Press Release
June 9, 2016

Transcript of DZMM Interview with Senate President Franklin M. Drilon by former Vice President Noli De Castro

Q: Kayo daw po mismo ang nagsabi na mukhang si Senator Koko Pimentel na ang magiging susunod na Senate President.

SPFMD: Tama po iyan, napagkasunduan na po namin sa Senado, sa aming partido sa Partido Liberal kasama ang Nationalist People's Coalition (NPC)at iba pang mga partido na aming susundin ang mandato ng taumbayan at ang PDP-Laban ang nagwagi noong nakaraang halalan, kaya kahit isa lang ang PDP-Laban sa Senado ay amin pong pinagpasyahan na si Senator Koko Pimentel ang mamumuno sa Senado. Pero wala pong ni isang kinatawan ng Senado ang magpapalit ng partido.

Q: So ibig sabihin niyan lamang pa rin ang Liberal Party?

SPFMD: Tama po iyan, anim kami sa Senado at mananatiling anim.

Q: Hindi katulad sa House na nagsilipatan ng partido? Hindi katulad sa House, sa Senate po, hindi kayo lumipat sa PDP-Laban?

SPFMD: Tama po iyan.

Q: Kahit ni isang senador po walang lumipat?

SPFMD: Tama po iyan.

Q: Bakit po ang sinasabing minority na lamang ay si Senator Chiz Escudero at Senator Antonio Trillanes IV?

SPFMD: Hindi ko po alam as a fact, dahil alam mo naman sa isang lehislatura, kung may kandidato sa pamumuno ng Senado o ng House, kung sino man ang hindi sangayon sa kanya, kung sino ang hindi boboto sa kanya, yun ang minority. So sa mga kuro-kuro, nagpahayag na hindi boboto si Senator Sonny Trillanes at Senator Chiz Escudero kay Senator Koko Pimentel pagdating ng Hulyo 25 kaya by tradition sila ang magiging minority leader.

Q: Dalawa lang sila sa minority?

SPFMD: Unless na may madaragdag na iba pa. Ngunit si Senator Koko, nagpirmahan na , may 16 o 17 at the very least ang susuporta sa kanya.

Q: Si Senator Trillanes ba ay nagpapakita na sa Senado?

SPFMD: Oo. Nung last hearing ng Commission on Appointments, nandoon po siya, at nakakausap ko.

Q: Sa mga chairmanship ng mga committees, naassign na po ba?

SPFMD: Pinag-uusapan pa. Ngunit wala akong nakikitang problema.

Q: Ano po ang ibig sabihin niyan, na nagkaisa kayo na gawing Senate President si Senator Koko Pimentel?

SPFMD: Ibig sabihin po niyan ay kinikilala namin ang mandate ng taumbayan, na ang PDP-Laban ang siyang partido ng pangulo at may programa ang PDP-Laban ukol sa pamamahala, at iyan po ay ating titingnan. We will be cooperative but not subservient. Ibig sabihin, hindi lang "Amen" lang ng "Amen," ay amin pong titingnan. Amin pong pagdedebatehan. Kahit isa lang si Senator Koko Pimentel sa Senado, amin po siyang sinuportahan. Wala pong ibang PDP-Laban sa Senado, si Senator Koko lang.

Q: Ibig sabihin, kapag may in-introduce silang batas, ang PDP-Laban, with the blessing of President Duterte, walang "Sige na lang, Amen," walang ganun?

SPFMD: Walang ganyan. Talaga naman na by tradition, magkasama tayo sa Senado, mayroon ka bang napansin na "Amen" lang ng "Amen?" Kahit nga po pagpalit lang ng pangalan ng kalsada, may mga question pa rin.

Q: Kayo po ang magiging Senate President Pro-Tempore. Ang Senate Majority Leader?

SPFMD: Si Senator Tito Sotto III.

Q: So sakali matitira yung dalawa sa minority.

SPFMD: Tama po iyan.

Q: Ang malaking question po dito, ano po ang nangyari kay Senator Alan Cayetano na nagambisyon din na maging Senate President?

SPFMD: Hindi ko po alam. Pareho po silang kaalyado ni Pangulong Duterte though magkaiba sila ng partido. Si Senator Koko po, PDP-Laban kahit siya lang magisa, si Senator Cayetano ang running mate ni President Digong, kaya pareho po silang malapit kay Pangulo. Hindi ko po alam kung ano yung nangyari kay Senator Alan.

Q: Para daw nabanggit ni Senator Koko na baka sa kanya mapunta ang Blue Ribbon Committee.

SPFMD: Ay hindi ko po alam. Iyan po ay hindi pa namin napagusapan.

Q: Kelan po kayo huling maguusap?

SPFMD: Ay siguro sa mga susunod na linggo maguusap kami.

Q: Ito pong $81 million na nanakaw sa Bangladesh, nagkaroon po ng mga hearing dito ano po ang nangyari na? Nagsara na ang Senado, papasok na ang bagong Senado, wala pang resolusyon na binabanggit ang Senado.

SPFMD: Unang una tama po iyan. Nagsubmit ng committee report pero nagsara na kami. Ibig sabihin, the Senate ay tapos na.

Q: So hindi po nareport sa floor?

SPFMD: Ay hindi po nareport dahil saan mo irereport?

Q: Paano ngayon?

SPFMD: Talagang nakakalungkot, ngunit wala po kaming magawa dahil inabutan ng pagsara ang Senado. Ngayon ang tanong natin, ano ang mangyayari sa susunod na Kongreso? Iyan po ay kung sino man ang susunod ng chairman ang magpapasiya diyan. Ang basic diyan kailangan ulitin, pero hindi ibig sabihin na kailangan mong tawagin ulit yung resources persons. Hindi po, ang ibig sabihin maghehearing, pero yung bagong chairman sasabihin niya, "Ah may sapat na testimonies, hindi na kailangang tawagin ang mga testigo." Or sasabihin niya, "Baka kailangan pa si Juan Dela Cruz, o additional resource persons," Or baka sabihin niya, "Hindi ako sangayon dito sa ibang sinabi report, iaadopt ko yung testimonies na nakaraan pero babaguhin ko ang report at isusumite ko ulet sa Senado." Iyan po ang options.

Q: Pero pagdedebatehan po iyan?

SPFMD: Sa committee mismo. Kasi hindi umabot sa Senate floor, nagsara na kami eh.

Q: Ang masaklap dito, si Senator TG Guingona at Senator Serge Osmena, hindi pinalad na maihalal ulit. Eh sila yung busy at nanguna dito.

SPFMD: Oo, pero ang proseso naman ay hindi base sa kung sino ang namuno, kungdi sa institution ng Senado at Blue Ribbon Committee, ay patuloy. Uulitin ko lang, kung ano man ang testimonies, ang sinabi ng mga testigo dito sa nangyari, pwedeng iadopt ng bagong committee at pwede nilang baguhin ang report. Ang punto naman, kailangan pagbigyan mo ang bagong committee chairman kung ano ang tingin niya sa committee report.

Q: Hindi po pwedeng iwan na lang ito dahil mapapahiyan po tayo dito sa ibang bansa.

SPFMD: Tama po iyan. Pero hindi mo naman pwedeng sabihin na,"Hoy Mr. Committee Chairman, may report na iyan, yun na ang gamitin mo." Q: Ano po yung mga nabitin na batas na plano niyong tapusin pagpasok ng susunod na Kongreso?

SPFMD: Unang una itong sa Bangladesh issue, yung sa AMLA, yung isasama na ang mga casino, ito po ay dahil dito sa hearings sa Bangladesh heist. Pangalawa itong pagpapataas ng sahod ng mga kawani ng pamahalaan, kung inyong maalala, hindi po rin natapos at hindi naipasa yung Salary Standardization Law IV. Kaya may schedule na increase sa Enero, kaya dapat po naming maipasa ito. Susunod naman po ay kung mayroong halalan sa barangay sa Oktubre.

Q: Kayo po ba pabor sa postponement?

SPFMD: Ako po ay pabor sa postponement, pero hindi ko po alam ang sentiment ng iba. May balak po ang iba na ito ay mapostpone, kaya ito ay pagdedebatehan. May mga iba pang economic measures, halimbawa yung income tax structure, dahil po yung ating income tax structure ay base pa 1995 na value ng pera. Ibig sabihin kung ikaw ay sa ngayon kumikita ng taxable income na P500,000 a year ay tax ay 32 percent. Ang tanong, tama po ba iyon? Ito po ay sinet pa noong 1995, 20 taon na. Iba na ang value ng pera ngayon.

Pangalawa yung 32 percent ito po ba ay pwede mo bang sabihin na kapantay natin ang ibang Southeast Asian nations? Baka masyadong mataas yung rate at value, kaya ito po ay importante at uunahin kaagad.

Q: Sa tingin niyo po ba mapaguusapan muli ang pagbalik sa parusang kamatayan?

SPFMD: Ay siguro iyan po ay pagdedebatehan. Ngunit dapat po tayo magingat diyan, ako ay magiingat diyan. Medyo hindi po pagkain nito na kapag natikman mo, "Ay pangit," ibabalik lang natin. Kapag naparusahan mo ng bitay, hindi mo na mababalik po iyon. Kaya pagingatan natin, at pagdebatehan natin. Huwag natin madaliin, hindi po pwede iyan.

Q: Yung pagpapalit po ng Saligang Batas, nabanggit po iyan ni President Duterte, at sa latest na statement niya ay mukhang sinasangayunan niya na mas maganda ang Constitutional Convention (ConCon) kaysa sa Constituent Assembly (ConAss). Mapaguusapan din po ba iyan?

SPFMD: Opo. Ako po ay sangayon, personally, na ating reviewhin ang Saligang Batas. At ang aking tingin sa aking mga kasamahan, ay ganoon din ang sentimyento. Ang paguusapan diyan, paano ang proseso - ito ba ay ConCon o ConAss?

Q: Saan po ba kayo pabor, ConCon o ConAss?

SPFMD: Sa akin, ConCon.

Q: Dapat po kapag ganyan ang usapan, dapat maaga, hindi yung patapos na ang administrasyon.

SPFMD: Tama po iyan, hindi lang po dapat maaga simulan, ngunit kung ConCon, lagyan natin ng taning, ng period. Kasi baka kapag bumuo ng Constitutional Convention, independent body at magdedebate sila ng ilang taon, kaya dapat lagyan kung ilang taon. Dapat lagyan ng ganoon, "Sige magConCon tayo, pero dapat 2 o 3 taon ang inyong pagdedebate, at iharap niyo na sa taumbayan." Hinde pwedeng sabihin na, "O ConCon, bahala na kayo sa buhay ninyo." Baka 10 taon kayo magdebate. Hindi po pwedeng ganoon.

Q: Sige po, magaabang kami dahil mukhang iba ang larawan ng Kongreso, ng House at ng Senate ang makikita sa ilalim ng Duterte administration. Salamat po SP Drilon!

SPFMD: Thank you. Magandang umaga po.

News Latest News Feed