Press Release
April 6, 2016

Transcript of DZRH Interview with Senate President Franklin M. Drilon by Rey Sibayan and Henry Uri

Q: Reaksyon po sa mataas ninyong approval rating bilang pangulo ng Senado at sa kayo rin ang nangunguna sa mga tumatakbong senador sa pinakahuling survey ng SWS at Pulse Asia?

SPFMD: Tayo po ay lubos na nagagalak sa patuloy na pagtitiwala ng ating mga kabababayan sa ating pamumuno sa Senado. Itong nagdaang Kongreso ay puno ng historic firsts at kontrobersiya, pero hinarap natin, at ibinalik natin ang tiwala ng taumbayan sa Senado. Mahigit po sa 50% ang approval rating ng Senado bilang isang institusyon, kaya ako po ay nagpapasalamat sa ating mga kababayan.

Q: Ano po ang inyong masasabi dito sa nangyaring kaguluhan sa Kidapawan at sa problema ng El Niño sa bansa?

SPFMD: Unang una diyan sa Kidapawan, tayo po ay nalulungkot sa nangyaring karahasan diyan sa Kidapawan, North Cotabato. Hindi po dapat nangyari ito. Wala pong lugar ang ganitong klaseng karahasan sa ating demokrasya. Kaya nakakabahala po na may ganitong klaseng pangyayari sa Mindanao.

Sinusuporta po natin ang paglabas ng resulta ng fact-finding mission ng Commission on Human Rights sa insidenteng ito. Siguro kailangan din natin magkaroon ng review ng rules of engagement ng ating kapulisan pagdating sa protest actions, at kung paano po maipapatupad ang mga rules pagdating sa mga ganitong klase ng pangyayari.

Doon naman po sa El Niño, ito pong protesta sa Kidapawan ay dahilan po sa problema ng ating mga magsasaka dahil po sa epekto ng El Niño phenomenon. Noong Setyembre pa ng nakaraang taon, tinawag natin ang pansin ng Department of Agriculture dahilan po sa kulang ang paghahanda dito sa El Niño phenomenon.

Kung inyong matatandaan, nirekomenda na natin sa DA na gamitin ang lahat ng kanilang available funds para po matulungan ng ating magsasaka, tulad noong sinasabi na drought mitigation programs. Kaya muli, nananawagan po sa Department of Agriculture na doblehin ang assistance sa ating mga magsasaka sa panahon ng El Niño

Sa katunayan nga, sa Hilagang Luzon, ang buwis na nakolekta dahil sa sin taxes, may kabahagi ang Northern Luzon na P10 billion mula sa excise tax collections sa sigarilyo at alak na ating ipinaglaban. May pera po ang ating mga lokal na pamahalaan, para po tugunan itong problema ng drought o El Niño diyan sa Hilagang Luzon.

Halimbawa po sa Ilocos Sur, may mahigit sa P6 billion po ang kanilang share sa excise taxes, sa Ilocos Norte po P1.3 billion, sa La Union, P1.7 billion, at sa Abra P1 billion. Ito po ay pwedeng gamitin sa ating El Niño phenomenon.

Q: Ano naman po ang inyong reaksyon dito sa nangyaring insidente sa power shortage sa NAIA?

SPFMD: Tayo po ay nananawagan sa opisyal ng Manila International Airport Authority na to get their acts together at siguraduhin na hindi na mauulit itong ganitong klaseng pangyayari sa NAIA 3. Tandaan po natin na malaki ang papel ng ating mga paliparan sa pagpapakilala ng ating bansa sa ating mga turista.

Kumbaga, our airports are our show window to the world, dahil ito po ang unang nakikita ng mga turista kapag sila ay pumasok. Kaya naman kapag pangit ang ating airport at sablay ang mga serbisyo nito, hindi ito makakatulong sa imahe ng bansa.

Q: Napirmahan na po itong VAT Exemption Law para sa mga persons with disabilities (PWDs). Ano po ang magiging pakinabang ng mga PWDs sa batas na ito?

SPFMD: Tayo po ay natutuwa at pinirmahan na ng Pangulo ang RA 10754 na nageexempt sa ating mga kababayang may kapansanan o persons with disabilities mula sa pagbayad ng Value Added Tax (VAT). Ito po ay itinulak natin bilang pangulo ng Senado, naipasa po ito sa ilalaim ng ating panunungkulan bilang pangulo ng Senado.

Sa ilalim ng batas na iyan ang ating mga PWDs ay makikinabang sa 20% discount at exemptions sa value added tax kapag sila ay bumili ng gamot, o nagbabayad sa doctor o nung laboratory fees. Kaya malaking bagay po iyan para sa ating mga PWDs.

News Latest News Feed