Press Release
August 8, 2014

Transcript of Sen. Grace Poe's dzMM Interview
Hosted by Mr. Ted Failon

On DAP records

Ted Failon: Una po nagkaroon po kayo ng hearing sa DAP noong July 24 at may hinihingi kayong dokumento sa DBM ukol sa detalye ng DAP projects. Ano na po ang feedback doon?

Sen. Grace Poe: Ikinalulungkot ko na hanggang sa puntong ito, hindi ko pa po natatanggap ang mismong SARO. Ang sabi, lahat ng SARO ay i-poprovide sapagkat sa SARO nakalagay kung saan nila hinugot ang pera para mabigyan ng pondo ang isang proyekto. Particularly yung sa Quezon ang gusto nating malaman dahil ito ay suporta para sa pinakamahihirap. Noong isang linggo, nagpadala sila ng liham sa pamamagitan ni Sen. Chiz sa finance committee na naka-upload na sa kanilang website ang mga SARO. So tiningnan ko, akala ko may bago, pero yung SARO, yun pa rin ang nakalagay. Number lang at hindi mismo ang scanned copy ng SARO. So, wala pa po. Ang ginawa namin, nagpadala kami ng hiwalay na liham na nakasaad na alam namin na marami silang inaasikaso, siguro hihingin na lang namin yung mismong SARO. Magbigay ng isang halimbawa particular na yung sa Quezon. Yun ay pinadala namin kahapon at inaantay na lamang namin ang kanilang kasagutan.

Failon: Alam po ninyo kung gaano ito ka-importante. Sa transparency, matulungan sila na ipaliwanag na ito ay nagastos ng tama. Yan ang kagandahan dito kung sila ay transparent.

Poe: Yung punto naman nito ay hindi para makahanap ng makakasira sa kanila kundi makakatulong. Naniniwala naman ako na itong mga proyekto na ito ay para sa kabutihan at kung talagang ginamit sa kung anong pinaglaanan ay sa tingin ko naman ay makakatulong naman talaga ito.

Failon: Hindi po doon nagtatapos ang usapin na ito. Sa hearing, ang kwestyon ng nakararami sa inyo, una, sa DAP Projects, dapat malaman kung saan kinuha yung savings. Saan nilagay? Pangalawa, yung maliban sa DAP ay mayroon pang "regular savings." Kasama po ba ang mga bagay na ito sa inyong liham?

Poe: Ang ginawa ko po kasi, manong, malinaw po talaga sa hearing kung ano yung mga naging tanong ko. Ayokong gawing dahilan na napakarami ng hinihingi ko para matagalan ang kanilang pag-release. Sabi nila, kung saan nanggaling ang pera para pondohan ang isang proyekto ay nakasaad sa SARO. Yun ang gusto kong unang makita. Isang SARO lang naman ang hinihingi ko kaagad sa liham na ito, so baka mas madali nilang maibigay. Yun muna ang nilagay ko. Pero malinaw sa hearing kung anu-ano pa ang tinanong ko.

Tinanong ko rin sa kanila, sino ba ang nagdedesisyon para pondohan ang isang proyekto? Saan galing ang pera at paano natin makikita ito? Sabi ko nga ay makikita ito sa SARO, so hintayin na lang natin muna yung isang ehemplo na hinihingi ko.

Failon: Sige po, mahaba ang inyong pasensya ma'am, pasensya muna tayo. Pero siguro po may hangganan din ho ang inyong pasensya?

Poe: Lahat naman tayo. Pero siguro isipin na lang natin ang kabutihan ng mas nakararami. Yun naman talaga ang punto natin dito.

Failon: Magkakaalaman din ho ba dito kung talaga bang transparent sila o ito ho ay ayaw nilang ilabas sa publiko.

Poe: Ganun na nga po, talaga namang panalangin ko ang kabutihan dito.

Failon: Opo, sorry po, pero alam niyo, huwag naman po sana nilang masamain na ito ay kunukulit ninyo, kinukulit natin, kasi nga alam niyo na ang ibig sabihin natin dito. Kung talagang totoo ang sinasabing ito ay nakabuti nga sa ating mga kababayan, ano ang problema kung isasapubliko ang mga detalye?

Poe: Opo tama po kaya hinihintay talaga natin.

On FOI

Failon: FOI bill ma'am? Waiting po kayo sa inyong counterpart, ano po ang feedback sa inyo ng inyong counterpart in the House?

Poe: Ang nadidinig ko, tapos na yata sila sa technical working group nila, so nag-cocommittee hearings na. Sa ating mga kababayan na nakikinig, bakit importante ang FOI, malayo ata ito sa bituka? Katulad po ng mga SARO na ito, kung meron po tayong FOI, bago pa lang po natanggap yung pera doon sa pagbibigyan nito, naka-post na po sa mga website yung mga actual na SARO, so magiging mas mapagbantay na tayo dito sa mga proyekto na ito.

Sa Lower House po, ang alam ko po sa Kongreso ito po ay binanggit na mismo ng Speaker na ito ay maipapasa sa termino niya. So ako naman ay umaasa na ito ay legasiya din ng ating Pangulo.

Failon: Gawin po natin itong example, ang hinihinging dokumento concerning itong DAP identified projects. Under the FOI Bill ba, sa inyong version Madam, kapag humihingi ka ng mga ganitong dokumento meron bang time frame na dapat iyan ay i-release ng gobyerno? Meron bang kaparusahan kapag hindi tumugon sa request ng taumbayan?

Poe: Actually pag pumunta ka sa isang ahensya at may FOI na tayo, meron silang tanggapan na yun lamang ang trabaho, so meron silang until 15 business days, kung di ako nagkakamali, para ibigay sa iyo ang kasagutan na iyan. Ngayon, kung meron na silang naka-upload sa website, kasi may mga bagay-bagay po na sila po ay inuutusan na ilagay na sa website kaagad-agad, edi kaagad-agad niyo din pong makukuha. Kaya maganda sana itong FOI dahil katulad niyan, ang mga ilalagay mismo sa website nila yung kanilang earnings at kanilang expenditures, yung mga projects nila, mga items to bid, lahat ng proyekto uploaded lalo na yung worth P50 million and above. So lahat po iyan makakatulong sana sa pagbabantay natin nang hindi naman tayo maisahan.

Failon: So meron ho bang penal provision ang inyong panukala na ang sinumang hindi makakatugon sa ganito pong legitimate request sa gobyerno ay maaring makulong?

Poe: Yun nga po nilagyan natin ng ngipin itong FOI sapagkat merong Administrative Code talaga na kapag hindi ka nagbigay ng impormasyon ay pwede ka talagang kasuhan, kaya lamang parang hanggang isang buwan lang ang pagkakakulong. Dito sa FOI natin alam kong hindi pa din ganun katagal pero may six months tapos may administrative sanctions pa, tapos meron pang multa na hangang P100,000 kaya kahit papaano ay nilagyan natin ng lakas ang batas na ito.

On disclosure of SALN

Failon: Ang inyong version, specific po bang kasama kapag hiningi ang statement of assets, liabilities and net worth ng Chief Executive to the SC Chief Justice to the House Speaker to the Senate President, ito po ba lahat ay pwedeng kunin?

Poe: Opo, salary grade 26 and above. And particularly heads of agencies and offices. Sabi namin, kapag nilimitahan mo lang sa matataas na posisyon, 'yung may mga masamang balakin, sasabihin "huwag na tayo manilbihan sa lehislatura kasi diyan nakasaad lahat ng kayamanan mo, kita mo. Doon na lang tayo sa local government." Sinigurado namin, sa suhestiyon at tulong ni Sen. Miriam, na pati heads of offices kasama dito sa pagpapaskil sa website. Hindi lamang pwede na ibigay sa'yo ang SALN, naka-upload po dapat ito sa website.

Failon: When you say head of agency, talagang hanggang Chief Justice 'yan ma'am? Hanggang Pangulo ng Pilipinas? hanggang House Speaker? hanggang Senate President?

Poe: Tama po kayo.

News Latest News Feed