Press Release
September 4, 2014

Transcript of DZRH Interview with Senate President Franklin M. Drilon

Q: Doon po sa suspension ng tatlong senador? Mukhang umaalma ang mga miyembro ng oposisyon?

SPFMD: Alam mo Neal bilang Pangulo ng Senado, aking ipinatupad ang order ng Sandiganbayan na ipasuspinde si Senator Juan Ponce Enrile, Senator Jinggoy Estrada at Senator Bong Revilla kaugnay sa pork barrel scam. Tayo po ay tumatalima lamang sa Sandiganbayan at sa mga anti-graft at plunder laws na kami mismong mga mambabatas ng Kongreso ang nagpasa.

Ito po naman kami sa Senado, hindi naman po kami above the law. Lahat naman po tayo ay pantay-pantay sa ilalim ng batas. Senador ka man o ordinaryong mamamayan, kailangan natin sundin ang batas. Noong pang 2001 Neal (Ocampo) inihayag ng Korte Suprema na sakop ng anti-graft at plunder law ang mga miyembro ng Kongreso. Senador ka man o kongresman, hindi po ito dahilan para ikaw ay hindi isuspinde o sumunod sa utos ng Sandiganbayan. Hindi po Senado ang nagsuspinde, in-implement po natin ang order ng Sandiganbayan na sang-ayon sa desisyon ng Korte Suprema noon pang 2001.

Q: Ano po ang mangyayari sa kanilang sweldo o sa kanilang mga benepisyong kanilang natatanggap?

SPFMD: Yun pong kanilang mga sweldo ay hindi po maring ipagpatuloy. Yan po ay sang-ayon sa anti-graft law. Pero yung mga staff nila, dahil sila po ay empleyado ng Senado po mismo, kaya hindi po sila apektado at patuloy ang kanilang pagtatrabaho.

Q: Bukod po dun sa sweldo, yung mga pagpirma sa mga resolution wala na?

SPFMD: Wala na po iyon. Hindi na pwede na mag-file ng bill, hindi po sila pwedeng bumoto sa committee report, at hindi po sila bumoto sa anumang desisyon ng plenary. Ito po ay for 90 days, at yaan po ang utos ng Sandiganbayan.

Q: Hanggang Pasko pa po yung suspension?

SPFMD: Hanggang end of November lang.

Q: Tungkol po sa mga pending bill na magbababa ng income tax, suportado po ba niyo yan sa Senado?

SPFMD: Ay sinusuportahan po natin yan sa Senado. Alam mo po ba na kapag hindi natin naitama ang sistema ng pagbubuwis sa bansa, pagdating ng 2018 ay parehas na ang tax bracket na ang babayaran ng pinakamababang empleyado ng gobyerno at ang susunod na Presidente ng Pilipinas. Parehas na po ang babayaran nila - 32%. Ganyan din po sa pribadong sector ang mangayayri -yung bagong tanggap na manggagawa sa pinakamababang posisyon ay parehas ang babayaran na 32% na parehas na ipinapataw sa mga pinakamayayamang executives at opisyales ng mga malalaking kompanya.

Ito pong bracketing ng pagbubuwis sa income tax ay last na ginalaw pa noong 1997 pa. Ibig sabihin, hindi po na-consider noon yung inflation. Ngayon kasi, pag tumaas ang mga sahod, tataas din ang tax bracket. Kaya naman by 2018, magkakaparehas ang tax bracket ng pinakamababang empleyado ng gobyerno at ang susunod na President eng Pilipinas. Kaya talagang kailangan natin ayusin ito para hindi mabigat ang babayaran ng ating mga pangkaraniwang mamamayan.

Q: Mantakin niyo, parehas ang babayaran ng isang manggagawa sa binabayaran ng mga milyonaryo?

SPFMD: Tama po iyan. Kasi hindi nila tiningnan yung inflation. Ang naging tingin nila, yung P100 noong 1997 ay P 100 pa rin ngayong 2014. Hindi ho tama yun. Mas mababa ang halaga ng piso ngayong kasalukuyan as compared noong 1997. Pero parehas pa rin ang tax bracket.

Q: Kelan po ba maipapasa iyan? Tsaka naipasa na po ng House Committee on Ways and Means yung pagtaas ng tax limit sa 13th month pay , at iba pang bonuses hanggang sa P 70,000.

SPFMD: Iba pa po iyan, dalawang magkahiwalay na measure po iyan. Una itong tax bracket na binabanggit ko. Yung isa yung sa 13th month pay. Sa kasalukuyan, nagbabayad po ng buwis ang isang mangagawa kapag lumagpas ng P30,000 ang kanyang bonus. Ito po ay dahil sa batas na noon pang 1994 pa. Ang ating ginagawa sa Kongreso at Senado ngayon, ang bonus hanggang sa P70,000 ay exempted sa income tax. Yan po ang ating tulong sa ating mga manggagawa.

Q: Kelan po iyan aaprubahan po iyan ng Senado?

SPFMD: Hinihintay po namin matapos sila sa Kamara de Representate. Yung po ang sinasabi ng Saligang Batas dahil yan ay parehas na revenue measure. Yan pong 13th month pay tax exemption bill ay naipasa na sa committee level, kaya siguro by next year ay nasa amin na iyan.

Q: Ganun din po sa batas sa pagsasaayos ng tax bracket?

SPFMD: Tama po. Mauuna din po sa Kongreso yan dahil yan ay revenue measure. Pero po sa 16th Congress po ngayon ay ating ipapasa iyan, at bago matapos ang termino ng Pangulong Aquino ay aming maipapasa iyan.

Q: May abiso na ba ang Palasyo kung kelan nila isusumite ang Bangsamoro Basic Law?

SPMFD: Nakausap po natin si Sec. Ging Deles, at nabanggit niya na bago po matapos itong araw na ito ay ifi- finilaze na nila, at bago umalis ang Pangulo next week ay aming matatanggap ang Bangsamoro Basic Law. Kinausap ko na rin si Senator Bongbong Marcos ng Senate Committee on Local Governance na siyang hahawak nito at si Senator Guingona ng Senate Committee on Peace, Unity and Unification ay kapag nareceive na namin ang Bangsamoro Basic Law ay kaagad ito isasalang sa committee hearings, at binibigyan po natin ito ng hanggang March 30 of next year para matapos ito, dahil pagpasok ng Oktubre ay papasok na rin ang national budget sa amin, kaya mahihirapan kaming isingit itong Bangsamoro Basic Law, dahil matapos ang budget by December 31. Mahirap ipagsabay yung dalawang panukalang batas na medyo masalimuot. Binibigyan po natin ang aming mga sarili ng hanggang March 30 of next year para maipasa ito, at para magkaroon ng ratipikasyon, at by 2016 ay mayroon na pong mga bagong halal na opisyal sa Bangsamoro.

Q: May pagasa po ba na maipasa ang FOi at anti-political dynasty bill ngayong taon?

SPFMD: Ang Freedom of Information Bill ay amin na pong naipasa sa Senado noong first quarter ng taon. Kaya naman po iyan ay nasa House of Representatives ngayon. Yaan pong anti-political dynasty, itutulak po iyan ng inyong lingkod na si Senator Drilon dahil ito po ay mag-iiba ang sistema ng pulitika sa ating bansa kapag naipasa po iyan. Ako po ang mamumuno sa batas na iyan.

News Latest News Feed