Press Release
June 11, 2015

Transcript of DZRH Interview with Senate President Franklin M. Drilon

Q: Reaksyon po sa patuloy na pag-asa ni VP Jejomar Binay sa pag-endorso ni Pangulong Aquino sa 2016?

SPFMD: Sa palagay ko ay mukhang paga-asa lang po iyan at hindi po mangyayari na ang Pangulong Aquino ay mag-eendorsa ng iisang kandidato na hindi sa Partido Liberal. Siya po ay sa partido, at inaasahan namin na ang mga plataproma ng Partido Liberal ang kanyang isusulong at kanyang ieendorse ang isang kandidato mula sa Partido Liberal.

Q: Sa sobrang pagtitipid daw ng ilang ahensya ng gobyerno ay lalo pa daw naka-sama sa ekonomiya, tulad ng DEPED, DSWD, COMELEC at iba pa.

SPFMD: Totoo po iyan, at nakakalungkot na inauthorize natin ang budget na gastusin ng iba't-ibang departamento ay hindi nagagastos. Alam mo, siguro bente porsyento ng ating ekonomiya ay nanggagaling sa pag-gastos ng gobyerno. Kaya po kung kulang ang kakayahan ng mga departamentong gastusin ang mga nakalaan sa kanila ay talagang hindi natin mame-meet yung target natin sa expansion of the national economy.

Yung GDP natin, yung target po ay hindi natin naabot, dahilan sa underspending ika nga ng mga ahensiya. Ang nakikita ko lang talaga na ginagamit ang allocation nila ay ang DPWH sa pamamagitan ni Secretary Singson. Yan po, ang burukrasiya sa DPWH has been able to spend the allocated funds to them.

Q: Ang nakakatakot dito, katakot-takot na baliktaktakan ang nangyayari diyan sa Senado at sa Kongreso, iaaprove ninyo, tapos ganito ang nangyayari. Sa tingin niyo po ba ay dapat panagutin ang mga Cabinet official sa mga ganitong pangyayari?

SPFMD: Yeah, pagdating po ng mga pagdinig namin sa 2016 budget, yan po ay magiging issue, kung bakit nangyayari ang mga ganito.

Sa kabilang dako, pero just to be fair, ay siguro dahilan sa lahat ng mga Supreme Court decisions, sa PDAF, ay yan siguro ay nag-iingat lang ang ating mga kasamahan sa gobyerno at ayaw masangkot at dalhin sa Ombudsman. Konting mali, at andun na sa Ombdusman. Kaya yung mga kawani sa pamahalaan, nag-iingat din, ngunit hindi iyan excuse para magkaroon ng underspending.

Q: Kung tama ba naman ang kanilang spending ay ano ang kanilang ikinatatakot?

SPFMD: Alam mo, yung COA, has become very strict. Tama rin iyan, na ito'y pera ng taungbayan at talagang strikto ang COA. Kahapon, kaka-confirm lang namin kay COA Chairmam Miguel Aguinaldo at inaasahan natin na babantayan niya ng husto ang kaban ng bayan.

Pero sa kabilang dako, dapat naman ang ating mga kawani ng pamahalaan, nag-iingat din. So siguro dapat po magkaroon ng balance. We should comply with all COA rules, but at the same time spend the appropriate budgets.

Q: Ano-ano po ang mga significant bills na mapapakinabangan ng taumbayan ang naipasa niyo sa 2nd Regular Session?

SPFMD: Marami po tayong nagawa sa 2nd Regular Session. Unang una diyan ay yung sa loob ng 2 dekada, ngayon po lamang nagkaroon ng Anti-trust Law, na nagbabawal ng mga monopoliya na nagiging sanhi ng di-makatarungan na pagtaas ng mga bilihin, dahilan po sa sabwatan ng mga malalaking mangangalakal na kontrolin ang presyo ng mga produkto at merkado. Itong Anti-trust Law kahapon naratipika namin, at ating ipapadala kay Pangulong Aquino, at ito ay magiging batas. Importanteng batas po ito para magbenepisyo sa ating mga consumer, at yung mga monopoliya ay maalis na sa ating paligid, at magkaroon ng mas malawak na kompetisyon at protektado ang ating mga consumers.

Pangalawa, yung pagbabago tungkol sa presyo ng ating domestic shipping, ano. Isa sa mga rason kung bakit mataas ang mag presyo ay dahil mataas ang pamasahe ng mga kargamento o cargo fees sa loob ng ating bansa. Alam mo ba na pag-ikaw ay nag-ship ng bigas mula sa Davao hanggang sa Maynila, ay mas mahal pa kesa magimbak ka ng bigas mula sa Thailand patungo sa Pilipinas? Yan po ay dahilan sa inefficiencies ng ating domestic cargo transportation.

Kaya ating pong pinayagan na magkaroon ng competition sa mga foreign vessels, pwede na po magdala ng cargo na nanggagaling sa labas, pwede magdala ng cargo between islands in the Philippines na ngayon ay kontrolado ng domestic shipping lines. Ito po ay magkakaroon ng kompetensiya, and better services at mas murang bilihin sa ating bansa.

Ganun din po mayroon tayo for transparency, yung Tax Incentives Management and Transparency Act o TIMTA, na siyang mag-gagawa na maging transparent yung mga insentibo sa buwis sa mga kompanya, at kung ano ba ang ating mga benepisyo diyan.

Importante din po yung 13th Month Pay Tax exemption increase, para po sa mas malaking take-home pay para sa mga mangagawa sa pampubliko at pribadong sector, tinaas po ng gobyerno ang tax exemption limit sa 13th month pay. Kung sa kasalukuyan ay kung ang bonus mo ay P32,000, ay iyan ay kasama na sa may income tax. Pagdating ng DIsyembre ng taong ito, hanggang P80,000 na Christmas bonus, ay yan ay exempted pa rin sa income tax.

Doon naman po sa Sandiganbayan, dinagdagan natin ng 2 division ang Sandiganbayan at para bumilis ang pagdi-dinig at paglilitis ng mga kaso. At finally yung mga senior citizens natin - para po sa ating mag senior citizens natin, atin pong binigyan sila ng free enrollment sa Philhealth at kaya po automatic na ang coverage ng ating senior citizens sa Philhealth. Yan po ang ilan sa mga importanteng batas na ating naipasa.

Q: Yung anti-dynasty bill nabitin po ang approval sa Kongreso. Diyan po ba sa Senado, palulusutin niyo po ba ito?

SPFMD: Ay ako mismo ang magtutulak niyan. Matagal na po iyang aking tinutulak, admittedly, hindi madali, pero akin pong itutulak ulit sa aming pagbalik sa session.

Q: Bakit po ba kailangan nang buwagin ang mga political dynasty?

SPFMD: Dahil sa akin po, ang karunungan sa serbisyo publiko cannot be a monopoly of one family. Yaan po ay nasa ating Saligang Batas, at yaan po ay dapat ipairal natin sa pamamagitan ng ating panukalang batas na ating itutulak sa Senado.

Q: Talaga po bang hindi na maihahabol ang Bangsamoro Basic Law sa Hulyo at sa Setyembre na ito maaprubahan?

SPFMD: Ang pangako sa akin ni Senator Bongbong Marcos ay sa July 27 or 28, isusubmit ang committee report at amin pong pagdedebatehan iyang committee report sa buong buwan ng Agosto. Binibigyan po natin ng buong buwan ng Agosto ang mga debate sa BBL, hindi po madali, at lahat ibubuhos natin para matapos ang BBL and we can come out with a law na talagang sangayon sa Saliganag Batas at talagang nakakabuti sa buong bansa.

Q: Sa kontrobersiyal na opt-in provision na nagsasabi na maari pang lumawak ang nasasakupan ng Bangsamoro, ano po ang posisyon diyan?

SPFMD: Hindi po ako sangayon diyan at ako ang isa mga unang nagsabi na hindi at walang "opt-in" dapat. Dapat may certainty, kung maipresente natin ang Bangsamoro Basic Law for ratification pagnatapos na namin yung batas, dapat ay yun' na, huwag na yung mga pamamaraan na lalaki ng lalaki.

Alam mo sa ngayon ay mataas ang degree ng mistrust, kaya huwag na natin lagyan ng mga provision na hindi naman kailangan at yun namang opt-in naman ay pagdating ng 10 taon pagkatapos natin maipasa ang BBL, kung talagang may clamor na sumali ay eydi pwede na ipasa ulit tayo ng isa pang batas, ipa-ratipika natin ulit pagdating ng panahon. Pero huwag ngayon.

Q: Sa meeting daw po ni Sen. Poe at Pangulong Aquino, hindi daw nabanggit na si Sec. Mar Roxas ang kandidato ng Pangulo sa 2016 elections?

SPFMD: Hindi ko po alam, at wala naman po ako doon sa meeting na iyon. Pero umaasa ang Partido Liberal, umaasa kami na ang Mar Roxas ang ieendorso ng Pangulong PNoy pagdating ng panahon sa Hulyo, pagkatapos ng SONA. Sabi ng Pangulong Aquino ay doon siya mag-announce ng kanyang endorsement, at sa ngayon, let it stand that way. Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa usapan nila.

Q: Kung hindi man si Sen.Poe ang ieendorse ng Pangulo, sa Vice Presidency, i-ooffer sa kanya?

SPFMD: This is too early. Siguro, may posibilidad po iyan, but at this stage it is too early to say.

Q: Maraming salamat po, Mr. Senate President.

SPFMD: Just one more note: Kung pwede ko po yayain ang ating mga kababayan, ang Independence Day celebration ay sa Iloilo bukas, kaya po pagkatapos nitong interview ay ako po ay pupunta sa airport na. Inaanyayahan ko po ang ating mga kababayan, makinig kayo sa DZRH, at kung pwede, maari kayong dumalo sa Iloilo sa 117th Indpendence Day na doon gaganapin sa Iloilo.

News Latest News Feed