Press Release
November 18, 2014

Speech of Sen. Grace Poe
Chief Girl Scout Presentation Ceremony
18 November 2014

Maraming salamat at naimbitahan ninyo ako ngayong araw sa Chief Girl Scout Presentation Ceremony. Karangalan kong makapiling dito sa PICC ang mga kababaihang huhubog sa kinabukasan ng ating bansa. Once a girl scout, always a girl scout. Nung grade school ako, Star Scout din ako sa St. Paul's Pasig, at naalala ko na yun yung isa sa mga award na natanggap ko nung ako ay grumaduate ng grade school. Kaya, hindi ko talaga makakalimutan. And I feel na I am one of you even if I didn't continue with all the activities when I was in high school--I've seen what you have done.

Noong tumira ako sa Estados Unidos bilang college student hanggang maging bagong maybahay, pamilyar na pamilyar ako sa berdeng uniporme ng girl scouts. Madalas akong makatok sa bahay ng mga batang babae na pagkatamis-tamis ngumiti, at napakagaling mangumbinsi para bentahan ako ng girl scout cookies. Ewan ko kung narining ninyo iyan pero may mga cookies sila na mga Doosie Dos ang pangalan at talagang paborito naming iyan. Pero, bumibili ako di lang dahil sa masarap ang mga cookies na ito kung hindi dahil naniniwala ako sa kahalagahan ng pagbuo ng tiwala sa sarili ng mga batang babae sa pamamagitan ng interaksyon sa kapwa. Bumibili ako ng girl scout cookies dahil gusto kong suportahan para mapatunayan nila sa sarili nilang kaya nilang gawin para makatulong sa kanilang kapwa. Win-win ito dahil nasarapan na ako sa cookies, natuto pa ng aral na dadalhin ng munting bata sa kanyang paglaki bilang isang girl scout.

Dito sa atin sa Pilipinas, wala tayong tradisyon ng pagbebenta ng girl scout cookies. Pero sa tingin ko, mas exciting dito sa atin dahil sa meron kayong mga camping, at mayroon kayong mga community projects para makatulong sa mga nangangailangan. Natitiyak ko na ang bawat girl scout na sumama sa camping minsan man sa buhay nila, may alaalang hindi malilimutan. Nasasabi ko ito dahil kahit ang mga amiga ng nanay kong si Susan Roces, na mga lola na, akala mo mga dalagita pa kapag nagkukuwentuhan ng kanilang mga karanasan. Matanong ko nga pala sa mga nandito ngayon--mayroon ba kayong mga naaalala sa inyong mga camping trips? [pause] Sino sa inyo ang nag-camping trip na? [pause] Marami-rami na rin, hindi ba? Naalala ko rin sa Girl Scouts kami dati nagfie-field trip kami--pupunta kami nga mga Mt. Makiling--basta kung saan-saan kami pumupunta. Every Friday, sa St. Paul's noon ay clubs' day. And I can't wait na dumadating yung mga Girl Scouts, mga special professors at mga special teachers naming dahil yun ay parang de-stress sa amin at isa pa, parang mas nalalaman mo yung nagyayari sa iyong kapaligiran. At proud na proud ka talagang isuot ang uniform mo. Naiiba ka sa lahat ng mga clubs pag mayroon kang suot na Girl Scout uniform.

Mahalaga ang girl scouts bilang isang institusyon dahil nakalilikha kayo ng samahan sa pagitan ng mga batang babae sa panahong krusyal ang presensiya ng isang kapwa babae sa buhay nila. Iba ang pagkakaibigan sa pagitan ng mga babae. Kasi diba iba ang samahan kapag magkakasama talaga kayo mayroon kayong lakas ng loob, nagbibigay kayo ng moral support sa isa't isa.

Ang nakakatuwa sa Girl Scouts of the Philippines sa kasalukuyan, nilagpasan pa ninyo ang nakagisnang gawain at tradisyon ng girl scouts sa ating bansa. Itinaas na ninyo ang pamantayan. Hindi na tungkol sa pagca-camping lang ang pagiging girl scouts. Ngayon, ang mga batang babae na naka-berdeng uniporme, makikita mong nakikisangkot na sa mga issues sa lipunan. Nakakatuwa na ang girl scouts ngayon, nagbibitbit minsan ng placard para isulong ang isang adbokasiya. Kumbaga, lumabas na kayo mula sa inyong mga tent papunta sa lipunan.

Sana, isama ninyo na itinataguyod ang isinusulong kong libreng pananghalian sa lahat ng public schools. Alam ninyo po, mga Girl Scouts, ang ating bansa raw ay yumayaman na. Ang ating ekonomiya ay lumalago. Pero, marami pa rin ang patuloy na naghihirap. Alam ninyo ba na sinabi ng UNESCO na ang Pilipinas ay ika-siyam sa pinakamaraming drop-outs sa buong mundo. At kahit na mataas ang ating literacy rate, maraming nagda-dropout. At ang pinakamalaking dahilan ng pagda-dropout ay dahil wala silang madalang pagkain sa school, at wala silang pambili ng pagkain. Nakakalungkot naman iyon.

Pangalawa, alam ninyo ba na kahit iniisip ninyo na naku, ang yaman ng China, ang yaman ng iba't ibang bansa sa Europa, alam ninyo ba kung papaano natin sila nahihigitan? Ang sabi ng World Economic Forum, ang advantage daw ng ating bansa ay ang ating young workforce. Ibig sabihin, habang ang populasyon nila ay tumatanda, tayo naman, maraming bata sa ating populasyon na pupwedeng magtrabaho. Pero papaano naman tayo magiging malakas kung ang ating mga anak o ang ating mga bata ay hindi nabibigyan ng sapat na suporta ng pagkain? Alam ninyo po, halos 6 na milyong Pilipino na mga bata ay malnourished or undernourished. At 500,000 ang severely wasted. Alam ninyo ba ang ibig-sabihin ng severely wasted? Parang tansan na lamang ang laki ng kanilang mga braso. That is unacceptable. Especially now that we're saying that our country is prosperous. Hinihiling ko po ang tulong ng Girl Scouts. Kung mayroon kayong mga kakilalang congressmen or senador, sulatan ninyo na suportahan nila ang Sustansya sa Batang Pilipino. Ito po ay sinusulong ni Sen. Pia, ni Sen. Sonny Angara para magkaroon na nga ng libreng pananghalian sa mga paaralan.

Ngayon, nais ko ring ibalita sa inyo na sa susunod na school year, lahat ng severely wasted sa public schools ay mabibigyan na ng pagkain. Itinulak po naming iyan sa budget ng DepEd. Tapos yung sa budget naman ng DSWD, ang mga daycare centers ay mabibigyan ng pagkain. Ako po'y tiwalang tiwala na sa tulong ng Girl Scouts, eto po ay makakapasa. Ang dami po--lahat po kami na nasa gobyerno ngayon ay at one point naging Girl Scout, naging Boy Scout, o may mga anak na nasa Girl Scout o Boy Scout. Malaking tulong po iyan.

Ngayong hapon, igagawad natin ang Chief Girl Scout Medal sa 606 na indibidwal na nakakumpleto ng proyektong nakapagpaunlad sa pamayanan sa larangan ng ekolohiya, kalusugan, kabuhayan, o pagyayayamang kultural. Isa itong pagkilala sa kahusayan ng kababaihan at ng ating kakayahang magsulong ng makabuluhang pagbabago sa ating bansa. Sa lahat ng awardees natin ngayong araw: saludo po ako sa inyo. If I may, kahit hindi na po ako active, congratulations po. Nawa'y dumami pa ang inyong tribo ng libu-libo para maraming magmalasakit sa ating kapwa Pilipino.

Isang bagay na ikinakabilib ko sa girl scouts ay ang inyong paniniwala na matatamo ang tagumpay kung magpapakita ang mga tao ng malasakit sa isa't isa. Simpleng-simple, di po ba, pero totoong-totoo. At minsan, hindi madali. Napanood ninyo naman iyong video, diba? Sabi nung isa, kung nahihirapan ka, kung malungkot ka, iiyak mo lang. Maganda iyon. Pero ituloy mo pa rin ang trabaho mo. Keri ninyo yan, hindi ba? 'Di ba iyon yung mga sinasabi sa atin.

Kumbinsido ako na kinakatawan ng Girl Scout ang lahat ng katangiang kinakailangan para maging pinuno ng ating bansa. Yun lang na pagbibigay ninyo ng pagpapahalaga sa ating bansa sa pagtayo ninyo ng matuwid kapag nandiyan ang ating bandera, importanteng-importante po iyan. Nilalaman ng 10 Batas ng Girl Scout ang lahat ng hinahanap natin para sa ating pamahalaan: Ang Girl Scout ay mapagkakatiwalaan. Ang Girl Scout ay matapat at matulungin. Ang Girl Scout ay kaibigan ng lahat at kapatid ng bawat Girl Scout; mapitagan, magalang sa lahat ng may buhay--tao man o hayop, disiplinado, at matipid. Naku,importante iyan. Disiplinado at matipid. Lalo na tayong mga kababaihan. Someday, mag-aasawa kayo, magbu-budget kayo ng pamalengke, kung ano man ang kailangan ng pamilya ninyo, at pag nagtrabaho naman kayo sa gobyerno--baka maging senador ang isa sa inyo--kailangan din ninyong i-budget kung saan ilalagay ang pera ng gobyerno. Kaya kapag nanonood kayo ng mga hearing ng Senado, maraming nagsasabi "naku, saying naman ang oras. Hindi naman kailangan niyan." Pero napakahalaga po na ang mga naninilbihan sa inyo ay mapapagkatiwalaan ninyo.Kaya lamang po, importante rin na patas ang lahat sa pagdinig. Kaya kayo, siguro kahit na sa mga kaibigan ninyo, halimbawa may mga nag-cheating sa exam, nakakatawa. Sorry po ma'am, pero minsan kapag highschool ka or gradeschool, mayroong kodigo o kopyahan. Pero alam ninyo po, ito ang nagiging basehan. Pagtanda ng iba, akala ninyo, okay lang na basta na lang makalusot. Pero sa ating bayan, dapat pahalagahan natin ang kalinisan ng ating reputasyon at ang ating pagiging tapat.

At alam ko maguumpisa yan--kayong mga Girl Scout, mga Boy Scout--kayo ang dapat unang nagbibigay ng tamang ehemplo. Ang Girl Scout ay may sariling paninindigan. Panghuli, ang Girl Scout ay malinis sa isip, sa salita at sa gawa. Kung ang lahat ng batas ng Girl Scout ay susundin at kakatawanin ng isang babae, walang kaduda-dudang makabubuti ang kanyang paglilingkod sa ating bansa. Hinahamon ko ang mga naririto ngayon na pumasok sa serbisyo publiko. Sinasabi nila, kulang ng mga tapat na tao sa gobyerno. Pwes, sa tingin ko dapat manggaling sa mga Girl Scouts na hinuhubog ngayon ang mga maninilbihan--kahit na sandal lamang sa gobyerno--para naman talagang maging maayos ang pagpapatakbo nito.

Muli, maraming salamat po sa inyong pag-imbita dito, ako po'y nabibilang sa inyo. Salamat sa pagpapaalala sa akin and congratulations to all the awardees this afternoon. Congratulations.

News Latest News Feed