Press Release
December 2, 2014

Transcript of Bombo Radyo Interview
with Senate President Franklin M. Drilon

Q: Ilang linggo na lang po ang taon, ano pa po ba ang mga panukalang batas na pinagkaka-abalahan at nais matapos ng Senado? Lalo na ngayon, ilang linggo na lang at Christmas break na.

SPFMD: Alam mo Elmar, nagpulong kami ni House Speaker Sonny Belmonte at napagkasunduan namin ang mga panukalang batas na tatapusin bago ang Christmas break.

Unang-una, kahapon ay natapos at niratipika na ng Senado ang batas tungkol sa pagtataas ng mga parusa duon sa mga illegal dynamite at illegal fishing. Mahalaga po iyan dahil kailangan natin pangalagaan ang ating local na fishing industry.

Pangalawa, naratify din ng Kamara de Representante kahapon yung batas tungkol sa tax exemption limit sa 13th month pay. Sa kasalukuyan, pag lagpas na sa 30,000 ay iyan ay subject na to income tax ang ating Christmas bonus. Ngayon tinaasan namin iyan sa Senado sa P82,000. Bakit P82,000? Kasi iyan ang value ng ating pera nuong 1995, kung kelan pinasa ang batas na iyan ukol sa tax exemption. Kaya sa susunod na taon, ang tax exemption sa bonus ay hanggang P82, 000 na. Pag tumanggap ka ng P82,000 ay sakop pa iyan ng tax exemption.

Q: Ito pong pigura ng tax exemption bill niyo sa Senado ang masusunod sa inyong bicameral conference committee?

SPFMD: Well, hindi na kailangan ng bicam kasi inadopt ng House of Representatives ang aming version sa Senado. Pero ito ay baka hindi na umabot ngayong taon. Sinikap namin na tapusin ito ngayong Disyembre pero dahilan sa Malakanyang - at baka magiissue pa ng rules and regulations ang BIR - ay baka hindi na umabot sa Christmas bonus ito ng 2014. Pero sigurado po ako sa 2015 ay iyan po ay magiging batas na.

Tatapusin din namin po ang budget for 2015. Next week, matatapos na po iyan at naguusap na ang parehas na kapulungan sa bicameral conference committee at matatapos iyan bago matapos din ang taong ito.

Ang supplemental budget na hinihiling ng Malakanyang ay aming din tatalakayin, para po matapos ang mga proyekto na nakabinbin dahil sa desisyin ng Korte Suprema duon sa DAP dahil may mga proyekto na hindi natapos. Para po mapondohan iyan kaya humihiling ang ehekutibo ng supplemental budget.

Q: Natalakay po ba diyan sa meeting yung charter change proposal o yung naturang amyenda pagdating sa batas natin - sa Konstitusyon- na may kaugnayan sa ekonomiya? Nabanggit po ba iyan?

SPFMD: Ang usapan po namin ni Speaker Belmonte, ay tatapusin muna nila iyan. Kapag natapos po nila iyan sa Kamara ay ipapasa po sa amin. Kailangan po ipasa nila muna iyang mga constitutional amendments at tsaka namin tatalakayin.

Q: So bukas din kayo sa pagamyenda sa Saligang Batas?

SPFMD: Tama po iyan. Basta economic provisions lamang, ay kami ay bukas diyan.

Q: Kahapon naman ay nagkaroon ng pagdinig diyan sa kontrobersiyal na Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA. Mayroon daw pong resolusyon na isusulong diyan sa Senado. Ano po ang posisyon diyan ng liderato ng Senado?

SPFMD: Ang posisyon ko po ay ganito: kung tratado man o agreement ang EDCA ay iyan po ay nasa Korte Suprema. Ibig sabihin, kung sasabihin ng Korte Suprema na ito ay isang tratado na kailangan ng ratipikasyon ng Senado ay ipapadala po sa amin iyan ng Malakanyang. Ngunit kung sasabihin ng Senado na ito ay isang executive agreement lamang, at ito ay hindi na kailangan ang ratipikasyon ng Senado ay ito ay hindi na ipapadala ng Malakanyang sa amin.

Kaya ang susi diyan ay ang magiging desisyon ng Korte Suprema - kung ano bang klaseng "animal" itong EDCA na ito. Ito ba ay treaty o executive agreement? Dahilan sa ngayon, wala pong makapagutos sa Malakanyang na iapadala sa amin ang EDCA. Dahilan po ang posisyon ng Malakanyang ay hindi kailangan ito ng ratipikasyon kaya iyan po ay nasa Korte Suprema. Q: May nakapending po na pagdining po diyan sa Supreme Court, di po ba?

SPFMD: Tama iyan. May pending na petition sa Korte Suprema. Yan precisely ang issue na kailangan pa ba ng ratipikasyon ng EDCA o hinde. So finally, ang Supreme Court ang magsasabi na , "Senate, iratipika niyo ito, o otherwise kung hindi niyo iraratipika ito ay hindi ito magiging epektibo." At that point, mapipilitan ang Malakanyang na ipadala sa amin ang EDCA.

Kung walang ganung klase ang korte, ang posisyon ng ehekutibo ay di kailangan ng ratipikasyon ng Senado.

Q: Ukol po duon sa supplemental budget. Para po sa kalinawan ng lahat, ano po ba itong supplemental budget at para saan po ba ito? Isasama po ba ito sa 2015 national budget?

SPFMD: Ito po ang mga pondo para sa kakulangan na gagawan ng authorization, dahil maraming mga project na nakabinbin o di matuloy dahil alanganin ang mga miyembro ng Kabinete because of the decision of the Supreme Court in the DAP. Mayroon pong mga projects na hindi matuloy-tuloy dahilan sa desisyon ng Korte Suprema, at para mailagay sa tama ang lahat kaya naghain ng supplemental budget ang ehekutibo. Kailangan din ng dagdag pondo para naman sa preparasyon sa Apec summit.

Q: Ano po ang inyong huling mensahe sa ating mga tagapakinig ngayon?

SPFMD: Maraming salamat sa ating mga tagapakinig. Asahan po ninyo na ang Senado ay patuloy na gagawin nag mga panukalang batas na makakatulong po sa ating bansa, lalo na sa ating mga mahihirap. Ihahabol ko lang - yung subsistence allowance ng Armed Forces of the Philippines, iyan rin po ay aming ihahabol, para naman po sa kapakanan ng ating mga sundalo at kapulisan.

Uulitin ko lang po - ang kapakanan ng taumbayan ang aming agenda, kasama ng paglalabas ng katotohanan sa buong bansa na siya rin naming pagsisikapang gawin. Kaya magandang umaga po mula kay Senador Drilon, and have an early merry Christmas.

News Latest News Feed