Press Release
March 22, 2016

Transcript of Bombo Radyo Interview with
Senate President Franklin M. Drilon

Q: Ano po ang assessment ninyo sa nakaraang debate nitong linggo na mainit na pinaguusapan pa rin ngayon?

SPFMD: Nakita natin nitong nakaraang debate, kung paano nangibabaw at umangat ang standard bearer ng Tuwid na Daan na si Secretary Mar Roxas. Si Mar Roxas po, nagpresenta ng pinakamalinaw na plataporma at programa, kung bakit siya ang dapat ihalal bilang susunod na pangulo ng ating bansa.

Lumabas po na si Mar Roxas, alam ang mga suliranin ng bansa, at kung paano aayusin ito. Kaya sa aking tingin po, naka-angat ng husto si Secretary Mar sa debateng iyon at siguro ay ipagpapatuloy niya ito hanggang halalan.

Q: Kayo po ba, kino-konsulta po ba ni Secretary Roxas diyan sa mga debate, dahil beterano na ho kayo sa politika?

SPFMD: Hindi na at mayroong staff si Secretary Roxas. Napag-uusapan namin, casually, pag nagkikita kami, pero mayroon sariling staff si Secretary Roxas at alam naman po niya, hindi niya kailangan ng malawakang briefing dahil mayroong malawak siyang experience at alam ni Secretary Roxas kung paano patakbuhin ang pamahalaan.

Q: Sa unang pagkakataon po ay magkakaroon ng voting doon sa mga malls. Ano po ang pananaw niyo diyan?

SPFMD: Sinusuportahan ko po ang desisyon ng Comelec. Unang-una, kailangan natin ng mas maraming ma-aanyaya na bumoto, baka tumaas po ang ating voting percentage. Pangalawa, it is for the convenience of our voters. Mas mabuti na hindi magsisiksikan doon po sa mga eskwelahan na medyo mainit, so it will encourage more voters.

Pangatlo, given yung kailangan natin na mayroong verification, kailangan mag-check so mas konbiniyente kung nasa mga mall at sinusuportahan ko po ang desisyon ng Comelec.

Q: May lumabas po na report na nagsasabi na yung poverty incidence na nilabas ng Philippine Statistics Authority ay tila nabawasan. Ano po ang kadahilanan niyan at ano po ang nakikita niyong dapat pang gawin diyan?

SPFMD: Ako po ay natutuwa na bumaba ang poverty incidence o antas ng kahirapan sa buong bansa, sa 26.3% nitong nakaraang bahagi ng 2015.Ganun pa man, isa pa rin itong problemang hinaharap natin at kailangan harapin, kaya si Senator Drilon, isa po sa aking itutulak ay yung batas kung sakali ako po ay maibalik sa Senado, ay mas palawakin natin yung ating 4Ps, palawakin natin para mas marami pong macocover at dadagdagan po natin ang pondo.

Pangalawa, dapat na po nating gawing pemanente itong programang ito dahil sa ngayon, itong programang ito ay nasa budget lang, kapag umayaw ang executive department na ituloy itong programang ito ay puputulin sa budget. Hindi po ako pabor diyan, hindi po pabor si Senator Drilon diyan. Dapat po itong ipagpatuloy, at lawakan pa, para po mabawasan po ang ating poverty incidence at maitawid natin sa kahirapan ang ating mga kababayan, lalo na po yung mga kabataan natin na hindi nakakapasok sa eskwela dahil sa kahirapan.

Q: Ngayon pong maraming babyahe papuntang norte diyan sa NLEX at SCTEX, kayo po pala ang nagsulong na maintegrate iyang dalawang expressway na iyan. Paano po ba nangyari iyan?

SPFMD: Ako po ang nag-inaugurate nitong integration noong nakaraang linggo. Ako po ay natutuwa na na-integrate na at mas maganda ang byahe ngunit kagabi dumaan po ako, galing sa La Union, sana po pati ang TPLEX - yung sa Tarlac, Pangasinan at La Union Expressway dapat i-integrate na rin sa NLEX at SCTEX para minsan na lang ang bayaran - doon sa umpisa at dulo, para wala nang sagabal. Ngayon meron pang tollgates doon sa Tarlac, Pangasinan at La Union, alisin na po natin iyan, at iintegrate natin ng buo iyan. Pangalawa, mula po sa South Luzon Expressway papunta sa North Luzon Expressway, dapat din iintegrate na natin.

News Latest News Feed