Press Release
August 21, 2014

Pahayag ni Sen. Sonny Angara kaugnay ng Ninoy Aquino Day

Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang sambayanang Pilipino sa pagtataguyod ng mga isinulong at ipinaglaban ni dating Senador Ninoy Aquino. Ginusto niya noon, at patuloy naman nating hinahangad ngayon, ang pagkakaroon ng patas na oportunidad sa buhay gamit ang polisiyang "edukasyon para sa lahat."

Hinangad niya noon na umiral ang isang makatarungang lipunan. Ngayon, hinahangad pa rin natin na magkaroon ng oportunidad ang bawat maralitang Pilipino na makaahon sa buhay. Patuloy na sinisikap ng bawat isa sa atin, sa publiko man o pribado, na maiangat ang antas ng pamumuhay ng ating mga kapos-palad na mamamayan. Lahat ay nangangarap na tuluyan ng mapaliit ang agwat ng mahihirap at mayayaman sa lipunan.

Nilabanan din ni Ninoy noon ang mga pagmamalabis, panggigipit at pang-aabuso sa ilalim ng dating diktaturya. Ngayon, patuloy ang ating pagmamatiyag, pakikialam at pakikipagpalitan ng mga katwiran sa mga usaping may kinalaman sa ating mga karapatan at kalamnan.

Noon ay matatandaang mariing tinutulan ni Ninoy ang kawalan ng moralidad ng mga namumuno sa pamahalaan na aniya'y dahilan ng paglaganap ng kahirapan. Ngayon, patuloy ang panawagan natin na magkaroon ng matuwid at matapat na uri ng serbisyo publiko, ang lahat ng ating mga niluluklok upang sa gobyerno ay mamuno.

Ngayon at sa mga darating pang panahon, mananatiling makabuluhan si Ninoy sa buhay ng bawat Pilipino. Ang kanyang pakiki-baka, mga ipinaglaban, at maging ang kanyang isinakripisyo ay patuloy na magsisilbing aral, hamon at motibasyon sa mga darating pang mga henerasyon.

News Latest News Feed