Press Release
November 5, 2015

SPEECH OF SENATOR CHIZ ESCUDERO DURING
MAKABAYAN BLOC'S ENDORSEMENT

Sa atin pong lahat, at kung mamarapatin niyo, hindi ko na po iisa-isahin pa ang mga pinagpipitagang bisita dito sa entablado. Tanggapin na lang po sana ninyo ang isang mainit, pinagpala at mapagpalayang pagbati, magandang umaga po sa inyong lahat.

Nauunawaan ko ang pinang-gagalingan ni Cong. Neri sa kanyang madamdaming pagtatanggol kay Senator Grace. Malalim ang hugot ni Cong. Neri, minsan na rin siyang napagbintangang foundling, lalo na noong pinakilala niyang kamag-anak niya si Angel Locsin. Bawian lang daw po 'yan e, bawian lang naman 'yan. At hindi lamang si Cong. Neri ang natanong kung bakit niya kami sinusuportahan, sa totoo lang Cong. Neri, mas marami nagtatanong sa akin, bakit ka namin sinusuportahan? Si Senator Grace may kaso pa lang, ikaw nakulong na.

Sa mahigit kumulang labing-pitong taon kong paninilbihan sa pamahalaan, nakasama ko ang Makabayan Bloc sa maraming issue sa maraming usapin, sa maraming pakikibaka, sa maraming pakikipaglaban. At sa lahat ng pakikibaka at okasyon na nagkasama tayo, marami ring pangalan ang naibato sa akin kaugnay sa paggiging malapit namin ng mga lider ninyo na karamihan ay nakasabay ko sa Kongreso nitong mga nagdaang taon. Nabansagang kaliwa, nabansagang progresibo, nabansagang pula at iba't iba pang mga pangalan.

Subalit suriin natin ang mga bansag na ito. Babansagan kang kaliwa kung ikaw ay pinaglalaban mo para pababain ang presyo ng kuryente. Babansagan kang pula kapag ipinaglalaban mo ang mga karapatan ng mga Lumad at mga katutubo. Babansagan kang komunista kapag ang layunin mo, pangalagaan ang karapatan ng mga manggagawa at mga magsasaka. At sa lahat ng ibabansag sa iyo, hindi makabayan kapagka sinusulong mo ang pusong maka-Pilipino at makabayang polisiya na ang layunin, maging tunay na malaya tayo mula sa kamay ng mga dayuhan dito man sa Asya, Europa o sa Amerika.

Sa totoo lang po, kung ang depinisyon nila ng paggiging kaliwa o pula ay ipaglalaban ang karapatang pang-tao ng bawat Pilipino; pangangalagaan ang kalikasan; titiyakin na mananaig ang hustisya sa ating bansa; bibigyan ng kapangyarihan ang mga mamamayan para magsalita at isa-boses ang kanyang mga nasa isip at ang kanyang nasa puso; ipaglalaban ang mga karapatan ng mga estudyante at ng kababaihan; ipaglalaban ang karapatan ng mga naaapi at mahihirap, sa tingin niyo at sa palagay ko, bawat Pilipino dapat siguro isipin at sabihin na siya ay miyembro at bahagi ng Makabayan bloc.

Sa hindi malayong hinaharap, magkakaroon po tayo ng pagkakaisa sa maraming bagay. Ngayon pa lamang ay marami nang pinagkakaisahan ng Makabayan Bloc at gayundin, ang kandidatura ni Senator Grace at ng inyong lingkod. Ang importante at mahalaga ang pagkakaroon ng bukas na isipan. Bukas na kaisipan sa parte ninyo at bukas na kaisipan sa parte namin ni Senator Grace. Naniniwala ang magkabilang panig na walang iisang grupo na mag-angkin o magkaroon ng monopolya, walang iisang grupo na sabihin at ipagmalaki na sila lamang ang nakakaalam sa lahat ng sagot sa tanong, solusyon sa problema at magandang intensyon para sa ating bansa. Marahil ito ang susi ng tunay na pag-unlad na matagal ng hinahanap dito sa Pilipinas, ang pagkakaroon ng pagkakaisa ng bawat Pilipino saan man nanggaling, nasa kaliwa man o nasa kanan, nasa Luzon, Visayas o Mindanao man, babae man o lalaki, nakapag-aral o hindi, mahirap man o mayaman, may hitsura man o wala. Ang importante ay bukas ang pananaw at kaisipan, nagkakaroon ng pagkakasundo kaugnay sa kung ano ang maganda at maayos para sa ating bansa, hindi naglalaitan o nag-insultuhan, at bukas din sa pakikipag-usap at pagtanggap kung ika'y nagkukulang o nagkakamali. Ito ang aking nais na makita sa ating pagkakaisa sa araw na ito at sa mga susunod na araw, at ito rin ang nais kong makita at magiging mithiin at pangarap ko para po sa ating bansa na tayo'y magkaisa na, pwede tayong magdebate sa panahon ng eleksyon subalit higit pa pagkatapos ng eleksyon, mas importanteng panahon iyon, dapat magkaisa't magkausap, hindi magsakitan, hindi magpatayan, magkaisa tayo para sa pag-unlad ng bansa at pagtulong sa pinakamaliit at mas nangangailangan na kababayan natin na siyang kinakatawan ng lahat ng partylist groups ng Makabayan.

Karangalan ko po Ka Satur, Ma'am Lisa, at sa lahat po ng bumubuo ng Makabayan at may buong pagpapakumbaba kong pinapasalamatan kayo sa inyong pag-endorso, sa inyong paniniwala at sa inyong pagtitiwala sa aking kandidatura, gayundin sa kandidatura ni Senator Grace Poe.

Sa muli po, isang maganda at pinagpalang umaga, maraming salamat sa inyong lahat!

News Latest News Feed