Press Release
June 10, 2015

Transcript of Bombo Radyo Interview by Jun Desca with Senate President Franklin M. Drilon

Q: I understand ngayong araw po ang huling session ng 2nd Regular Session ng 16th Congress. Naging productive po ba itong Congress na ito diyan sa Senado?

SPFMD: Talaga pong productive. Siyempre ang nalalaman ng taumbayan, ang mga imbestigasyon, dahil iyon ang nabibigyan ng emphasis sa media, ngunit kami po ay maraming ipinasang panukalang batas na makakatulong sa ating bansa, lalo na sa ating ekonomiya.

Ngayong araw po ay ipapasa namin at ipapadala sa Malakanyang yung tinatawag na Anti-trust Law (Fair Competition Act), na magbabawal sa mga monopoliya sa ating ekonomiya. Bakit po mahalaga iyan? Dahilan ito kapag may monopoliya, nagmamahalan ang mga bilihin, ang mga mangangalakal na malalaki, sila ang nagkokontrol ng presyo. Iyan po ay ipagbabawal sa bagong batas na ating ipinasa, ang Anti-trust Law, at kappa lumabag po sa mga batas laban sa mga monopoliya, ay mayroon pong criminal na pananagutan.

Ito po ay dalawang dekada nang pinaguusapan sa Senado at sa Kongreso, may dalawapu't limang taon na itong pinaguusapan at ngayon lang naipasa. Maganda po itong batas na ito.

Pangalawa, nandiyan ang pagpapamura ng pamasahe ng mga kargamento o cargo fees between sa within o sa loob ng bansa at sa nanggagaling sa labas. Yaan po ay pwede nang ikarga sa mga foreign vessels at yan ay mas efficient, at mas magiging mura ang mga bilihin dahilan po ang mga fees duon sa cargo ay bababa, at pinayagan natin ang mga forerign vessels na mag-transport ng goods interisland. Mas efficient po, dahil medyo may kalumaan na ang ating mga cargo vessels dito sa inter-island shipping.

Pangatlo po, ang mga insentibong ibinibigay natin sa mga mangangalakal, ay ating ipublish ito, sa tinatawag natin na Tax Incentives Management and Transparency Act o TIMTA, kung saan ang mga mangangalakal na may insentibo o income tax holidays. Ipupublish po natin kung magkano ang mga buwis na hindi natin binayaran dahil pos a mga insentibo, at ano ba ang naging kapalit - mayroon bang mga na-hire na empleyado o manggagawa? Para po iyan sa transparency, mahalaga po itong batas na ito.

Of course, wag natin kalimutan, yung 13th month pay tax exemption, dati po hanggang P32,000 lang ang bonus mo ay pwede ma-exempt sa income tax. Tinaasan po natin hanggang P80,000. Ang bonus hanggang P80,000 ay hindi po babwasan ng income tax. Yaan po ay ipinasa natin ngayon, kasama na rin yung expanded Philhealth coverage sa ating mga senior citizens. Tiniyak po natin na meenroll sa Philhealth, kahit ano ang estado sa buhay, ito ay magiging automatic ang magiging enrollment sa mga senior citizens.

At sa larangan naman ng paglaban sa katiwalian, dinagdagan natin ang mga husgado diyan sa Snadiganbayan. Ang problema kasi diyan sa Sandiganbayan, parang pagong ang mga kaso diyan, pitong taon bago matapos. Kaya dinagdagan po natin ng 2 division ang Sandiganbayan, in the hope na mapabilis naman ang mga paglilitis ng kaso, at kung ikaw ay may pananagutan, sasagutin mo sa lalong madaling panahon.

Ilan iyan sa mga importanteng panukalang batas na aming naipasa sa Senado.

Q: Kahapon po tinapos na ng Senate Local Government Committee ang mga pagdinig sa Senado. Sinabi po ni Chairman Senator Bongbong Marcos na baka hindi na po maisama itong opt-in provision. Ano po ang tingin niyo?

SPFMD: Ako po mismo ang nagpanukala, hindi na ako papayag na may opt-in provision. Iyan ay ibig sabihin ay walang katapusan ang pagpapalawak ng Bangsamoro, hindi po ako pumapayag diyan, dahil naman sa ito, mainit na nga ang mga debate, ngayon pa lang idefine na natin kung ano po ang ARMM (or new Bangsamoro region), at hindi po ako papaya na pwedeng lawakan ng lawakan itosa mga darating panahon.

Ito po ang aking opinyon, at mabuti naman na at mukhang sumasang-ayon naman ang chairman ng Local Government Committee na si Senator Bongbong Marcos.

Q: Dalawa raw yung option ni Sen. Marcos: may posibilidad na amyendahan na lang ang ARMM Organic Law, o amyendahan ang version ng Malakanyang ng BBL na may sinasabing konting paglabag sa Saligang Batas.

SPFMD: Sa akin po siguro yung panukala na nanggaling sa Malakanyang, baguhin natin para po sumang-ayon sa Saligang Batas. Mas pabor po ako diyan.

Q: Balita po namin, may malaking event po sa Iloilo ngayong Independence Day, kasama po ninyo si Pangulong Aquino.

SPFMD: Opo, atin pong inaanyayahan ang ating mga kababayan na maki-isa sa paggunita ng ika-117th years ng kasarinlan nagyong Biyernes, June 12. Yung pong flag-raising ay gaganapin po sa Santa Barbara, Iloilo kung saan nuong November 1898, nakiisa po ang mga Bisaya na itaas ang watawat diyan sa Sta. Barbara at magtayo ng isang pamahalaang rebolusyonaryo na pinamunuan ni Gen. Martin Delgado.

Kaya po nagpasya ang Pangulo na diyan gawin ang flag-raising at ang traditional na vin d' honneur, ito po yung cocktails at pagbati ng mga diplomatic corps sa ating bansa on our Independence Day.

Ito po ang pagbati ng iba't-ibang bansa sa ating Independence Day, ay doon po ito gaganapin sa Iloilo, at mahigit po mga isang daang ambassador ang pupunta po in order po to join the President and to greet the country on its Independence Day.

Maliban po diyan, yung mga miyembro ng Kabinete, mga senador, mga congressman, mga Supreme Court justices at mga pinuno ng business sector at civil society ay pupunta diyan sa Iloilo at doon po magka-cocktails at mag-greet po sa Independence Day.

Kaya dito po siguro natin makikita ang united political leadership namin sa Iloilo at ang daang matuwid, ipinakita natin ang pagunlad ng probinsiya, ng lalawigan at ng lungsod ng Iloilo, makikita po ng lahatkung ano ang nagawa ng daang-matuwid, at nagkakaisang pamumunong politikal diyan sa Iloilo, at makikita nila ang improvements sa loob ng limang taong pamumuno ng Pangulong Noynoy Aquino.

News Latest News Feed