Press Release
March 18, 2015

STOP K TO 12 PROGRAM NOW!
Privilege Speech of Sen. Antonio "Sonny" F. Trillanes IV

Mr. President,

I rise today on a matter of personal and collective privilege. Ako po ay muling naninindigan sa inyong harapan bilang isang lingkod bayan at isang mamamayan na may ipinaglalaban.

Isang taon mula ngayon ay ipapatupad na ang tinatawag na K to 12 program kung saan may karagdagang taon o ang tinatawag na senior high school sa basic education ng ating bansa - isa sa mga malalaking pagbabago sa sistema ng edukasyon na nakapaloob sa Republic Act 10533 o ang Enhanced Basic Education Act of 2013.

Ang RA 10533 ay isinibatas noong 2013 upang isaayos diumano ang umiiral na modelo ng edukasyon sa bansa. Sa modelong ipinapanukala, isinabatas ang pagkakaroon ng isang taon na Kindergarten, anim na taon sa elementary, apat na taon sa tinatawag na Junior High School at karagdagang dalawang taon na tatawaging Senior High School - sumusumang 13 years basic at secondary education.

Ayon sa batas na ito, idaragdag ang dalawang taon ng Senior High School upang pagtibayin umano ang mga pang-akademikong kakayanan ng mga estudyante at hubugin ang mga ito ayon sa kurso o propesyon na gusto nilang pasukin sa kalaunan. Kasama rito ang pagsasanay sa Business, Accountancy and Management, Science and Technology, palaro at sining, at Technical-Vocational-Livelihood.

Di natin kukwestiyunin ang hangarin ng mga nagtulak ng batas na ito. Ngunit bago pa man maisabatas ang K to 12 Program, mariin ko na itong tinutulan dahil hindi ito praktikal lalo na't kung isasaalang-alang ang mga kasalukuyang problema sa sistema ng edukasyon sa bansa.

Mr. President, let me make it clear that I believe that there is nothing wrong with lofty goals and ambitious targets, especially where our youth is concerned. Most of us in this august body are parents, and we all want the best for our children. But just like any parent, I would like to see our government reconcile what it truly wants for our youth with what it can really provide.

Our programs, Mr. President, must be grounded on the fiscal and factual realities on the ground if these were to succeed and truly benefit our youth.

Noon pa ma'y sinabi ko na, hubad ang isang programang taliwas sa realidad.

Ngunit, tila marami ang hindi nakinig at marami ring hindi nakakaalam o kaya'y kulang ang kaalaman sa nilalaman ng nasabing programa.

It is easy to see past the issues of this program when one is blinded by the prospects of its advertised rewards.

At ngayon ngang tuluyan nang naisabatas ito, ang malaking katanungan pa rin ay kung makakamit ba natin ang mga layunin ng programa sa kabila ng mga problemang hindi pa natutugunan sa kasalukuyang sistema ng edukasyon; ang kakayanan ng mga magulang magpaaral ng dagdag na dalawang taon sa high school para sa kanilang anak at dagdag pa rito ang kawalan ng kahandaan ng mga public schools sa iba pang problemang inaasahan nating sasalubong sa atin sa pagpasok ng school year 2016- 2017

Kaya ngayon ako ay naninindigan sa panawagan na suspindihin ang pagpapatupad nito, at gagawin ko ang lahat ng aking makakaya bilang isang lingkodbayan upang maipaalam sa ating kababayan ang delubyong idudulot ng programang ito at nang sa gayon ay makasama ko sila sa panawagan kong ito.

Unang una, bakit nga ba natin kailangang ipatupad ang K to 12 Program? At bakit natin kailangang baguhin ang sistema? Ito ang mga basic questions which were never answered when this K to 12 was being deliberated here in the Senate.

In the public policy process, there should be a problem with the present system that we wish to address, that is why we are formulating a new policy or system.

Ayon sa mga nagtulak ng programa, ito raw ay magtataas ng quality ng education sa bansa. Ngunit kung poor quality ang problema, Mr. President, bakit increased quantity ang binibigay na solusyon?

Ano ang nangyari nitong mga nakaraang taon na naging dahilan upang bumaba ang kalidad ng edukasyon sa bansa? If it worked for us then, why shouldn't it work for this generation? Tingnan 'ho natin isa-isa ang mga kadahilanan.

Noong panahon po natin, kung bibisitahin natin ang mga paaralan, lahat ng estudyante ay may kanya-kanyang libro at la mesa; sapat na mga silid-aralan at mga guro para sa dami ng mga estudyante; may kaayusan sa bawat klase at mas nakakapagdisiplina ang mga guro dahil hindi nagsisiksikan ang mga ito.

Ngunit anong kalagayan ngayon? Naglibot ako sa maraming paaralan sa bansa at nakakalungkot makita ang kasalukuyang dinaranas ng ating mga mag-aaral at guro. Nasaksihan ko ang mga estudyante na nagka-klase sa ilalim ng puno dahil walang sapat na silid-aralan sa mga ito; ang iba naman ay gumagamit ng tinatawag na make-shift classrooms, at ang iba naman ay nagkakaroon ng maraming shifts sa klase, na nagsisimula ng 6:00 am (ala-sais ng umaga) at natatapos ng 8:00pm (alas-otso ng gabi), para lamang magkaroon ng pagkakataon ang lahat upang makapag-klase. Nasaksihan ko rin ang pagkakaroon ng multi-level teaching o kung saan ang Grade 1 hanggang Grade 4 ay iisa ang guro. Habang tinuturuan ang Grade 4, nakatulala lang ang Grade 1; kapag tinuturuan naman yung Grade 1, nagkukwentuhan naman ang mga Grades 4 at 3.

Sa lamesa, apat hanggang lima na estudyante ang naghahati-hati bawat isa; may isang libro o learning module para sa 60-70 students. Ang guro o estudyante pa ang gagastos sa pagpapaxerox ng mga ito. Sa ganitong sitwasyon, hindi talaga matututo ang mga estudyante. Ang mga guro, may sinasaway doon, may sinasaway dito; at sa huli, ang mga guro ay mapipilitang ipasa na lang ang mga ito upang hindi mapulaan sa kanilang paraan ng pagtuturo. Hindi ho ba may kasabihan na "if the student failed to learn, it's because the teacher failed to teach"? Ganito ang nangyayari kaya umaangat nang umaangat sa mga levels ang mga estudyante.

Ito ay ilan lamang sa mga dahilan kung bakit patuloy na bumababa ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Kung nakikita natin na ganito ka-basic ang problema, bakit napakakomplikado ang itinutulak na solusyon? Bakit dadagdagan pa ng dalawang taon ang haba ng pag-aaral ng mga estudyante? Tayo po ay mapalad na nakapag-aral sa UP National College of Public Administration and Governance ng public policy, at tayo ay tinuruan doon na kinakailangang alamin muna ang problema at dapat maghain ng solusyon na responsive dito. Sa pagkakataong ito, hindi nagamit ang prinsipyong ito.

Again, quality ang problema, therefore, hindi quantity ang solusyon.

Pangalawang dahilan na binibigay sa atin ay ito raw ay daan upang tayo ay maging globally competitive. Hindi ko po tatanggapin ang pahayag na ito dahil ang gobyerno natin mismo ay pinupuri ang ating mga Overseas Filipino Workers dahil sa mahigit dalawampung bilyong dolyar ang pinapadala nila sa loob ng ating bansa taon-taon. Kung hindi tayo globally competitive, bakit may nagpapadala ng ganito karami sa ating bansa? Ang ating mga nars, engineers, seaman at teachers ay in-demand sa ibang bansa. Hindi sila tinatanong kung 10 years o 12 years ba ang natapos na basic education dahil kakaiba po ang galing ng mga Pilipino.

Tayo rin ay nabigyan ng pagkakataon na makausap ang ilang may-ari ng shipping companies. Ipinaliwanag nila kung bakit mas gusto nila ang mga Pinoy sa industriyang ito. Dahil daw ang mga Pinoy seaman ito ay masipag, magaling, mabait, masayahin, magaang dalhin, hindi mareklamo at sumusunod sa mga patakaran. Ito ang mga katangiang hindi basta basta maaring makuha ng sinumang lahi na nakapag-aral ng kahit na K to 15 pa ang kanilang basic education.

Tayo rin ho ay bumisita sa bansang Canada kamakailan upang pag-aralan ang sistema ng kanilang edukasyon, pangkalusugan, at human resources. Napag-alaman natin na may kaso doon kung saan ang isang Canadian citizen ay naghabla sa kanyang employer dahil sa tinatawag na "reverse discrimination," o ang pagpili sa mga Pinoy workers kaysa sa mga nationals doon sa service industry.

Ngayon, kung may iilang propesyon man na nagkakaproblema kapag nagsasanay sa ibang bansa, bakit 'di na lang ayusin mismo ang programa ng mga ito pagdating ng kolehiyo upang di na kailangang madamay pa ang lahat ng estudyante sa buong bansa na wala namang balak magtrabaho abroad. Tayo ba nagpapa-gradweyt ng high school at ng kolehiyo para gamitin ng ibang bansa? Hindi po. Tayo nagpapa-gradweyt ng ating mga kabataan para gamitin natin ang talino at galing nila para pakinabangan ng ating bansa. Ang ating mga kababayan na nag-o-OFW, ay napipilitang mangibang-bansa dahil sa kakulangan ng oportunidad dito sa sarili nating bansa. Ito ang problemang kailangan nating solusyunan.

Higit pa rito, dahil sa K to 12, asahan nating tataas pa ang dropout rate sa mga paaralan. Base sa statistics, sa bawat 100 students na pumapasok sa Grade 1, 43 lamang ang nagtatapos ng high school sa kasalukuyang sistema. At sa mga ito, 23 students ang pumapasok sa kolehiyo. Ito ay patuloy pang bababa at lalala 'pag dating ng next school year.

Mr. President, ngayon pa lamang marami sa ating mga magulang ang pilit na pinagtatapos ang kanilang mga anak para maisaayos ang antas ng kanilang pamumuhay. Ngunit ayon sa pagtaya ng iba't-ibang grupo, ang dagdag na dalawang taon sa highschool ay nangangahulugan ng dagdag na gastos na aabot sa P20,000 (dalawampung libong) peso sa kagamitan, baon, pamasahe, at iba pang gastusin sa pag-papaaral kada taon.

Paano na makakayanan ng mga magulang ang dagdag gastos na ito kung ngayon pa lang ay hirap na sila dahil sa mga kasabay na nagtataasang gastos ng bilihan at pangunahing pangangailangan ng kanilang mga pamilya?

Paano na tayo magiging globally competitive kung hindi na tayo makapagpadala ng mga professional sa ibang bansa dahil wala nang nagtatapos sa kolehiyo? Worse, we would have a generation of high school dropouts, who would never be competitive in their lifetimes and would probably end up as criminals in order to survive.

Ikatlong dahilan daw kung bakit kailangan ang K to 12 ay ang pangako na pagkakaroon ng hustong edad at kasanayan ng mga high school graduates upang makapag-trabaho kaagad. Sa ngayon, libo-libo sa ating mga college graduates ang nananatiling walang trabaho; ang iba naman ay tinatanggap ang trabaho kahit hindi angkop sa kanilang pinga-aralan. Ngayon, ano ang ating kasiguraduhan na mas pipiliin ng mga kompanya sa bansa ang mga high school graduates ng L-12 kaysa sa mga nakapagtapos ng kolehiyo? Hindi edad ng high school graduates ang problema kundi walang trabaho.

Ika-apat na dahilan, ayon sa mga nagsusulong ng K to 12 ay isa tayo sa dalawang natitirang bansa sa mundo na walang K to 12 na basic education. Bakit kinakailangan nating maki-uso sa ibang bansa kung di naman ito naaayon sa pangangailangan natin? Hindi ba mas magaling nga na kaya natin gawin ng 10 years ang ginagawa nila sa 12 years? And following that logic na kailangan maki-uso tayo, papaano yan kung balang araw lahat ng bansa ay magkakaroon ng K to 20? Kinakailangan ba nating baguhin muli ang sistema natin? Again, it doesn't make sense from a policy perspective.

Maliban pa sa mga ito, may mga problema tayong nakikita na posibleng sumabog sa atin pagpasok ng 2016 kung di natin gagawan ng paraan ngayon pa lamang.

Dahil sa pag-umpisa ng senior high school sa 2016, inaasahang walang mag-eenroll na first year sa kolehiyo hanggang sa 2017. Ayon sa tantsa ng Commission on Higher Education, sinasabing aabot sa 75,000 (pitumpu't limang libo) na mga propesor at mga teaching personnels ng mga kolehiyo ang mawalan ng trabaho. May ilang kolehiyo na ang nagsabi na sila ay magsasara.

Paano natin ito tutugunan? Pipilitin sila na magturo sa senior high school kahit hindi nila larangan ang mga ituturo at kahit sila ay kasalukuyang may PhD at Masters degree na? Ang sinasabi bang stabilization fund na ibibigay ng gobyerno ay sapat upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga natanggal sa trabaho na ito? Ano ang mga mekanismo sa pagbibigay ng ayuda? Hanggang ngayon wala pa po.

Ang opisina ko po ay sumulat na sa iba't ibang kolehiyo at unibersidad sa bansa upang sila ay pakiusapan na huwag munang ipatupad ang kanilang mga planong magtanggal ng mga empleyado dahil gagawin po natin ang lahat ng aking makakaya upang masuspinde po ang programang ito.

Napakahirap tanggapin na ang isang programa na nangangakong magbibigay ng trabaho sa maraming kabataan ang siya ring magtatanggal sa trabaho sa marami sa ating mga educators sa bansa. Dapat isaalang-alang ng ating gobyerno na ang mga gurong ito ay di lamang numero or parte ng statistics, kundi mga taong may pamilyang sinusuportahan. Ganito ba natin susuklian ang mga guro na siyang humuhubog sa ating mga kabataan?

Mr. President, ang pangunahing problema ng edukasyon sa bansa ay ang kakulangan ng sapat na pondo upang tugunan ang patuloy na lumalaking pangangailangan at kakulangan sa pasilidad, guro at mga kagamitan. Hindi natin ito masosolusyonan sa pamamagitan ng isang sistema na patuloy lamang na manganganak ng karagdagang problema.

Sinasabi ng DepEd na natugunan na nila ang mahigit 66,000 backlog sa silid-aralan sa bansa. Ngunit inamin rin ng mga opisyal nito na ang datos na ginamit ay base pa sa 2010 records. May panlilinlang sa bahaging ito, Mr. President. Paano nasabi na ang pagkukulang ay natugunan na kung taon-taon ay lumalaki ang populasyon ng mga estudyante kasabay ng patuloy na paglaki sa pagkukulang sa mga silid-aralan? Paano na lang pagpasok ng 2016? Kinakailangang magdagdag ng 50% ng kasalukuyang bilang ng mga classrooms ngayon pero merong mag-eenroll sa freshmen for the next two school years. This, plus the fact that, in my inspection of public schools, not even one had a decent laboratory that is needed for the technical-vocation tracks of K to 12.

Base sa aking pag-iikot at konsultasyon, sinasabi nila na gagamitin muna ang mga gusali ng kolehiyo na walang tao. Sa kaso sa probinsiya, hindi tulad sa Metro Manila na magkakadikit ang mga paaralan, milya-milya po ang dapat puntahan ng mga estudyante. Kung doon man sila itatalaga, saan magoopisina ang high school faculty? Saang sulok ilalagay doon ang classroom ng mga bata? Paano na ang mga nahiwalay na estudyante kapag may school activity sila? Dagdag pa rito, paano kung bumalik na sa normal kalagayan o enrollment sa kolehiyo, saan na ngayon sila lilipat? Ang mga ganitong logistical problems, hindi naisip. Or Hindi iniisip.

This program, not only fails to address the most fundamental problems of our educational system. It also threatens to further marginalize the already impoverished sectors of our society - the parents, the teachers, and our youth.

The K to 12 program, sorely and patently, misses the point.

Sa halip, mas nararapat tawagin ang programang ito na K minus 12 dahil sa mga problemang nakikita dito: Kakulangan sa PONDO; kakulangan sa KAGAMITAN; kakulangan sa CLASSROOM; kakulangan sa GURO; kakulangan sa PLANO; kakulangan sa PANAHON upang paghandaan ang implementasyon; kakulangan sa IMPORMASYON lalo na sa mga maaapektuhan sa malalayong lugar; kakulangan sa KONSULTASYON sa mga tunay na maaapektuhan ng Programa; kakulangan sa KOORDINASYON sa mga iba't ibang sangay ng gobyerno at pribadong sektor; kakulangan sa OPORTUNIDAD para sa mga high school na agarang kailangan makahanap ng trabaho; kakulangan sa KAKAYANAN ng mga magulang na magpa-aral pa ng dagdag na dalawang taon sa high school; at kakulangan sa PUSO.

Kailangan nating pigilan ang programang ito at solusyunan muna ang mga kasalukuyang problema upang di na tuluyan pang lumalala. Para sa akin, nararapat na panatilihin muna ang kasalukuyang sistema. Habulin at tugunan ang kakulangan sa classroom laboratories, guro at mga libro. Itaas natin ang sahod ng mga guro upang mas maiangat ang kanilang morale at ganahan silang magturo nang mas mahusay pa. Magpatupad tayo ng diagnostic exams upang masiguro na pare-pareho ang kalidad ng pagtuturo sa buong bansa. Kung kwalipikado ang mga mag-aaral, hayaan silang magpatuloy sa kolehiyo; kung hindi naman, payagan silang kumuha ng vocational course na nais nila. Hayaan nating gawin ng TESDA ang kanyang mandato at paigtingin pa ang mga programa nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng scholarship sa mga interesado at nararapat na mga estudyante.

Mapipigil pa ba natin itong programa na ito? Opo, kaya po itong pigilin. Mayroong Congressional Oversight Committee on the Enhanced Basic Educational Program, na bahagi ng K to 12 na batas, at siyang binibigyan ng mandato upang usisain ang nasabing programa. Ako ay nananawagan sa ating mga kasama sa kapulungang ito na buuhin ang komiteng ito upang tignan ang kahandaan ng ating bansa para dito.

Noong nakaraang linggo, inilunsad ang Coalition for K to 12 Suspension na binubuo ng maraming guro, magulang, upang itulak ang pagpapatigil ng programang ito. Ako ay sumusuporta sa grupong ito. Ang Koalisyon ay dumulog rin sa Supreme Court upang hingin ang pagpapahinto sa programa. Ito ay susundan pa ng maraming pagkilos at kampaya upang mapaalam sa mas nakakarami ang problemang dulot ng K to 12. Sinisiguro ko, Mr. President, na gagawin namin ang lahat hanggang makarating sa pangulo at Supreme Court ang pagtutol ng mga mamamayan dito at ipaabot sa kanila na hindi handa ang ating bansa at ito ay malaking pasanin sa mga mamamayan.

Mr. President, inuulit ko na ang kinabukasan ng ating bansa ang nakasalalay dito. Huwag sana nating isugal ang kahihinatnan ng ating bansa sa isang programa na hindi pa natin nasusubukan o ni hindi man lamang natin napaghandaan. Suspend K to 12 Program now!

Maraming salamat po.

News Latest News Feed