Press Release
September 23, 2014

Transcript of Sen. Grace Poe's Umagang Kay Ganda Interview
With Mr. Anthony Taberna

ANTHONY TABERNA: Kausapin po natin si Sen. Grace Poe, ang chairperson ng Senate committee on public order and dangerous drugs. Sen. Grace Poe, ma'am, umagang kay ganda po sa inyo!

POE: Umagang kay ganda, Anthony at sa lahat po ng nakikinig, umagang kay ganda po.

TABERNA: Nakita niyo naman po ang report po ng TV Patrol kaugnay po ng mga ari-arian ni Gen. Purisima, kayo po? Ano po ang reaksyon po ninyo?

POE: Syempre kung titingnan ko yung report, talagang mayroong medyo kaduda-duda doon sa mga ipinakita. Kaya nga para sa akin kasi lalung-lalo na may mga ganyang issue, pagkakataon dapat ng isang leader na magpakita at iisplika ang kanyang sarili kasi pag mananahimik ka, mas lalong lumalaki pa ang duda. Kaya nga inimbitahan din namin siya. Sana pagkakataon niya para tulungan ang kanyang ahensiya lalung-lalo na gumagawa kami ng mga batas para sa PNP modernization at sa pagkakataon na rin na yon i-report na rin sa amin kung anong mga plano niya para sa PNP at para sa sarili niya.

TABERNA: Pero ito pong report po sa SALN ni Gen. Purisima. Halimbawa po, ito pong naipundar po niyang mga ari-arian sa San Leonardo, Nueva Ecija. Ang nakalagay po sa kanyang SALN, ito po'y nabili niya noong 2002 at makikita naman po natin kung nanonood po kayo ng TV. Ito po ay nagkakahalaga ng P1.2-million at ang deklarasyon ngayon ay P3.7-million, ano po ba ang pwedeng maging hitsura ng leadership ng PNP ngayon lalo na't ang direksyon po ay linisin ang atin pong hanay.

POE: Alam niyo po pag titingnan po lamang ang kanyang SALN... kunwari mag-iimbestiga tayo, magkano ba ang sweldo ng isang PNP chief? So, sabihin na nating may trabaho ang kanyang misis, magkano ang sweldo? Dapat nakalagay rin doon sa SALN kung ano ang ari-arian ng misis. Malalaman mo naman kung talagang makakayanan ang ganoong klaseng ari-arian. Ngayon kung sabihin nilang binili pa nila ito noong 2002, magkano ang sweldo bago noon? Lahat po yan madali lang sana. Para sa akin ganito, pag ang lahat po tungkol sa SALN, lalo na ngayon nakasampa na yung kaso na yan sa Ombudsman, siguro pwede nating pag-aralan na pag ang kaso ay SALN dapat public in nature, mabilis na yung pag-imbestiga niya sapagkat madali naman yan. Kung sweldo ang titingnan at ikumpara sa ari-arian, mabilis nang makakagawa ng desisyon. Pangalawa, makikita mo naman kung malisyoso talaga yung pagre-report o hindi. Kunwari, ilang libo lang naman yung pagkakamali, kunwari evaluation, by the thousands, biglang nag-spike yung real estate market, maiintindihan mo yun. Pero kung in-undervalue talaga ang pagre-report o kaya mayroong isang income na nilagay diumano pero mukhang hindi naman nababawasan ang utang lalo na yung sinabi ni Ted Failon kahapon. Parang nakikita mo na hindi talaga inilagaan ang pagkagawa ng SALN. Kaya't itong SALN na ito, mas lalong dapat tutukan natin ito sapagkat ginamit ito para i-impeach ang isang chief justice. So yun po ay isang precedent na hindi mo naman pwedeng sabihin na sa ibang tao pwede itong gamitin pero sa iba hindi. So, para sa akin ngayon ano? Lalong-lalo na magkakaroon kami ng hearing tungkol dyan. Pagkakataon mong mag-isplika pero kung mayroong dapat magbusisi talaga niyan, sana sa lalong madaling panahon yung Ombudsman.

TABERNA: Ombudsman po. Pero mayroon pong mekanismong binuo ang DILG, PNP at tutulungan din po sila ng BIR. Kayo po ba, galing po sa inyong puso ay umaasa na may mangyayari dito po sa lifestyle check ito? Wag naman natin i-single out si Gen. Purisima kundi po kahit na sa hierarchy na lamang po ng PNP.

POE: Alam mo dapat lang talaga...ako talaga umaasa sapagkat ang dapat nating isipin dito ay ang ehemplong pinapakita natin lalo na sa mga kabataan, yung mga bagong pulis o kaya yung mga mismong mga pulis na naglilingkod ng tapat. Hindi natin sinasabi na guilty na talaga lahat yung napapabalita ngayon kaya pagkakataon na pag nag-lifestyle check, baka mapatunayan na hindi sila nagkasala. Pero pag nakikita mo nga yung ganyan ano? Kahit na nandoon sa pagpapatunay na ang gobyerno ay walang kinakampihan na kahit na sabihin mong malakas ka sa isang tao o hindi, yung batas pa rin ang ating pinaiiral. Dapat naman talaga kasi para sa akin kung ikaw ay isang leader, you should serve a purpose higher than yourself diba? So, kahit na si Gen. Purisima sa punto ngang ito, tinatanong anong dapat niyang gawin. Dapat isipin niya kung ang kanyang liderato ay epektibo ba o kung ito'y nakakasira sa institusyon. Sabi nga nila, great leaders should be able to walk away when situations call for it, lalong lalo na kung imbes na nakakadagdag ka ay nakakabawas ka pa. So, sana nga itong lifestyle check ay hindi lamang magkaroon ng bunga, kailangan sana mabilis kasi kung habang tumatagal ito, lalong nadudungisan ang institusyon na dapat ay pinu-protektahan.

TABERNA: Opo, yung huli na lang po kasi hawak namin yung SALN niya. Nakalagay po mayroon po pala siyang mga negosyo, mayroon po siyang trucking saka mayroon pong general merchandising sa Nueva Ecija. So, para po sa inyo madali lang po palang matukoy kung mayroon pong ill-gotten sa kanya pong mga ari-arian ano ho?

POE: Para pong ganon kasi kung ipa-fast track yan, nakasaad na kasi so unang-una, hanapin mo sa BIR siguro kung mayroong mga binayaran na mga buwis para doon sa trucking companies at kung magkano. Kung wala naman nakalistang ganon edi alam mo na may anomalya dyan, may malisya dyan sa paglalagay ng mga negosyo na yan. So, dahil nga nakalista na lahat sa SALN, sa tingin ko kung bubuo ng isang panel for the lifestyle check specifically for the purpose nga ng PNP. Mabilis nilang matutukoy yan dahil nakasaad na lahat dyan. Pag mayroong hindi magkatugma dyan, alam mo nang may pagkakamali kaya nga po sana hindi lamang sa pagsasalita, oo magla-lifestyle check na kami, sana bumuo ng magsasabi na "nag-uumpisa na kami dito at ine-expect namin na mga lima nito matatapos na by next month." Kasi hindi naman yan kaso ng kung sino ba ang pumatay, alam mo naman kukuha ka pa ng finger print, kukuha ka pa ng testigo. Yung SALN, diretso na, nakasulat na lahat dyan kung ano yung mga dapat mong tingnan.

TABERNA: Opo. Sen. Grace Poe, maraming salamat po sa inyong oras at aasahan po namin ang mas masinsin na pagsisiyasat po ninyo sa isyung ito. Salamat po at umagang kay ganda po sa inyo.

News Latest News Feed