Press Release
December 12, 2014

Transcript of DZRH Interview with Senate President Franklin M. Drilon

Q: Kanina ko pa po tinatalakay at sana po mabigyan niyong linaw ang pagbibigay ng emergency power sa Pangulong Aquino para po sa kakulangan natin sa power supply sa susunod na taon. Napasa na po ito sa Kamara, ang nangyari ay majority voting kaya wala nang problema, at aprubado na.

Pagdating sa Senado ay ano ang magiging legal procedure diyan? Iyan ay ba kapag hindi pipirmahan ng chairman ng energy committee- si Sen. Serge Osmena- at hindi niya ipinalabas ang committee report at binasura, ay nangangahulugan bang hindi na ito pagbobotohan diyan sa Senado?

SPFMD: Kung hindi iyan irereport ni Sen. Osmena sa plenaryo ang tungkol sa emergency powers ay wala kaming pagbobotohan. Yan po ang patakaran, kailangan muna magkaroon ng committee report.

Sa pagkaalam ko sa pagkasabi ni Sen. Osmena ay hindi naman ibabasura iyan pero ito ay kanyang pagaaralan, dahil hindi na rin kailangan ang authorization ng Pangulo na magkaroon ng additional powers para bumili ng generators. Yaan po ay sinabi ng DOE mismo sa hearing sa House na hindi na kailangan.

So sa pagkaalam ko ay ang emergency powers ay para lamang masiguro na yung power generators na nasa sector pribado ay pwedeng magamit ng publiko, yung tinatawag nating Interruptible Load Program. Ang ibig sabihin niyan ay yung mga gen sets na nadiyan sa mga malalaking mall na pwedeng irequire na gamitin para sa publiko, at para makatulong sa kakulangan sa supply ng kuryente pagdating ng Marso at Abril sa susunod na taon. So pepwede pa, kahit na ganuon. Sabi nga ni Sen. Osmena, baka sa Enero pa niya maisalang ang committee report.

Pero ang sagot sa unang tanong mo Neil ay pag walang sinubmit na report ay wala kaming pagbobotohan sa plenaryo.

Q: Mabuti na yung maliwanag po. Kasi baka magkamali yung ating mga kababayan, eh ang mangyayari ay kapag wala nang naisubmit na committee report ay wala ngang pagbobotohan.

SPFMD: Tama po iyan. Pero hindi naman siguro mangyayari iyan. Akin ngang narinig kay Sen. Osmena, ay sa Enero na niya isasalang yung Emergency Powers Act at hindi naman na kailangan pa bumili pa ng additional generating sets, dahil ang mga ito ay kung kailangan pang bumili, ay huli na dahil sa ngayon at hindi na iyan pwede sa Enero.

So paulit-ulit nga naming sinasabi ay sa pagkakaalam namin, ang DOE mismo ang nagsabi dati na kailangan natin bumili ng generating sets na aabot sa P6 billion. Ngayon nga ay hindi na iyan kailangan, at ILP na lang, o yung paggamit ng gen sets ng mga mall o ng mga malalaking kompanya na may private generator sets. Yaan na lang gagamitin, at babayaran na lang.

Q: Hindi po ba mag cause ng delay o magkakaroon ng problema kung sakaling hindi na magkaroon pa ng generating sets?

SPFMD: Tama po iyan, dahil iyan ang aking pagkakaalam. Pero sa huli po ang pagpapasiya ay nasa aming Committee on Energy na pinamumunuan ni Sen. Osmena kung sa tingin nila ay hindi na kailangan, ay yun ang magiging report sa Senado.

Q: Sa mga iba pang nakaambang batas sa Senado. Isang linggo na lang po ang sesyon, ano po ang inaasahan ng taumbayan pa sa Senado ngayong taon?

SPFMD: Unang una amin pong pagbobotohan yung General Appropriations Act para sa 2015, para magkaroon po tayo ng national budget. Sa Lunes po iyan, pagbobotohan po ng Senado ang bicameral conference committee report at yaan po ay magiging batas bago matapos ang taon.

Ang supplemental budget na ipinasa ng House ay amin ding susubukang maipasa bago matapos ang aming sessions sa susunod ngang linggo. Amin pa ding ipapasa yung Fair Competition Act o Anti-trust law, kung saan yun pong mga negosyo ay bubuksan natin sa kompetisyon, nang mawala na po yung mga tinatawag na monopolya. Aalisin natin po yang mga monopoly dahil iyan ang nagpapahirap sa bayan at yan po ay ipapasa sa Lunes.

Amin ding pinasa yung amendments sa Fisheries Code, yaan po ay magiging ganap na batas na. Tinaas natin diyan yung parusa ng mga illegal methods of fishing tulad ng dynamite fishing na ngayon ay mahina masyado ang parusa, eh kaya nauubos ang ating isda sa karagatan. Kaya namin iyan pinasa ay para magpataw ng mas mabigat na parusa as a deterrent sa mga illegal fishers.

Q: Maidagdag ko na din po yung mga nangingisda sa mga malalaking fishing vessels na gumagamit ng pinong-pino na lambat, na sinusuyod ang kailaliman ng dagat kaya pati ang mga fingerlings, nauubos.

SPFMD: Tama po iyan, yaan po ay pinaparusahan po ngayon ng malaki iyan, para mayroon tayong deterrent, hindi lang sa mga dynamite fishing kungdi narin duon sa mga malalaking fishing vessel na hinuhuli pati yung mga malilit na isda. Ito po ay proteksyon ng ating kinabukasan ng ating karagatan, nang hindi mawala ang ating resources.

Q: Ano po ba ang pinakamalaking parusa diyan - bilang warning na rin sa lahat?

SPFMD: Ang pinakamalaking fishing vessels na nagpupunta sa mga international waters, ay hanggang P45 million ang kanilang babayaran kapag nahuli silang gumagamit ng fishing nets na ilegal.Yaan po ang magiging parusa nila.

Q: P45 million po?

SPFMD: Tama iyan o equivalent to $1million, dahil iyan po ang nakasaad sa mga international agreements na ating pinirmahan sa mga international seas.

Yung mga hindi po malalaking barko ay hindi po ganyan ang fine.

Q: Hindi lang po ba yan multa - meron din kasong criminal at pagkakakulong?

SPFMD: Tama iyan. Hindi ko lang maalala ang exact detail ng pagkakakulong.

Q: Dito po sa hanay ng PNP, ngayong suspendido na si PNP Chief Alan Purisima, ano po ang inyong reaksyon diyan?

SPFMD: Alam mo, mahalaga na magdesisyon na ang Pangulo dito sa kalalagyan ni Director Alan Purisima dahilan po sa susunod na buwan sa 2015 ay may dalawa na malalaking events sa bansa - yung pagdating ng Santo Papa sa Enero at yung APEC ministerial sa pangalawang kalahati ng taon.

Ito po ay malalaking events na kailangan ang napakaayos na seguridad, sa aking tingin. Hindi tayo pwede magpabaya rito, kaya hindi biro ang pangangailangan ng ating bansa sa security. Kaya mahirap po na ang OIC lang - alam mo kasi pag OIC ka lang ay hindi ka pwede mag-appoint ng tao, hindi ka pwedeng magreshuffle. Tali ang kamay ng kung sino man ang OIC ngayon - si General Espina ata - ngayong lalo pa na kailangan nating pagigtingin ang seguridad sa susunod na taon.

Kaya kailangan na magdesisyon na, sa aking tingin. Kailangang magdesisyon na sa kalagayan ni Director General Purisima. At the very least, siguro kailangan natin hindi ng isang OIC kungdi isang acting Director General.

Q: Yes at dapat, as soon as possible.

SPFMD: Tama, dahil limitado ang kapangyarihan at otoridad ng officer in charge. Mahihirapan siya na magimplementa ng mga security measures na kailangan natin sa susunod na taon.

Q: Bilang miyembro po kayo ng Liberal Party - ano na po ba talaga ang status ng kandidatura ni Secretary Mar Roxas, ngayong matunog ang pangalan ng tambalang Grace Poe at Chiz Escudero na mukhang ang dalawang ito ang napipisil na tumakbo sa Presidential at Vice-Presidential positions?

SPFMD: Alam mo Neil sa akin, with the latest results of the survey, this is now an open race for the Presidency. Ibig sabihin, sa mga nakalipas na 4 na buwan ay dati ay lamang na lamang si Vice President Binay, nasa around 40 percent siya. Ngunit ngayon dahil sa ilang beses na rin bumaba ang rating ng Vice President, umabot na sa 26 percent at naging pangalawa si Grace Poe by 18 percent. Isang taon pa ang halalan, mahigit pa nga sa isang taon dahil 18 months pa. Sa aking tingin, this is an open race. Anybody can now aspire for the Presidency kung mayroon silang ambisyon at kakayahan na iharap ang sarili nila sa taumbayan.

Wala pong nakakasiguro na at this point. Wala pong may tunay na lamang, dahil ang mga pagitan ng mga pangalan ay hindi na ganuon kalaki, at may plus or minus 3 percent na error, ibig sabihin, kung ikaw ay nakakalamang lamang ng 3 o 5 percent ay iyan po ay tawaging statistical tie. Neil, 18 months pa bago ang halalan - this is really an open race for the Presidency.

Q: Pano po ang inyong plano na tumakbo?

SPFMD: Siguro naman ay maya pa akong termino bilang senador, ay wala naman po tayong sapat na salapi para lumahok diyan at sa tingin ko, mas marami po akong magagawang mabuti sa Senado. Sa Senado tayo siguro babalik.

Q: Isa na lang po - sunod sunod ang pagbagsak ng mga presyo ng krudo sa oil market, dapat po ba magkaroon ng rollback sa presyo ng mga bilihin?

SPFMD: Ay dapat po. Kailangan natin iyan. Kaya nga po ako ay nanawagan sa ating mga businessmen at trade leaders, na huwag na itaas ang presyo ng mga bilihin sa pagdating ng Pasko. Kami po sa Kongreso ay tumutulong at ginagawa ang lahat para magkaroon ng maayos na pamumuhay ang ating mga kababayan.

Sa private sector nanawagan po kami: Kung pwede please do not take advantage of the Christmas Season to increase your profits. Bumaba na ang cost of production natin dito, bumaba na rin ang singil sa kuryente, bumaba na ang mga pamasahe lalo na sa mga jeep, ay dapat iyan ay huwag sabayan ito ng pagtaas ng bilihin. Kami po ay nakikiusap.

News Latest News Feed