Press Release
August 7, 2014

Transcript of Sen. Grace Poe's GMA News
To Go Interview With Mr. Howie Severino
 

Sen. Grace Poe: Magandang umaga, Howie.

Howie Severino: Bakit tinalakay ng inyong committee on public order itong issue ng ATM skimming?

Poe: Unang-una, napakahalaga ng isyung 'yan. Iyan po ay kasama sa aming komite dahil public order nga at kung ano ang mga ni-rereport na mga crime kasama na diyan ang ATM fraud at crime. Nakakabahala sa ating bansa ngayon, marami sa ating mga kababayan ang kumukuha ng kanilang sweldo sa pamamagitan ng ATM na lang. Kaya importante na matalakay ito sapagkat maraming kababayan natin ang nakadepende talaga dito para sa kanilang pangangailangan.

Severino: Ayon sa mga bangko, naghihigpit na sila sa seguridad sa mga ATM. Sa tingin niyo po ba sapat na ang kanilang ginagawang paghihigpit?

Poe: Siyempre meron pa ring mga nakakalusot. Noong Pebrero, tinalakay namin ito at sinabi nga na napakaraming nakuha noong isang taon pero kung iisipin niyo, P220 million. Kung ilan man ang nakuha last year thru ATM fraud, ilang bilyon naman kasi ang nakadeposito, so meron talagang ibang nakakalusot pero ang maganda namang natutunan natin dito, 'nung tayo ay nagkaroon ng public hearing ay ang commitment o iyong pagbibigay ng assurance ng mga bangko, na pinag-aaralan nila ang pagbibigay ng panandaliang credit para sa mga naging biktima.

Pangalawa, sila naman po ay nagsabi na maglalagay ng mga CCTV cameras at bagama't hindi pa sa lahat ng lugar pero isa na 'yan sa mga hakbang. Pangatlo, iyon nga sa pag-uusap natin sa Bangko Sentral, meron silang ATM fraud desk at sinabi din nila na mas patitibayin nila ang bagong klase ng ATM card. Pero 'yan ay siguro ma-iimplementa pa ng 100% sa darating na 2016. Pero sa ating mga kababayan na nabibiktima dito, huwag po kayong mag-atubili na pumunta nga sa bangko ninyo at sabihin kung kayo ay napagnakawan. Pero gaya nga ng sinabi ninyo dito sa nakaraang insidente, mayroon yatang ginamit na CCTV camera para makakuha ng pin. Kaya nga po dapat pag-aralan itong mabuti. Sabi nga nila, kung medyo naka-alsa ang keypad, huwag po ninyong gagamitin. Kung hindi kayo sanay, katulad 'nung ilaw na nagbi-blink, kung medyo hindi 'yan gumagana katulad ng normal na ATM, huwag po ninyong gagamitin. So kasama na rin po 'yung ating pagbabantay para huwag tayong maloko.

Severino: Ayon sa ilang biktima ng ATM skimming, umaabot pa ng isang linggo bago na-reresolba ang nanakaw na pera at ang kanilang reklamo. May paraan kaya para mapabilis ang proseso na ito?

Poe: Oo nga po. Siguro depende din kasi sa proseso ng mga bangko. Nandoon po ako na dapat maagapan, lalung-lalo na po kung maliit lang naman kung i-kukumpara sa kinikita ng bangko. Kunwari ang sweldo ng isang ordinaryong manggagawa ay P20,000, siguro naman hindi ikahihirap ng bangko na ibalik 'yan. Kaya nga ako ay nakikiusap lang sa kanila na habang iniimbestigahan nila, kung kilala naman nila yung taong iyon, meron namang file sa bangko, hindi naman siguro mag-iimbento ng storya sapagkat meron namang kaukulang impormasyon na naka-file sa bangko nila. Sana ay pagbigyan na at ibalik na kaagad ang pera habang iniimbestigahan.

Severino: Nabanggit niyo na ang iba ay naglalagay ng camera, hidden camera presumably. Ito ba ay parang ginagamit din nila yung mga nakikita nating surveillance camera o CCTV na iniisip ng karamihan ay nilagay ng bangko?

Poe: Yun na nga ang isang nakakatakot, kung hindi standardized ang pagkagawa ng bawat ATM, syempre malilito ka. Katulad niyan kung yung camera ay mukha lang ordinaryo, baka naman iniiisip mo, it's also for your protection, so isa pa nga iyan sa maaring pag-aralan din ng ating mga bangko.

Kasi kami naman dito, yung aming lugar dito bilang public order, pag may nire-report na crime na ganyan ay sundan ang ebidensya para mahuli ang mga nagsagawa nito. Pero para rin naman sa protection ng bangko, huwag silang magtipid sa security features ng kanilang ATM. Siguraduhin nila na yung camera ay nakalagay sa isang lugar na hindi basta-basta magagawan ng paraan para palitan at lagyan ng panibagong camera.

So yung mga bagay na ganun, yun naman po ay isang serbisyo na ibinabayad natin sa mga bangko para pagbutihin din nila ang kanilang pagbigay ng serbisyo din sa atin. Kasi diba lahat naman tayo ay may service charge na binabayad sa bangko. Kasama na rin siguro diyan yung insurance na pag tayo ay nabiktima meron naman din silang pang-abono muna habang iniimbestigahan nila.

Pero nais ko rin namang sabihin na sa aking pakikipagpanayam dito sa mga representatives ng mga bangko, kasama na yung BPI, sila naman po ay talagang nagbigay ng assurance sa atin na naiintindihan nila ang sitwasyon at bibigyan nila ng karapat-dapat na refund habang iniimbestigahan nila, kaya lang sana huwag naman tatlong araw o isang linggo sapagkat sweldo nga iyan ng ating mga kababayan at kailangan nila iyan.

Severino: Senator, alam natin na iba-iba ang mga pwesto ng ATM, may mga ATM na stand alone, nasa madidilim na lugar. Meron namang ATM na nasa labas lang ng bangko at may nakatingin pang security guard. Ayon sa inyong pagsusuri, mas secure ba talaga na mag-withdraw o gumamit ng ATM na nasa labas ng bangko o nakadugtong mismo doon sa bangko?

Poe: Tama ka diyan Howie, yung isa sa pinag-usapan namin na naka-house sa isang lugar yung ATM. Kaya lang, ito na nga, kahit anong security feature ang ilagay mo pag meron talagang masasamang loob na gagawa ng mga ganyan ay gagawin talaga nila iyan. Kaya nga isa rin sa solusyon dito ay ang mabilis na pagtugon ng ating kapulisan. Ang alam ko, ang NBI ay meron na ding ATM fraud desk pero gayunpaman alam naman natin na kulang na kulang ang ating hanay para matugunan ang pangangailangan na ganiyan pero kahit naman sa ibang bansa halimbawa sa America, minsan nga yung mismong ATM ang hinahatak para itakbo. I think nangyari na rin sa atin iyan dito. So may mga tao talaga na gagawa at gagawa ng paraan. Nandiyan na yung tulong ng bangko na kapag nangyari iyan ay maibabalik ang pera. Nandiyan ang tulong ng ating mga depositors na sila ay mag-iingat. Higit sa lahat, nandiyan yung dapat sinasabi talaga ng ating bangko na kapag mayroong ganyan ay naibabalik nila kahit panandalian habang iniimbestigahan ang pera.

Severino: Senator Poe, kaugnay naman sa iba pang usapin, ano naman po ang inyong reaksyon sa kagustuhan ng ilan na muling patakbuhin sa pwesto si Pangulong Noynoy Aquino sa 2016?

Poe: Nangyayari talaga kapag sa mga kaalyado na minsan hindi naman inuutusan pero sila mismo ang gumagawa ng hakbang. Pero ako ay naniniwala sa pagkatao ng ating Pangulo. Sana nga ang ating susunod na pangulo ay maging kasing-tapat niya. Hindi man siya perpekto pero sa tingin ko, mas gusto ko ang ganitong uri ng pangulo na kahit papaano ay alam natin na hindi tayo naiisahan. Kaya lang may mga iba siguro sa paligid niya na hindi tayo kumpiyansa. Mayroon tayong Constitution na inaprubahan nang panahon ng ating Pangulong Cory na nakalagay na isang termino ka lang talaga bilang pangulo, hangga't baguhin nila ang Konsitusyon. Sa tingin ko, ang legasiya ng kanyang mga magulang ay napakahalaga. Sa tingin ko, susundin niya ang ehemplo ng kanyang nanay na noong tapos na ang termino ay bumaba na sa pwesto ng wala nang sinasabi pa. Kaya para sa akin, kasama iyan sa pagpapalakas ng ating demokrasya na kahit na maganda pa ang pamamalakad ng ating Pangulo ay gagalangin niya ang nakasaad sa ating Konsitusyon at siya ay bababa sa kanyang pwesto. Sa tingin ko, ang ating pangulo na ating ginagalang at mayroon akong kumpiyansa sa kanyang liderato, ay gagawin iyon.

Severino: Kayo naman po Sen. Poe, ang pangalan ninyo ay isa sa mga matunog para sa 2016. Dati noong na-interview kayo, nagbibigay kayo ng categorical no. Sabi ninyo hindi pa kayo handa, but recently, napapansin namin na parang mas bukas kayo sa inyong mga options sa 2016. Ano po ba ang kinoconsider ninyong factors para sa inyong desisyon?

Poe: Wala naman talagang nagbago hanggang sa puntong ito. Napag-usapan ninyo siguro magmula nang ako'y manalo bilang senador, iyan ay nilulutang na at tinatanong. Ang sagot ko palagi diyan ay hindi pa ako handa, marami pa akong dapat matutunan. Kaya ko lang naman hindi sinasabi ng buong-buong hindi, sapagkat sabi ko nga, paulit-ulit din, na hindi natin hawak sa ating mga kamay ang kinabukasan. Sa ngayon, hindi ko naman iyan kinokonsidera. Wala namang nag-iimbita pa sa akin na tumakbo. Unang una, wala naman akong partido. Pangalawa, sa tingin ko ang aking ginagawa sa Senado ay makabuluhan. Pangatlo, mayroon namang mas desisidong tumakbo, siguro sila na lang ang dapat tanungin ukol sa kanilang mga pinaplano.

Severino: Okay pero may panahon pa para magdecide. Alam natin iyan. Maraming salamat po, Senator Grace Poe, chair ng committee on public order.

Poe: Always a pleasure.

News Latest News Feed