Press Release
July 4, 2016

Transcript of DZMM Interview with Senate President Franklin M. Drilon

Q (Noli De Castro): Kayo po ang nag-file ng Senate Bill No. 11 o yung Transportation Crisis Act of 2016." Ito na po ba yung hinihingi ng Duterte administration na emergency powers para sa traffic?

SPFMD: Tama po iyan, ito po yung panukalang batas na magbibigay ng sapat na kapangyarihan para subukang ayusin ang ating problema sa EDSA at ibang mga urban cities na medyo matindi ang traffic, pati Cebu at Cagayan De Oro.

Q: Ano PO ang maasahan natin, bago po pumasok ang Dueterte administration ay binabanggit na baka magkaroon ng problema dahil kapag emergency powers, wala nang bidding?

SPFMD: Tama po iyan, pinag-aralan ko po ito. Unang-una, tingnan natin ang EDSA. Alam mo ba dito sa EDSA, puro heneral, walang sundalo, dahil unang una ang ating MMDA (Metro Manila Development Authority), ang lahat ng LGU (local government unit) sa Metro Manila ay nasa governing board, at diyan sa EDSA lamang, may limang city mayors, Pasay, Caloocan, Taguig, etc.

Unang-una, dapat single authority lang. Dapat bigyan natin ng sapat na kapangyarihan ang MMDA chairman, dahil kapag siya lang ang may kapangyarihan, siya lang ang sisisihin, iisa lang po. Kaya during the period of emergency, huwag muna sumali ang mga LGUs , they will not their function under the LGU insofar as the traffic management of EDSA is concerned.

Q: Kaya kapag pumalpak ang traffic, MMDA lang ang sisishin.

SPFMD: Tama po iyan. Ngunit tama yung sinasabi nila, yung "Hindi lang naman kami ang may isang kapangyarihan diyan eh." Kung sasabihin natin na dito dadaan ang bagong kalsada, sasabihin ng local government, ay "Hindi dito pwede sa amin, doon na lang sa kabila," yung mga bagay na ganoon.

Pangalawa, sa national government, sino ba ang nagbibigay ng prangkisa sa EDSA? LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board), hindi naman po MMDA, and yet kung nakikita natin yung mga bus na yan, tumatakbo pero walang laman, hindi po ba? Sino po ba ang nagbibigay ng prangkisa? LTFRB at LTO(Land Transportation Office) na nanghuhuli.

Sa aking proposal, again single authority, ang MMDA Chairman at siya ang magdedecide kung ilang bus ang dapat tumakbo sa EDSA.

Q: So hindi na LTFRB, MMDA na?

SPFMD: Tama po iya, dahil ang MMDA Chairman ang nakakaalam naman sa araw-araw, sila lagi ang binabatikosa sa radio na puno yung kalsada, so sila ang nakakaalam talaga. Again, consistent sa single authority.

So ang mga functions ng LTFRB at LTO, ililipat muna sa MMDA Chairman insofar as EDSA is concerned.

Q: So sa EDSA lang?

SPFMD: Opo, dahil dito sa NCR, diyan lang naman talaga.

Pangatlo naman, yung mga TRO (temporary restraining order), ay pagbawalan natin ang mga korte maliban sa Korte Suprema na mag-issue ng TRO lalo na pagdating sa expropriation, dahil hindi naman yung hulugan ng TRO, pwede pero dapat Korte Suprema lang ang magbibigay, para po sa mga expropriation, siguro dito ang talagang desisyon ng MMDA at ng ating presidente pagdating diyan sa mga malalaking infrastructure, halimbawa diyan sa airport, yung mga elevated highways na hindi daw nagkakasundo ang DOTC at ang MRT. Meron diyan isang kanto na expropriation, ang tagal bago maayos. Yaan ay pareho naman gobyerno iyan, bakit hindi pa ayusin?

Pang-apat, yung simplified bidding. Meron bidding, ayaw ko po ng negotiated contracts. Yung bidding abbreviated, hindi po yung 60 days o 90 days. Halimbawa sa paggawa ng kalsada, meron namang mga kilala na maayos na contractor, yung prequalified bidders, yung may mga record na. Huwag na natin buksan sa lahat, diyan po nagkakagulo, may mga biglang sumasali para lang kumita.

Q: May mga nagsusulputan biglang contractor na binuo para lang doon.

SPFMD: Tama po iyan. Kaya dapat yung may track record na, kung sino lang ang may track record siya lang ang pwedeng sumali.

Q: Tatalakayin na po kagad ito sa Senado?

SPFMD: Pag na-organize po yung appropriate committee, pipilitin ko at ako mismo ang mag-follow up para kaagad ihearing natin para sa lalong madaling panahon, eh matapos na. Tungkol diyan ay big kong himukin ang administrasyon na i-certify na urgent ito para mabigyan kaaagad ng pansin.

Q: Dito po sa emergency powers, ano po ang magiging papel ng Department of Transportation?

SPFMD: Ay sa labas po ng NCR kung saan kung saan may matinding traffic, dito sa Cebu, sa Cagayan de Oro, ang DOTC ang siyang magiging leader at single authority.

Q: Ang sabi po ng DOTC, may mga plano din sila para mapagaan ang traffic sa Metro Manila.

SPFMD: Dalawang klase iyan, yung mga purely executive action at yung policy issues. Halimbawa kahit anong sabihin mo ay labingpito ang manager ng MMDA, dahil may 17 na mayor ng LGUs, ay araw-araw debate muna tayo bago magkaroon ng executive action. Ang kailangan ay ipatupad yung mga "no parking areas" o alisin yung mga sagabal sa sidewalk at kalsada. Hindi kailangan ng batas, kung may matibay na executive action.Sso dalawang bagay iyan - yung mga may hindi kailangan ng batas at executive action lamang, at yung mga may kailangan ng bagong batas halimbawa sa aking finile na emergerncy powers for the transportation crisis act.

Q: May mga binabanggit po kasi si Secretary Tugade na bubuksan daw po yung mga exclusive villages sa mga oras na matraffic. Executive action lang po ba iyan?

SPFMD: Pag-aralan natin, kung ano ba ang punto diyan.

Q: Nag file na rin kayo po ng panukalang batas para sa charter change ngunit sa ilalim ng concon (constitutional convention)

SPFMD: Tama po iyan.

Q: Ibig sabihin, seryoso na ba kayo sa ChaCha ngayon?

SPFMD: Sa aking tingin, panahon na, itong ating Saligang Batas ay mag-tatatlumpong taon na, at noong binuo ito, ay binuo ito pagkatapos ng Martial Law. Marami po sa mga probisyon niyan ay reaksiyon sa Martial Law.

Q: Kaya may mga batas dito na hindi na talaga dapat ngayon?

SPFMD: Tama po iyan, hindi na sang-ayon sa pangyayari ngayon sa ating bansa at sa buong mundo. Kaya panahon na para tingnan natin lahat ang Saligang Batas sa pamamagitan ng constitutional convention sa aking tingin.

Q: Alam po natin sa mga nakaraang adminstrasyon ay nasubukan na po ito pero di nagtagumpay. Ano po siguro ang kailangan nating gawin sa mga ginawa ng nakaraang administrasyon?

SPFMD: Unang-una, sa panahon ng Pangulong Aquino, talagang hindi siya pabor na baguhin ang Saligang Batas dahilan po sa kanyang tingin ay dapat ang atensyon ay doon sa ating pamumuhay, sa pagbago ng ating ekonomiya, sa paglago ng ekonomiya. Sa kanyang tingin, ang debate sa Saligang Batas ay makaka-divert sa attention.

Duon naman po sa ibang administrasyyon, ang pagbabago ng Saligang Batas ay para pahabain ang kanilang administrasyon. Hindi po nag-succeed. Ngayon sinabi na po ni Pangulong Duterte na interesado siya na baguhin ang Saligang Batas at ibig niyang palitan ang system of government natin sa federal. Panahon na para tingnan natin, ano ba ito, talaga bang ang problema natin yung form of government or iba?

Ngayon ang ibig ko lang bigyan ng diin, yung form of government yun po ay pag-uusapan hindi po sa kung saan man, kundi ang mag-decide niyan ay ang mga delegado sa constitutional convention.

Q: Mauuna ba muna yung charter change sa concon, at doon sa concon paguusapan yung federal form of government?

SPFMD: Tama po iyan, at sa kampanya ng mga delegado, kanila pong ipapaliwanag sa publiko para saan ba sila, para sa federal o para sa presidential para pagpili ng taumbayan, makikita na nila kung saan patungo yung mga delegado na kanilang hinalal. Yuon po ang isa sa maganda diyan, para malaman na natin kung ano ba talaga ang sa puso ng taumbayan, kaya ang paguusap doon sa concon.

Pangalawa, ang kapangyarihan ng constitutional convention, o kahit ng constitutional assembly ay ang natin ay plenary, ibig sabihin hindi mo pwedeng sabihin na, "uy ang pag-usapan niyo ay federalism lang ah" hindi pwede yan. Ang tawag diyan ay plenary, "plenary powers," ibig sabihin buo ang kapangyarihan ng concon o conass na tingnan ang buong Saligang Batas. Hindi mo pwedeng sabihin na "Sige maghalal tayo ng delegado sa con-ass sa pagbabago ng Constitution, pero pag-usapan natin yung federal system lang ah." Hindi po pwede iyan, hindi po pwedeng limitahan ang con-con o con-ass.

Q: So Senator yung inyo pong na-file na charter change under concon, hindi niyo po binanggit ang federal form of government.

SPFMD: Hindi po pwedeng banggitin mo. Hindi po pwedeng buuin ang isang constitutional convention o isang constituent assembly tapos sasabihin mo, "Wala kayong pwedeng pag-usapan kung hindi federal system lamang."

Q: Umaasa po ba tayo na magagawa na ito this time around?

SPFMD: Sa aking tingin, mataas ang aking pag-asa na magagawa natin, dahil pabor ang executive branch. Ang paraan, hindi po tayo nakakasiguro kung ano ang kalalabasan nito.

Q: Maaga din natin ngayong masisimulan ito. Dati kasi malapit na ang eleksyon kaya hindi nagtatake-off.

SPFMD: Tama po iyan.

Q: Kaya inuna niyo na po.

SPFMD: Tama po iyan. Maaga pa lang pagusapan na natin, para walang makapagsabi na ito ay para sa nakaupong administrasyon, ibig palawakin at pahabain ang kanilang termino.

Q: Ok, maraming salamat po at magandang umaga, Senator Drilon.

SPFMD: Magandang umaga rin po.

News Latest News Feed