCRIPT
dzBB with Ms. Nimfa Ravelo

Ms. Nimfa Ravelo: Nito po kasing nagkaroon ng bagyong Karen at nagtataka rin wala akong natanggap na text alerts sa mga telcos samantalang ito ay mandatory sa batas. Tanungin po natin si Sen. Grace Poe, siya po ang committee chairman ng public services ano ba ang kanyang gagawin. Magandang umaga po senator.

Sen. Grace Poe: Magandang umaga Ms. Nimfa at sa lahat ng nakikinig magandang umaga po.

Ravelo: Kayo po ay sinasang-ayunan namin doon po sa mga telcos na di nagpadala ng alerts although nangangatwiran sila na nagpadala naman daw sila pero mas marami po ang hindi nakatanggap. Bilang chairman po ng public services committee, ano po ang inyong balak, ma'am?

Poe: Alam niyo po napakahalaga nito lalung-lalo na sa mga liblib na lugar ng ating bansa na makatanggap ng warning kung saka-sakaling ng kung ano mang kalamidad. Yan ay batas na natin, free disaster alerts. Alam natin na bago pa lang ito, siguro ngayon pa lang talaga nasasanay ang ating mga telcos kaya lang pinapaalala nga natin na kailangan ang text alerts kung magkakaroon ng bagyo. Ang importante diyan kasama sa mga susunod na mga texts yung mga numbers na pwede nilang tawagan kapag sila ay nangailangan ng tulong, halimbawa ang Red Cross, ang local government, ang NDRRMC, ang police, ang DSWD. Lahat po ng impormasyon na iyan kasama sa serbisyo ng telco na dapat binibigay sa kanilang subscribers ng prepaid o postpaid. Paalala lamang po sa kanila, Ms. Nimfa. Alam mo mayroong katumbas na parusa kapag hindi nila ginawa, unang una na diyan ang multa hanggang 10 milyong piso, iyan ay kung hindi sila tumupad. Pangalawa, pwedeng isuspinde ang kanilang lisensya na mag-operate ng franchise. Ibig sabihin po, yung kanilang negosyo ay pwedeng maapektuhan kaya nga para din ayaw naman natin humantong sa ganoon kaya alam ko rin na natututo pa tayong lahat. Bago ang batas na ito pero kailangan nilang i-eksplika kung ano ang nangyari kasi maaari din naman na dun sa mga lugar na hindi nakatanggap, unang-una baka mahina yung signal so isa iyon sa mga maaari nating tignan. May nagtext na isang government liaison ng globe na sila daw ay nagpadala ng text alerts. So pakinggan natin sila kasi mayroon din naman pong mga subscribers na nagsasabing hindi namin natanggap so ano ba ang nangyari?

Ravelo: Kahit maam ako hindi po nakatanggap kahit po dito sa Metro Manila parehong bagyo ay Signal No. 1. Mayroon akong globe at smart, pero wala rin po akong narereceive. Dapat mayroon.

Poe: Alam mo Ms. Nimfa 'di ba kung anu-ano ang mga promo na natatanggap natin. Kung kaya naman - wala namang duda kung kaya, maaaring dun sa ibang lugar may excuse pa silang sabihin na yung signal ay masama kaya naman pinapalawig natin ang emergency powers kung saka-sakali na makasama yung pagpapatayo ng mas maraming cell sites. Pero yung dito sa Metro Manila parang walang excuse na hindi natin matanggap. Ako hindi ko natanggap mismo.

Ravelo: Ma'am alam ko po mayroon nang implementing rules and regulations di ba po kaya wala nang dahilan. Ma'am, yung NTC, hindi po ba tatanungin din sila dahil sila po ang dapat sumisita sa mga telco?

Poe: Yun na nga rin. Alam ko kami naman talaga sa paggawa ng batas, dapat mag-follow up...Tawagin din natin ang head ng NTC, tanungin natin anong mga hakbang na ang kanilang ginawa at doon naman sa hindi pagkakasunod na iyon, ano ang kanilang balak gawin. Pagbukas natin ng session, dahil alam natin na marami pang papasok na bagyo. Hindi pa natatapos ang taon, ayusin na natin ito bago pa lumala ang sitwasyon.

Ravelo: Yun isang text message na iyon ay makakasagip ng buhay, di ba po?

Poe: Kahit isang buhay ay mahalaga.

Ravelo: Ma'am yung Mamasapano Massacre, ang gusto daw po ng pangulo, sinabi niya habang nasa China ay pabubuksan niya po ulit ang imbestigasyon dito. Kayo ba ay sang-ayon dito? Kayo po kasi ang nanguna, ireremind ko lamang ang ating listeners na kayo po ang nanguna sa pagdinig dito at gumawa ng committee report bilang chairman ng committee ng public order at sinabi po na ultimately responsible si Pangulong Aquino. Nakagawa na kayo ng imbestigasyon, may committee report na kayo, kayo po na ay sang-ayon sa re-opening at mayroon po bang kailangan pang ungkatin?

Poe: Ako ay kumpiyansa sa ginawa namin at sa lahat ng pagtatanong. Bukas naman ang aming hearing sa lahat ng senador na magtanong noon. Kasama din namin dito ang Board of Inquiry o BOI ng PNP. Si General Magalong ay kasama din natin, isa ring mayroong kredibilidad na ating nakasama dito. Mabuksan man ang isang hearing gaya niyan, unang-una dapat maayos ang layunin, ano bang mga katanungan na may kulang pang kasagutan. Pangalawa, kailangan din sigurong may bagong ebidensyang ipapasok, kasi kung bukas ka lang ng bukas ng hearing, minsan ang nangyayari mas lalong sumasama, katulad nga niyan pagka nahahaluan ng iba't ibang mga samut-saring mga usap-usap na hindi naman makatotohanan basta para sakin, malinaw ang goal, ano ba ang goal dito? Sabi ng pangulo, gusto niya malaman saan napunta ang reward money kung...ito ay napunta ng Amerika? Hinahanap niya, bilang pangulo ng ating bansa, meron kang kapangyarihan na malaman ng lahat ng...confidential information, privileged information. Puwede niyang direktang tanungin yan sa intelligence officers niya, malaki ang budget ng ating Office of the President para gawin yan, at pag meron siyang nalaman na hindi nasama doon sa aming...committee report pwede siya mismo ang magsiwalat dito. Ang committee na yan ay pinangungunahan na ngayon ni Senator Ping, so kung anuman ang kaniyang magiging deisyon kung may bagong ebidensya, o kung sa tingin natin may bagong layunin na dapat ay matugunan, ay nasa sa kanya yun, basta para sa akin ay kumpiyansa na ako sa report na ito. Naniniwala na ako. Sa mga katanungan na sinabi ng ating Pangulo, siya mismo pwede niya tanungin ang ating mga kapulisan at military kung anong nangyari dito.

Ravelo: Puwede ma'am, ma'am papano kung meron lang mga partikular na taong target na panagutin na maari talagang sangkot, o maaari talagang responsible, o maaring dahil hindi ma-i-pin down sa ibang issue dito dadaanin sa Mamasapano Issue.

Poe: May mga usap-usap na ganyan, subalit, kami po ay nag-rekomenda ng mga isasampang kaso tungkol dito. Maaari siguro i-follow up sa ombudsman, ifollow up sa ibang mga... ipatong na kaso dito laban sa mga naging responsable. Doon po sa report namin malinis na kung sino dapat ang managot dito, walang kapangyarihan ang Senado na magsampa ng kaso dito sa mga indibidwal na ito. At kung meron mang bagong impormasyon ang Pangulo, na sabi ko nga meron siyang kapangyarihan at kakayanan na kunin ito, isiwalat ito at maaaring siya mismo dumiretso na sa pag-file ng kaso laban dito sa mga iba.

Ravelo: ma'am hindi ko na po pakaka-habain pa. Basta ma'am yung ano, yung Mamasapano pwedeng open kayo na ipadala siguro sa Malacanang yung kopya ng committee report.

Poe: E yun naman, nasa archives. Pero kung gusto nila ng special report, bakit hindi. Ipadala natin, kaya nga, marami ang nagulat bakit pati yung Pangulo nun ay itinawag ko ang pagiging responsable nito. Wala nga kaming ikinubli pero kung meron silang mga bagong nais malaman nasa sakanila yun at kay Senato Ping. Pero ako kumpiyansa na ako doon sa report namin, yung sa dalawang katanungan ng ating Pangulo, siya mismo ang pwede magtanong sa PNP intelligence kung saan na, napunta lahat yun.

Ravelo: Pero ma'am, may dalawang tanong ngayon ma'am saan napunta ang reward at yung daliri hindi po ba naisama sa committee report, hindi ba clear yun?

Poe: Ah kasi yung indibidwal na nakakuha ng reward hindi ba, yan ay...

Ravelo: ...confidential po yun.

Poe: Confidential. Dahil nga ayaw natin na yung ating mga resource persons, ating mga informers ay malagay sa alanganin. Siguro maayos naman na kadahilanan yun. Kung sa pangulo nais niya malaman para sa personal na kaalaman, bakit Hindi? Alam naman natin yung daliri, ipinadala natin sa laboratory para masuri (kung) siya ba talaga yun, si Marwan. At sinabi siya nga, so yung mga detalye nun hinihilingin ko sa mga intelligence ng PNP, ibigay nila sa pangulo para kung ano man ang kanyang mga katanungan ay maisagot at kung hindi pa sapat yun, perogatiba ni Senator Ping na buksan ulit ang hearing na ito.

Ravelo: With that, Thank You ma'am

News Latest News Feed